Tagumpay namin, tagumpay ng programa
Testimonya ni: Jennifer P. Salvador
Benepisyaryo ng 4Ps
ALTAVAS, Aklan – Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Isa sa mga programa ng gobyerno na naging malaking tulong para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino. Programang tumulong at umalalay noong mga panahong hirap na hirap kami ng aking pamilya.
Ako si Jennifer P. Salvador ng nasabing lugar at isa sa mga naging benepisyaryo ng 4Ps. Pero kelan ba nagsimula ang 4Ps? Sa totoo lang, hindi ko na maalala. Pero tiyak ako na wala pang 4Ps noong ako ay nasa elementarya hanggang sa nagsekondarya. Kung bakit kasi excited akong lumabas sa tiyan ni Mama, yan tuloy dise-syete na ako noon nang nakapasok kami sa 4Ps.
Pang-apat ako sa anim na magkakapatid. Hindi man ako direktang nakakinabang sa programa pero kasama pa rin akong nakinabang sa cash grants na tinatanggap ng aming buong pamilya kun saan tatlo sa aking mga nakakabatang kapatid na nasa high school ay minomonitor ng programa. Sa aming magkakapatid, ako pa lang ang unang nakapagtapos sa kolehiyo. Dalawa sa ate ko ang nakatuntong naman sa college pero ang isa ay hindi talaga nakapagtapos.
Dalawang put walo na ako ngayon ay pero sariwa pa sa aking gunita ang ala-ala noon. Pagkatapos ng pitong taon sa elementarya, gumugol ulit ako ng apat na taon sa sekondarya. Sa tuwing nagtatanong sila kung saan ako magkokolehiyo, ang parati ko lang sagot ay mag PMA ako (PMA bilang “Pahinga Muna Anak), yan ang biro ko. Akala ko hindi na ako makakapagkolehiyo, sapagkat wala namang matatag na trabaho ang mga magulang ko. Salamat sa mga scholarship programs ng gobyerno, nakapag-aral ako sa kolehiyo.
Kolehiyo! Apat na taon ka lang, pero labis mo akong pinahirapan. Doon ko mas naramdaman ang hirap ng buhay. Unang taon ko ay sa Kalibo ako’y nag-aral. Isang linggo kong allowance ay dalawang daan, kasama na ang pamasahe ko na isang daan. Isang itlog na nilaga ay hahatian pa, para sa tanghalian at hapunan ay magkasya. Noodles na niluto ko’y ipagkakasya, para sa dalawang kain ay makaya. Pero pag-uwi ko galing eskwela, sayang, panis na pala. Yong tutulo ang luha mo sa panghihinayang at bumubulong sa sarili na inubos ko nalang sana.
Akala ko noon, basta magsikap ka lang lahat makakaya. Pero hindi pala. Dahil sa pagkain ko’y kulang sa sustansya, resistensya ko’y naging mahina. Dahil sa karamdaman, kinailangan kong lumipat ng paaralan pero mabuti nalang, may TEKA scholarship na nag-aantay. Lumipat man ako ng paaralan, ay nanatili pa rin ang aking kagustuhan na pag-aaral ay aking pagsikapan. Ang pinakamahabang apat na taon ng aking buhay, nagawa kong lampasan. Nagtapos akong may karangalan.
Para sa akin, pangarap ko’y naabot ko na, sapagkat ako’y meron ng college diploma pero hindi pa pala, sapagkat meron pang Licensure Examination for Teachers (LET), para maging gurong ganap na. April 2016 akoy nagtapos sa kolehiyo. Mga kasamahan ko’y muling nagpaenroll para magreview sa nalalapit na eksaminasyon, pero ako’y walang perang kaya iginugol ko muna ang sarili sa paghahanap ng trabaho.
Habang mga kaklase ko’y naghahanda para sa LET, ako nama’y nagtatraho bilang customer service representative. Ginawa kong araw ang gabi, sapagkat araw ang aking tulog, samantalang gabi ako naghahanap ng pera. September 2016, kahit ako’y hindi handa, sumubok akong kumuha ng pagsusulit para maging ganap na propesyunal na guro. Sa awa ng Diyos, ako’y pumasa, ako’y naging ganap nang guro na may lisensya.
Sa muli, akala ko’y pangarap ko’y abot kamay na pero maling-mali ako, akala ko lang pala. Dalawang taon akoy nagtrabaho bilang customer service representative sa isang kompanya habang patuloy na nagpaparanking para maging ganap na guro. Pero sadyang mailap ang tadhana dahil sa pagmamahal ko sa pagtuturo, trabaho ko’y pansamantalang sinuko. Sumubok magtrabaho bilang guro, kahit tatlong libo sa isang buwan lang ang sweldo. Doon ako lubos na nahirapan at doon ko mas naramdaman ang malaking kahalagahan ng 4Ps.
Tuwing wala akong maibigay kay Mama mabuti nalang merong ayuda galing sa 4Ps kaya ang kanilang pangangailangan ay mabibili nila. Pero hindi ko din kinaya, kasi sabi ko, ako ay meron ng lisensya, dapat ay nakakatulong na ako sa pamilya. Nagdesisyon akong dalawang trabaho ay pagsabayin, sa gabi ay call center, sa araw ay teacher. Papasok bilang call center ng alas 10 ng gabi, lalabas ng alas siete ng umaga. Deritso sa eskwela, sapagkat may mga estudyanteng nag-hihintay na. Matatapos ang klase ng alas cinco ng hapon pero ang antok, kapag lumipas na, ipikit mo man ang yong mata’y mananatiling gising ang diwa.
Anim na taon mula ng ako’y maging lisensyadong guro, pagkatapos ng pagod at puyat, sa wakas, inaani ko na ang bunga ng aking pagsisikap. Tama ng a pala ang kasabihan, masarap ang tagumpay kapag ito’y iyong pinaghirapan. Habang inaalala ko ang lumipas, naiisip ko na napakapalad nila, silang kabataan na naging benepisyaryo ng programang ito ng gobyerno. Hindi nila naranasang pumasok sa paaralan na kumakalam ang tiyan. Hindi sila papasok sa paaralan na butas at pigtas na ang tsinelas. Maswerte sila na kung merong biglaang bayarin sa paaralan ay may ipambabayad, hindi katulad ko noon sa amin na parang matutunaw sa hiya tuwing sisingilin ngunit magkakapal mukha nalang sapagkat wala namang magagawa.
Bilang isang guro, nakikita ko sa mukha ng aking mga estudyante ang kalagayan ko noon. Marami sa kanila ang mahirap, kaya marami din ang benepisyaryo ng 4Ps. Nakakataba lang sa puso kasi lahat naman halos sila pumapasok sa paaralan ng may baon. Nakakasali din sila sa mga aktibidad sa paaralan kahit ito ay may bayarin, hindi tulad ko noon. Kitang-kita naman ang malaking kaibahan sa buhay noong wala pang 4Ps at ngayong meron na. Depende lang din kasi iyon sa atin na tumatanggap ng tulong, kung sa mali o tama natin ito iuukol. Karamihan naman sa mga taong laki sa hirap pero may pangarap, hindi yan magsasawang magsikap. Ang programang ito ng gobyerno, kapag sa tama iniukol, walang pamilyang Pilipino ang sa hirap ay baon. Isa ang aking pamilya sa milyun-milyong tao na nakinabang sa programang ito, at isa din kami sa makapagpapatunay na ang 4Ps ay isang tagumpay.
Naging iba ang buhay natin ngayon at maraming salamat sa 4Ps. Ang totoo, marami akong naririnig na sinasabi ng mga tao, mula raw magkaroon ng 4Ps, ang iba ay ayaw ng magtrabaho. Hindi ko alam kung totoo ba na nangyayari ito basta ang alam ko, tayong naririto ngayon sa programa, lahat tayo hindi lang naupo at nag-antay ng tulong ng gobyerno. Nagsisikap tayo, nagtrabaho tayo at ginamit natin sa maayos na paraan ang tulong ng gobyerno para kung magtatapos na tayo sa programa taas noo tayong pagsigawan na produkto tayo ng 4Ps.
Salamat 4Ps dahil sa mga panahong kami ay walang-wala, nandyan ka para umalalay hanggang sa makaya naming tumayong mag-isa sa sariling mga paa. Nagtapos man ang tulong para sa aking pamilya dahil nagtapos na rin kami sa programa pero masaya pa rin ang aming loob sapagkat nagamit namin ito ng tama. (Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD