Munting pangarap ng isang batang 4Ps

BELISON, Antique – Hindi masama ang humiling ng magandang kinabukasan mula sa kalangitan kahit na ano pa man ang iyong estado sa buhay.

Anumang pagsubok ang iyong harapin, dapat ay hindi kaagad panghinaan ng loob. Kagaya na lamang ni John Mark C. Tanio o mas kilala bilang si “John-John”. Sa bawat hamon na ibinabato sa kaniya ng buhay, kaniya lamang itong ginagawang inspirasyon upang mas pagtibayin ang kaniyang sarili.

Bagamat salat sa pinansyal na pangangailangan, lumaki naman sa tahanang puno ng wagas na pagmamahal at walang katapusang pangarap ang bunso sa anim na magkakapatid na si John-John. Sa dami nilang magkakapatid ay naitaguyod pa rin ng kanilang mga magulang ang kanilang pag-aaral.

Ang kanilang ama ay nagtatrabaho sa Maynila bilang timekeeper sa isang construction habang ang kanilang ina naman ay ang siyang nag-aalaga sa anim na mga bulinggit. Lumuwas man ng lungsod ang haligi ng tahanan, hindi pa rin maitatanggi na kulang ang salaping kinikita nito para sa kanilang pamilya.

Maituturing pagsubok ang kakapusan sa pera ng mag-anak, subalit simula lamang iyon ng iilan sa hagupit ng buhay sa kanila. Dumating ang pandemya na siyang nagpahinto sa usad ng trabaho at pag-aaral. Dahil dito, napilitang umuwi ang ama ni John-John sa kanilang probinsya at sa kasamaang palad ay isa siya sa mga nawalan ng trabaho na siyang nagsanhi ng lalong paghihirap sa pamilyang Tanio. Pinaglaruan man sila ng pagkakataon subalit hindi ito naging rason ng kanilang tuluyang pagkalugmok. Sa mga panahong iyon, 4Ps ang sumagip sa gitna ng kalbaryo ng mag-anak.

Sa masalimuot na daanan, 4Ps ang naging sandalan at gabay ni John-John upang maipagpatuloy ang kaniyang pangarap at pag-aaral. Ito ang naghimok sa kanya para maging matatag at huwag magpatinag sa hamon ng buhay, na ang mga problemang ito ay hindi kailanman magiging sagabal sa kaniyang mithiin para sa kaniyang pamilya basta’t kapit bisig nilang haharapin ang lahat ng mga pagsubok.

Sa tulong ng 4Ps, nakapagtayo ng munting negosyo ang kanyang mga magulang – isang sari-sari store na may munting karinderya. Dahil dito ay napunan ang kanilang pangangailangan at nagtaguyod sa edukasyon ni John-John at ng kaniyang mga kapatid. Namulat siya sa pagsisikap ng kaniyang mga magulang, mabuhay, mapakain, at mapaaral lamang sila. Sa murang edad, natutunan niyang huwag i-asa ang lahat sa kaniyang mga magulang. Upang maka pandagdag tulong at makabawas sa gastusin ng kaniyang ina at ama, nagtitinda si John-John ng minatamis at mga panghimagas sa loob ng kanilang silid aralan.

Maliban dito, siya ay isang mahusay na estudyante, isang consistent honor student at nangunguna sa kanilang klase. Si John-John ay isang mag-aaral sa ilalim ng Special Program in the Arts, namamayagpag rin siya sa larangan ng pagguhit at pagpinta. Sa katunayan, hinirang sila at nakatanggap ng Unang Gantimpala sa katatapos lamang na SciMathlypics Poster Making na kinabibilangan ng mga mag-aaral sa buong probinsya ng Antique. Si John-John ay may talento at mahilig ring sumayaw, sa katunayan ay nakikilahok ito sa mga Mass Demonstration sa paaralan. Hindi lamang iyon, aktibo din siyang miyembro ng ibat-ibang clubs sa loob at labas ng kanilang paaralan.

Sa kasalukuyan, siya ay nasa ikapitong baitang at nag-aaral sa Belison National School. Sa kanyang murang edad naipamalas niya na ang kaniyang kahusayan, talino, at talento sa kapwa mag-aaral. Musmos man ngunit marami nang napulot na aral sa buhay at higit sa lahat, buo ang loob na mapagtagumpayan ang laban ng buhay. Dala ang aral na napulot mula sa kaniyang mga magulang, hinaharap nya ngayon ang hamon na mapatunayan na siya ay karapat dapat at namumukod-tangi – isang patunay na ang programang 4Ps ay tunay na nakakapagpabago sa buhay ng mga batang Pilipino.

“Ito ang aking kwento. Ako si John-John, John Mark C. Tanio. Isang malaking karangalan at ipinagmamalaki ko na ako ay isang benepisyaryo. Patuloy na nangangarap. Patuloy na nagsusumikap. Patuloy na lumalaban para sa kinabukasan nararapat para sa akin at ng pamilya ko. Malayo pa pero malayo na. Maraming Salamat Po!!!”Ipinasa ni ML Caridad, Mysel-Belison MOO, Antique POO/Edits by: Sherylyn Mae Bonotano- BA Journalism – WVSU)

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD