Lamang Tiyan ng Paslit: Laban sa Malnutrisyon
Walang sinumang bata ang dapat na naiiwanang walang laman ang tiyan. Lahat ng sustansya, kaalaman, at lakas ay nanggagaling sa pagkain kung kaya’t isa ito sa mga karapatan ng ating mga paslit. Subalit nang dahil sa hagupit ng kahirapan ay hindi maiiwasan ang kakulangan sa pagkain na siyang nagdudulot ng kagutuman.
Ayon sa UNICEF, humigit kumulang 3.6 milyon sa populasyon ng kabataan ang nakakaranas ng malnutrisyon na siyang dapat masolusyonan.
Sa bayan ng Capiz sa Roxas City, isa sa mga prayoridad ng Local Government Unit (LGU) ang seguridad sa pagkain at edukasyon ng kabataan. Agosto 2019 nang makipag-ugnayan si Hon. Mayor Ronnie Davidas sa punong bayan ng Sipalay, Negros Occidental na si Mayor Hon. Maria Gina Lizares upang humingi ng tulong at magkaroon ng “partnership” sa Jollibee Group Foundation. Bilang pagtanggap sa alok ni Mayor Ronnie, inimbitahan ng alkalde ng Sipalay ang alkalde ng Roxas City na makilahok sa gaganaping pagsasanay para sa mga potensyal na kasapi ng lumalaking Busog, Lusog, Talino (BLT) network. Nang sumunod na buwan ng Setyembre sa parehong taon, binisita ng pangkat ng Roxas City ang bayan ng Sipalay para sa oryentasyon at immersion patungkol sa BLT Kitchen. Ilan sa mga magulang ay nagboluntaryong makilahok sa Jollibee Group Foundation Training sa Roxas City, Julyo ng 2021 upang maghanda sa nalalapit na pagpapatupad ng programa. Makalipas pa ang ilang buwan, Disyembre 2021 ay naisatupad ang kauna-unahang BLT Kitchen sa Panay.
Ang implementasyon ay pinangungunahan ni Mayor Ronnie Davidas sa tulong ni Perseus Cordova, City Social Welfare and Development Officer (CSWDO), at LGU focal person Maria Roxanne Pinedez. Ang BLT Kitchen o Busog, Lusog, Talino Kitchen ay programa mula sa Sipalay, Negros Occidental katuwang ang Jollibee Group Foundation na nakarating din kalaunan sa Roxas City.
Sinusuportahan nito ang implementasyon ng DepEd School-Based Feeding Program (SBFP) na siyang maglalaan ng nararapat at sapat na nutrisyon ng mga pagkain para sa mga bulilit na may malnutrisyon sa kanilang mga paaralan. Ang programang ito ay ang nagtataguyod ng gawi upang ito ay magpatuloy at makatulong sa mga nangangailangang paslit.
Ngunit kalaunan, nang dahil sa pandemya ay naging Community-Based Central Kitchen ang dating BLT Kitchen. Ang CBC Kitchen ay ang siyang nagbibigay ng pagkain para sa mga frontliners, pasyente ng pasilidad ng COVID 19, Day Care Preschoolers, Children in Crisis Situations, at 24 oras na handang romisponde para sa mga pamilya na naging biktima ng sunog o anumang sakuna. Nag-iba man ito ay hindi pa rin nito maibubura ang kasaysayan ng pagtulong sa mga nangangailangan dahil ganun pa rin ang tanging layunin nito. Patunay lamang na magaspang man o malubak ang landas na iyong tatahakin, gaano man ito kalayo at puno ng dagok, sa katapusan ng kalsada ay may mga palad na nakalahad para sa iyo at handa kang matulungan na maiahon sa kahirapan.
(DSWD6/ Sherylyn Mae Bonotano BA Journalism – WVSU)