Dating Altar Boy nagtapos bilang Magna Cum Laude
GUIMARAS – Ako po ay si Vic Castillo Selguera, 22, taong gulang na nakatira sa Barangay Old Poblacion, Buenavista, Guimaras. Nagtatrabaho na po ako dito sa isla pagkatapos na nagtapos ako bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Business Administration dito sa Guimaras State College.
Nakamit ko man ang minimithing pangarap sa buhay pero hindi ito naging madali para sa akin. Gusto ko ibahagi ang aking kwento sa lahat para makapagbigay ng inspirasyon.
Bilang benepisyaryo ng Pantawid Pailyang Pilipino Program (4Ps).
Taong 2013, nang ang aming pamilya ay napabilang sa 4Ps. Nasa ikaanim na baiting pa ako noon at isa ako sa minomonitor ng programa. Ako po ay ikawalo sa aming sampung magkakapatid. Maaga kaming naulila sa ama dahil namatay siya sa sakit. Talagang masasabi ko na kami ay mahirap dahil nagtapos ako ng elementarya sa hirap at tiis lalo na noong high school ako. Minsan hindi ako makapasok sa paaralan dahil wala akong baon at hindi kami nakakain ng tatlong beses sa isang araw.
Ang aking ina ay nasa bahay lang samantala ang aking ama ay isang laborer. Laking tulong ng programa sa aming pamilya lalo na sa aming pag-aaral at pang araw-araw na pangangailangan sa bahay. Para mabawasan ang hirap ng aking mga magulang, tumira ako sa kumbento noong nasa senior high school na ako. Naging sacristan ako sa aming simbahan upang matustusan ko ang aking pag-aaral. Sinisikapan ko talaga na masuportahan ang aking sarili para makapag tapos sa pag-aaral. Sumali ako sa chorale competition at kung ano-ano pang aktibidad sa paaralan. Pinagkakasya ko lng ang aking baon na P20 pesos at minsan nililibre ako ng aking mga kaklase para makasali lang sa patimpalak.
Mula sa klase, pagdating ko ng bahay ay nilalabhan ko ang aking uniporme dahil isang pares lang ito. Sumasama rin ako sa mga misa para may baon lang ako. Sa awa ng Diyos, isa ako sa mapalad na naging CHED scholar malaking tulong din ito sa akin lalo na sa aking pag-aaral. Sa tuwing makakakuha ako ng allowance, ito ay aking tinitipid para may pang gastos ako sa araw-araw. Ang grants na nakukuha ng ate ko sa 4Ps ay binibigay niya din sa iba naming mga kapatid para sa kanilang baon at pagkain sa bahay.
Nang nagkolehiyo ako, nahirapan pa din ako dahil free naman ang tuition kaya lang may mga gastusin pa rin gaya ng mga modules, lalo na noong nagkapandemic na kinakailangan kong magpaload para laging maka connect sa internet para sa online classes. Minsan, sumasama ako sa mga kapatid ko para manguha ng tahong para may maibenta kami at makapagload. Talagang maraming pagsubok ang dinaanan ko para lang makapagtapos ng pag-aaral. Minsan naisip ko na tumigil nalang sa pag-aaral dahil parang susuko na ako sa hirap ng aming buhay. Pero nananalangin nalang ako at iniisip ko na ang lahat na ito ay pawang mga pagsubok lamang. Kahit anong hirap, ang pananampalataya sa Diyos ay isa sa naging sandata ko at indi ako pinabayaan ng Panginoon, masaya at proud ako sa sarili ko na nakapagtapos sa kolehiyo.
Buwan ng July 2023, umakyat ako sa stage at pinarangalan na “Magna Cum Laude”. Ito na ang pinakamasaya at natupad ko ang inaasam-asam kong pangarap. Hindi ko lubos naisip na higit pa pala ang matatanggap ko. Lagi ko sinasabi sa aking sarili na “huwag ka lang mainip at matuto kang maghintay”. Totoo nga na kapag nalagpasan mo yong mga pagsubok at patuloy kang lumalaban, ang mga pangarap mo ay sabay-sabay sa iyo ibibigay.
Sa ngayon ako po ay nagtatrabaho sa Philippine Coconut Authority (PCA) dito sa San Miguel, Jordan Guimaras bilang admin staff. Unti-unting naaabot ko na ang aking mga pangarap at hangarin sa buhay lalo na nutulungan ko ang aking mga kapatid sa pag-aaral. Proud ako na 4Ps beneficiary noon, nagtapos bilang Magna Cum Laude. Maraming salamat sa programang ito na naging malaking bahagi ng aking tagumpay at laking tulong sa aming pamilya. (Ipinasa ng Buenavista MOO Team, Iloilo-Guimaras POO)