Munting pangarap sa mga anak ng mag-asawang 4Ps
SAN REMIGIO, ANTIQUE – Si Rowena Piano Tallo, limampung pitong (57) taong gulang at isang tindera ng gulay sa kanilang Brgy. San Rafael sa nasabing bayan.
Siya ay ang maybahay ni Rogelio, anim naput limang (65) taong gulang. Ang kanilang pamilya ay kasalukuyang aktibong miyembro at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at si Rowena ang siyang tumatayong “grantee” ng sambahayan.
Ang kwento ng kanyang tanging pangarap, pagkadapa, pagbangon, at pagkamit ay nagsimula noong hindi pa benepisyaryo ng programa ang pamilya. Nagsimula ang mag-asawa na buohin ang pamilya sa Brgy. Bugo, San Remigio, Antique. Si Rowena at ang kanyang asawa ay biniyayaan ng anim na anak, tatlong lalaki at tatlong babae. Katulad ng ibang pamilya sa lugar, sila ay nabuhay ng payak at kuntento sa kung ano ang meron sa kanila. Ang mag-asawa ay nagtutulungan upang buhayin at suportahan ang pamilya. Silang mag-asawa ang pawang mga manggagawa (laborer) sa taniman ng palay. Para may dagdag kita, si Rogelio ay nagtutuba sa niyogan ng iba at ang parte ng tuba ay kanyang ibinibenta. Ang kaunting sahod ng mag-asawa mula sa pagtatrabaho sa palayan at sa pagtutuba ay pilit na pinagkakasya para sa pang-araw-araw pangangailangan ng pamilya at gastusin ng anim na bata sa paaralan. Ala-ala pa ni Ginang Rowena ang hirap na dinanas nilang mag-asawa bunga ng walang permanenteng trabaho at maliit na kita. Silang mag-asawa ay parehong hindi nakapagtapos ng elementarya at iyon nakikitang rason ng kanilang paghihirap.
Taong 2008 nang nanalanta ang Bagyong Frank at ang kanilang pamilya ay isa sa mga malubhang naapektuhan sa naturang sakuna dahil sa matinding pagbaha. Nakatira ang pamilya sa Brgy. Bugo, isa sa mga lugar sa bayan ng San Remigio na nakilala bilang isa sa mga “flash flood prone areas”, na kalimitang tinatamaan ng matinding pagbaha dahil ito ay mababang lugar at malapit sa Sibalom River.
Gawa ng hagupit ng Bagyong Frank at matinding pagbaha ay ang pagkawala ng ipinundar na tahanan ng mag-asawa. Ang pamilya ay pansamantalang tumira sa bahay ng tiyuhin ni Rogelio at kalaunan ay lumipat sila sa kalapit na barangay ng San Rafael. Ani ni Rowena, ang sakunang kanilang dinanas ay hindi nila itinuturing na malas o parusa, bagamat “blessing” para sa kanila dahil sa tulong ng gobyerno at iba pang pribadong institusyon, ang pamilya ay naging benepisyaryo ng pabahay at nabigyan ng tahanan muli. Sa pareho ding taon, sila ay napa bilang sa mga mahihirap na pamilya upang mabigyan ng pagkakataon na maging bahagi at benepisyaryo ng 4Ps. Ang sabi ni Rowena, ang pagiging benepisyaryo ng 4Ps ay isa sa mga malaking biyaya na natanggap ng pamilya.Ang programa ay isa sa mga tumulong upang magpatuloy at lumaban ang pamilya sa mga hamon ng buhay at makamit ang kanyang mga hinanangad para sa kanyang pamilya.
Isa lang ang tanging pangarap ni Rowena at hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang mga anak.
“Wala akong ibang hinahangad kundi ang makapagtapos ang mga anak ko sa pag-aaral at magkaroon sila ng magandang trabaho upang hindi nila danasin ang mga paghihirap na dinanas namin ng aking asawa kung sila ay magkakaroon na ng sariling pamilya. Wala silang mamamanang mga materyal na bagay mula sa amin, kundi edukasyon lamang ang kaya naming ibigay”, buong pusong pahayag ni Rowena.
May mga pagkakataon na sumuko at nawalan ng pag-asa si Rogelio para sa kanilang pangarap sa mga anak. Dala ng depression at hirap sa buhay na walang pampagamot sa sakit sa mata, unti-unting nanlabo ang paningin ng isang mata ni Rogelio. Sinabi niya rin sa kanyang asawa na huwag na pag-aralin ang mga anak dahil sa huli ay maaga rin silang mag-aasawa at hindi makapagtapos sa pag-aaral.
Subalit si Rowena ay nanatiling matatag at nanindigan para sa kanyang pangarap sa mga anak. Hindi siya sumuko sa hamon ng buhay at ipinaintindi niya sa kanyang asawa ang kahalagahan ng edukasyon. Umalalay rin si Rowena sa sitwasyon ng kanyang asawa para manumbalik ang kanyang positibong pananaw sa buhay.
Sa kasalukuyan, may isang anak na nakapagtapos sa kolehiyo. Si Ronamie ay nakapagtapos ng kursong Bachelor in Elementary Education at kasalukuyang nagtatrabaho sa Iloilo Montessori School bilang guro sa SPED samantala si Rowie Boy na panganay na anak, ay nakaabot ng ikalawang taon sa kolehiyo. Bagamat, hindi natapos ang kolehiyo, siya ay kasalukuyang nagtatrabaho sa “Call Center”.
Ang sabi ng mag-asawa, ipagpapatuloy ang pag-aaral at sisikapin na makapagtapos sa kolehiyo ang mga anak lalo na ang bunsong anak na babae na si Rowela na nasa kolehiyo ngayon na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Criminology. Dahil may trabaho na sina Ronamie at Rowie Boy ay nakakatulong na sila sa mga gastusin sa loob ng bahay at sa pag-aaral ng kanilang mga kapatid.
Ang mga nakamit ng mga anak sa larangan ng edukasyon ay itinuturing na katuparan ng pangarap ng mag-asawa. Bagaman isa pa lang ang nakapagtapos sa kolehiyo, pagsisikapan ng mag-asawa na suportahan ang kanilang mga anak na gusto pa na ipagpatuloy ang pag-aaral.
“Malaki ang tulong na ibinigay ng 4Ps sa aming pamilya lalong-lalo na sa pagpapaaral ng mga bata at sa aming mga pangangailangan. Ang mga natanggap namin sa 4Ps ay nakatulong upang tustusan ang mga kailangan ng mga anak sa mga aktibidad sa eskwelahan at sa kanilang baon,” ang sabi ni Rowena.
Dagdag niya pa na nagpapasalamat ang buong pamilya nila sa 4Ps at sa mga staff ng DSWD dahil sa magandang patakaran na ipinatutupad. Maliit man o malaki ang natatanggap nilang cash grants mula sa programa pero para sa kanila malaking tulong na ito upang maibsan ang kanilang kahirapan./lrbc/mgc (Ipinasa ni San Remegion MOO Team, Antique POO)