JANIUAY, Iloilo – Si Alberto Armada ay 50 taong gulang at ipinanganak sa Brgy. Canawillian, Janiuay, Iloilo. Ikinasal noong May 23, 1993 kay Rosadelia na nakatira rin sa kaparehong lugar. Nakatira ang mag-asawa sa isang liblib na lugar kung saan ay kailangan mong maglakad ng tatlong oras para makarating sa karatig barangay upang makabili ng isda, bigas at iba pang mga pangunahing pangangailangan. Dito rin binibinta ng mga tao ang kanilang mga produckto tulad ng abaca, kape, mais, saging, at iba pa.
Taong 1994 nang ipinanganak ang kanilang panganay na si Albert na ngayon ay 28 taong gulang na at isa ng ganap na sundalo na naka destino sa Negros Island. Nasundan agad ito nang pangalawang anak na si Brenchz, 27 taong gulang na rin ngayon at isang security guard. Akala ng mag-asawa na hindi na masundan pa ang dalawang anak ngunit pagkatapos ng anim na taon, nagkaroon pa sila ng batang babae na si Ginerose na ngayon ay kolehiyo na. Abaca production at pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay ng pamilya. Ito ang tumutustos sa kanilang mga pangangailangan lalo na sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Hindi biro ang magtaguyod ng pamilya sa kanilang lugar dahil sila ay nakatira sa bundok kaya kasama ni Alberto noon ang kanyang dalawang anak kahit maliliit pa lamang sila para magtatrabaho sa bukid. Nangunguha sila ng abaka at ibinebenta nila sa karatig barangay ngunit bago marating sa karatig barangay ay kailangan muna nila maglalakad ng tatlong oras kaya madaling araw pa lang ay umaalis na sila sa kanilang bahay.
Ang mag-asawa ay nagkapagtapos lamang ng Grade 2 sa kadahilanan na walang pangtustos ang kanilang mga magulang para sa kanilang pag-aaral kaya hindi sila makapasok sa iba pang mga trabaho maliban sa bukid. Mahirap man ang buhay pero nagpatuloy sila sa pagsisikap katuwang ang mga anak hanggang sa nakabili sila ng sariling lupain na pwedeng pagsakahan mula sa pag-aalaga ng baboy.
Taong 2002 at 2011, muling nasundan ng dalawang anak ang lumalaking pamilya nila. Si Crestian na ngayon ay 21 taong gulang na at nag-aaral bilang 1st year college sa West Visayas State University-Janiuay Campus at ang bunso na si Kenjie na ngayon ay 11 taong gulang at nag-aaral sa Mangil Elementary School bilang Grade 5. Doon na rin nakapasok sa 4Ps ang kanilang sambahayan. Hindi na nila masyadong pinoproblema ang gastusin sa paaralan dahil may nakalaan na sapat na budget para dito.
Lahat ng pwedeng pagkakakitaan ay ginawa ng mag-asawa upang masusuportahan ang kanilang pangarap. Lahat ng kanilang sakripisyo at pagod ay unti-unting nasuklian ng kanilang mga anak dahil sa pagsisikap sa kanilang pag-aaral. Ngayon, patuloy pa rin nagtatrabaho sa bukid ang mag-asawa dahil ito ay bahagi na ng kanilang kabuhayan at araw-araw na pamumuhay.// Ipinasa ni Municipal Link Elsie T. Lubas, ng Janiuay, Iloilo-Guimaras POO