Dukhang Pinagpala
Testimonya ni: John Boy Zapico Saldivia
Benepisyaryo ng 4Ps
Registered Criminologist
LIBACAO, AKLAN – Ako po si John Boy Zapico Saldivia nakatira sa Barangay Alfonso XII sa bayang ito. Kami ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at napabilang sa grupo ng katutubong Akeanon Bukidnon.
Isa po ako sa siyam na magkakapatid. Namulat ako sa isang lugar na malayo sa kabihasnan. Nakatira kami sa isang maliit na bahay kubo na gawa sa pawid at kawayan sa Sitio Sadsaran na kung lalakarin mo ay aabot ng dalawang oras mula barangay proper ng Brgy. Alfonso XII. Mula sa aming kamusmusan at mapahanggang ngayon naglalakad kami ng ganun kalayo at lumulusong kami sa ilog kahit bumabaha, sinusugod naming ito para lng makapag-aral. Talagang kapos kami sa pangangailangan namin sa buhay, isang kahig at isang tuka kami noon.
Minsan man lang kami makatikim ng delata, noodles, karne at isda tuwing makakabenta kami ng abaca sa bayan. Kung maubusan kami ng bigas, mag-luluto lang kami ng kamoteng kahoy, saging at gabi. Pag maubusan kami ng gas, gagawa kami ng apoy sa loob ng kubo gamit ang mga sirang steel bowl para lang may liwanag habang kumakain di kaya kingke yong ginagamit at ginagawa namin upang magkakaroon ng liwanag sa kubo namin.
Noong panahon din na iyon lumayo ang aming tatay para mag-sakada para lang kami mabuhay. Lalong napahirap ang buhay dahil minsan lang kasi siya nagpapadala ng pera at marami na kaming utang. Minsan may mga kapitbahay na kami na binibigyan kami ng palay para makakain kaming magkakapatid. Aabot ng dalawang linggo o isang buwan maka tikim ng ulam. Magbebenta kami ng kamoteng kahoy, saging o gabi sa bayan para pag-uwi mayroong bigas at ulam na. Pasalamat kami sa grants na nakukuha namin sa 4Ps kahit paano nakatulong ito sa aming mga pangangailangan sa paaralan.
Habang ang nanay ko araw-araw naghahanap buhay. Kahit anong klasing trabaho ang kayang gawin. Minsan naglalabada, nag-kakaingin, nag-aani ng palay at nag-abaca para makaalalay sa aming pagkain. Para makatulong, ako naman ay nag-babantay ng kalabaw o kaya palayan kung walang pasok. Hindi bali umitim basta may sahod na Php150.00 pesos pagdating ng hapon. Lahat ng gutom, lamig man o init ay aking kinakaya importante makakain kami at makapag-aral ako.
Minsan na rin ako nahinto sa pag-aaral sa elementarya pero nakabalik ako sa paaralan ng kinuha ako ng aking guro na si Bernadette Zonio bilang school boy dahil naawa na din siya sa akin at napaka-delikado ng ilog na aming tinatawid araw-araw. Naging inspirasyon si Maam Zonio sa akin dahil kwento niya nagdaan din siya sa hirap ng buhay pero nakapagtapos siya dahil sa pagpupursige.
Labing-pitong taong gulang na ako nang muli ako nag-enrolled sa high school dahil nakita ko na rin ang hirap na walang patutunguhan ang aking buhay pag hindi ako makapag-aral at walang diploma na ipapakita kapag mag-aaply ng trabaho balang araw. Dito ko ulit naranasan ang mag-saka at mag-abaca, magdamag na gising para di matunaw ang binabantayan kong uling. Kinaya kung pagsabayin ang pag-tulong sa magulang ko habang nag-aaral ako. Dito ko rin naranasan ang palipat-lipat namin ng tirahan kasi hindi maiwasan ang magkaroon ng problema ang pamilya ko sa may ari ng tinutuluyan naming lupa. Nagpasya ang aking mga magulan na manirahan nalang sa isang abandonadong bahay.
Consistent Honor Student parin ako sa kabila ng mga hindi kompletong attendance ko sa paaralan dahil lagi akong tumutulong sa mga magulang ko sa bukid. Para kasi sa akin tuwing lumiliban ako sa klase alam na ng mga guro ko kung saan ako at ano ang ginagawa ko sa bukid. Laking pasalamat ko sa aking mga guro na iiintindihan nila ang aking sitwasyon hanggang ako ay nakapagtapos sa high school.
Pero nalungkot ako ng sabihan ako ng tatay ko na huwag na magpatuloy sa kolehiyo dahil wala kaming sapat na pera pangtustos. Pero sabi ko sa sarili ko mag-aaral ako at kakayanin ko yon. Nakipag sapalaran ako sa Aklan State University at maswerte na napabilang na maging Government Scholar. Mas mahirap ang kolehiyo dahil kailangan kong kumuha ng matitirhan malapit sa university. Kapal ng mukha ang aking naging puhunan para ako ay makaraos sa pang araw-araw ko. Nakakahiya man pero wala akong ibang paraan kundi ang magtiis. Naranasan ko makikain, manghiram ng mga sabon or personal na mga gamit dahil ako ay walang wala.
May mga pagkakataon din na hindi ako makapagkuha ng exams dahil walang pambayad. Umupo nalang ako sa gilid ng aking classroom nag-aantay kung ano ang mangyayari sa akin. Panay panalangin ko sa Diyos na sana may himala na mangyayari. Sadyang napakalakas ko kay Lord dahil may lumapit na isang professor namin at tinanong kung bakit ako ay nasa labas at sinabi ko na hindi ako nakapag-bayad. Mabuti nalang sinagot ng teacher ko yong pambayad ko at nakakuha agad ako ng exam.
Kahit ganoon kahirap ang buhay kolehiyo ko naitawid ko ito at nakapagtapos ako sa kursong Bachelor of Science in Criminology. Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang hirap at sakripisyo dahil kailangan ko pang makapagreview at makakuha ng Board Exam. Pinagsabay ko ang pag-aaral at pagtatatrabaho. Review sa araw, trabaho sa gabi. Ngunit hindi ako pinalad sa una kong pagkuha, nanlumo ako pero sabi ko sa sarili ko walang susuko.
Ako ay nag review ulit at naging scholar ng review center na pinasukan ko. Tumutulong ako sa review center para maging libre ang akin pag-rereview. Ipinapanalangin ko palagi na bigyan ako ng Panginoon ng lakas ng loob at ilayo sa sakit. Noong, June 17 ,2023 ay exam namin sa NAPOLCOM at August 25, 2023 exam namin sa Criminology Licensure Examination (CLE).
Sa kabutihang palad, ako ay nakapasa sa parehong exams ng CLE at NAPOLCOM. Napakabuti ng Panginoon! Ang impossible na makapag-aral, makapagtapos sa kolehiyo at maipasa ang dalawang exams ay ito na talaga. Kahit ako hindi ako makapaniwala na nakaya ko ang lahat. Ang dating house boy, gasoline boy, boy sa palengke, waiter sa bar at iba pa, ngayon heto na isang registered criminologist.
Nakapasa na rin ako sa Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test (AFPSAT) at kasalukuyang nagsasanay na. Sa mga kagaya ko na nakaranas ng hirap, huwag sumuko dahil sa huli makakamit mo rin ang inaasam mong tagumpay. Salamat sa programa ng ating gobyerno laking tulong sa tulad naming mahihirap. (Ipinasa ng Libacao Team, Aklan POO)