Dagok ng buhay napagtagumpayan
AREVALO, Iloilo City- Isa sa pinaka inaabangang okasyon sa bawat buhay ng isang estudyante ay ang pagtatapos ng pag-aaral o kung tawagin ay ang “graduation.” Ito ang araw na makakapagpatunay na ang bawat pagsisikap at paghihirap ay ating nalampasan tungo sa tulay ng pagbabago. Kagaya na rin ng 4Ps kung saan ang mga sambahayan na nakamit ang Level III na antas ng pamumuhay ay magtatapos na rin sa programa.
Noong Hulyo 19, 2024 sa Iloilo City, 361 na sambahayan ang nagtapos sa programa na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ginanap ang aktibidad sa Ramon Avanceña National High School na kung saan isa sa nagtapos ay si Ginang Lorena A. Sison ng Sooc, Arevalo sa syudad na ito.
Ayon kay Sison, bilang isang benepisyaryo ng 4Ps, malaki ang naitulong nito sa kanya sapagkat napagpaaral niya ang kanyang mga anak. Maraming bagay ang kanyang napagtagumpayan sa tulong ng 4Ps at isa na rito ay nakapagpaaral siya ng kanyang mga anak at ang iba sa kanila ay nakapagtapos na rin sa kolehiyo. Naibibigay niya rin ang pang araw-araw na pangangailangan ng kanyang mga anak sa kanilang pag-aaral, kalusugan, at pati na rin sa pang araw-araw na pamumuhay kung kaya’t malaki ang pasasalamat niya sa programa.
Para kay Sison, nagsilbing instrumento ang 4Ps sa kadahilanang nakapagpabago ito ng kanilang buhay dahil na rin sa mga Family Development Sessions (FDS) na kanilang dinadaluhan dahil sa pamamagitan nito ay tinuturuan sila kung papaano ba ang wastong pangangalaga o pamumuno sa kanilang mga tahanan, komunidad at sa kanilang mga anak.
Bago maging isang ganap na benepisyaryo si Sison, ay dati rin siyang Daycare Worker subalit hindi sapat ang kaniyang sahod upang mapakain ang kaniyang pamilya. Mahirap ang kanilang pamumuhay lalo na at anim ang kanyang mga anak. Ang kanyang asawa naman ay Senior Citizen na at hindi na makakapagtrabaho ng mabuti. Kaya’t noong naging benepisyaryo na ng 4Ps ang sambahayan ay mas naging maginhawa na ang kaniyang buhay kahit papano.
Ayon kay Sison, dahil sa 4Ps ay nakapagtapos ang iilan sa kanyang mga anak at nakapaghanap na rin ng trabaho. Sa katunayan, dahil sa tulong ng programa ay nakapagtapos din raw ang kanyang pangatlong anak sa West Visayas State University sa kursong Development Communication (DevCom) na kasalukuyang nagtatrabaho na rin DSWD-6.
“Ang isa kong anak na dating monitored child ng programa ay nagtapos ng education at ngayon ay isa ng guro. Ang isa ko namang anak ay nag-aaral pa sa University of Iloilo (UI) ngayon,” sabi ni Sison.
Ang mensahe ni Sison para sa mga nais na maging bahagi rin ng programa ay maging responsable at obligado sa pagtupad sa mga patakaran ng programa at ugaliing dumalo sa mga FDS. Ang mga nalalaman sa FDS ay dapat isabuhay ng maayos.
Ayon pa sa kanya, siya ay magsisilbing instrumento sa mga kapwa niyang benepisyaryo sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting ihemplo sa komunidad, at sa pamilya lalo na sa pagiging isang mabuting magulang.(Isinulat ni Frances Salcedo, BA Journalism- WVSU)