Dating kasambahay ipinagmalaki na nagtapos bilang Cum Laude
Testimonya ni: Meriam Francisco
Benepisyaryo ng 4Ps\
NABAS, AKLAN- “Buhay ng isang estudyante madali lang naman iyan”, ito ang karamihan kong naririnig sa ibang tao. Pero kabaliktaran naman ito sa naranasan ko, lumaki ako sa isang pamilya na mayroong payak na pamumuhay. Ang aking ina ay gumagawa ng banig upang ibenta para matustusan ang aming pangangailangan sa pang araw-araw. Ang aking ama naman ay isang magsasaka nagtatanim ng kamoteng kahoy at saging. Ito naman ay aming binebenta sa tindahan upang kami ay may pang-ulam. Hindi man ganun karami ang nakukuha sa pagsasaka ngunit ito naman ay malaking tulong sa tulad namin na may simpleng pamumuhay.
Natatandaan ko pa rin ang aking mga karanasan na dala ng kahirapan noong ako ay nasa Grade 1 hanggang Grade 3 dito sa Primaryang Paaralan ng Pawa. Upang magkaroon ng kapiranggot namsusulatan ay kinakailangan kong maghanap ng bayabas tuwing recess upang ipagpalit ito ng papel sa aking kaklase. Kung hindi man papel ay tinapay sa tindahan na pangbaon. Ako ay masaya na kapag makabaon ako ng piso sa isang araw,mayroon lang akong may mabibili na kendi “dilimon” ay sapat na sa akin.
Hanggang sa dumating na ang araw na kailangan ko nang lumipat ng paaralan sa Unidos Nabas dahil hanggang Grade 3 lang dito sa amin. Sa kagustuhan kong makapag-aral, nilalakad ko lang ang layo na limang kilometro papunta sa paaralan gayon rin ang pauwi sa bahay. Alas kwatro ng umaga kinakailangan ko ng gumising dahil malayo pa ang sapa na aming pinapaliguan. Napakahirap para sa tulad ko na isang paslit na gustong gusto pang matulog at mag talukbong ng kumot ay kinakailangan ng magtiis upang mag-aral. Pagka galing ko ng sapa ay maglalakad ulit papuntang paaralan, pasalamat nalang kong may maiaabot na baon ang aking mga magulang.
Hanggang isang araw taong 2012, meron isang napakagandang regalo ang dumating sa aming pamilya, merong isang tao ang pumunta sa bahay, lubos akong namangha dahil sa magandang postura at pananamit nito. Ito pala ay tauhan galing sa DSWD na kumukuha ng datos ukol sa sitwasyon at kabuhayan ng isang pamilya. Kinausap nito ang aking mga magulang tungkol sa aming pamumuhay. Napaisip ako ng araw na iyon na sana ito na ang tao na ibinigay ng Diyos upang kami ay matulungan.
Isang araw, pumunta ang Parent Leader sa aming bahay at ito ay may magandang balita, kami daw ay isa sa sa mga napiling maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Lubos ang aking kasiyahan sa araw na iyon. Simula noong naging benepisyaryo kami ng 4Ps ay nakabili na ang nanay ko ng aming tsinelas pamalit sa butas naming tsinelas upang makapasok sa paaralan. Nagkaroon na rin ako ng sariling papel at nakabili ng kumpletong kagamitan sa paaralan. Kahit papaano ay nagkaroon ng ginhawa ang aming buhay noong dumating ang 4Ps. Hanggang sa nakapagtapos ako ng High School na hindi man sa pag mamalaki kahit papaano ay nagtapos ako na With Honors.
Nang tumuntong na ako ng kolehiyo sa tulong at pagsisikap ng aking pamilya. Ako ay nahihirapan din mag kolehiyo pero hindi na ganun kahirapan noong nasa elementarya pa ako. Nagsikap akong pumasok sa kolehiyo, nag enroll ako sa kursong Bachelor of Science in Elementary Education. Noong una nandoon ang takot dahil nag-aalangan ako dahil sa hirap ng buhay kung matatapos ko ba ang kursong aking kinuha, sa panahong iyon wala na ako sa 4Ps dahil lagpas 18 na ako.
Ang ginawa ng nanay ko upang matustusan ang aking gastusin sa pag-aaral ay naglalako ng mga kakanin, at tuwing Sabado at Linggo ako ay tumutulong sa kanya. Nalagpasan ko ang unang taon ng aking kolehiyo hanggang sa dumating ang pandemya doon ko ulit naranasan ang napakahirap na buhay namin.
Napaisip ako kong itutuloy o ititigil ko ang aking pag aaral, pero napagtanto ko na sayang ang aking nasimulan, kayat namasukan ako bilang kasambahay sa nakita kong online hiring dito sa malapit lang na bayan. Doon ko naranasan kong gaano kahirap pagsabayin ang trabaho at pag aaral, dahil sa online class kami noon minsan hindi na ako nakapag attend ng klase at makagawa ng mga gawain sa paaralan dahil sa naging busy na ako sa trabaho at mayroon pa akong bata na inaalagaan.
Ngunit bumabawi naman ako sa gabi imbes na oras na ng aking pahinga inilalaan ko ito upang magawa ang aking mga gawain sa paaralan. Pumasok din ako bilang tindera sa sari-sari store. Mahirap lahat pero kinakaya ko ang hamon ng buhay. Pinag pupuyatan ko ang mga gawain para lang makapag pasa ako sa bago pa ang oras ng deadline. Minsan natutulog ako ng alas 2 at alas 3 ng umaga. Mahirap man pero tinitiis ko dahil sa aking mga pangarap at sa pamilya ko. Sa awa ng panginoon nalampasan ko ang aking second year at third year sa kolehiyo.
Tumuntong na ako ng 4th year at mas tumibay pa ang loob ko dahil sa aking mga karanasan, mabilis ang mga araw na nagdaan nalalapit na ang pinakahihintay kong araw ang aming graduation. Pinapanalangin ko noon sa panginoon na kahit wala na akong matanggap nga award basta makapag graduate lang ay masaya na ako. Ngunit napakabuti ng panginoon kasi noong June 6,2023 hindi lang nya ako pinagraduate dahil may bonus pa, nagtapos ako bilang Cum Laude.
Napatunayan ko sa sarili ko na ang hirap na pinagdaanan ko ay naging susi upang makamit ang kung ano man ang meron ako ngayon. Mahirap man ang buhay pero mas higit pa ang hirap na ating dadanasin kong hindi tayo nagsisikap. Sa ngayon, hinihanda ko ang aking sarili para sa board exams ngayong taon. (Ipinasa ng Nabas MOO, Aklan POO)