KALIBO, Aklan – Isang tagumpay ng magulang ang makapagpatapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Kaya, kahit anong hirap ng buhay, hindi tayo sumusuko para maibigay ang magandang bukas para sa kanila. Kagaya na lamang ng isang kwento ng ating isang benepisyaryo na sa ngayon ay nagpapasasalamat sa ating programa dahil sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanilang sambahayan lalo na nang nakatapos ang kanyang isang anak sa kursong Bachelor of Science in Accountancy at ngayon ay Certified Public Accountant (CPA) na.
Ang ating benepisyaryo na si Adela R. Clemente ay mula sa Brgy. Linabuan Norte, Kalibo, Aklan ngunit siya ay ipinanganak sa Davao City. Ang kanyang ina ay taga Davao City habang ang kanyang ama naman ay laking Kalibo. Pero nagdesisyon ang kanilang magulang na manirahan na lamang dito sa Aklan dahil laging nagkakasakit si Adela. Kaya dito na si Adela nagtapos ng kanyang elementarya hanggang nagkolehiyo.
Pero bago pa man iyon, lumaki sa hirap si Adela dahil walang trabaho ang kanyang mga magulang. Upang makatapos sa kolehiyo, siya ay pumasok na katulong sa kanilang kamag-anak. Nagtapos siya sa kolehiyo sa kursong Banking and Finance. At upang makatulong sa kanyang mga magulang, lumuwas siya ng Manila upang doon maghanap ng trabaho. Pero dahil nahirapan siyang mag apply, pumasok na lamang siya bilang kasambahay at taga- alaga ng bata. Kuntento naman siya sa kanyang trabaho at sweldo dahil mababait naman ang mag-asawa na kanyang tinatrabahuan.
Pagkalipas ng limang taon, nagdesisyon itong maghanap ulit ng trabaho para magamit niya ang kanyang kursong natapos. Pangarap niyang makapagtrabaho sa isang opisina. Pero siya ay nabigo, dahil nahirapan pa rin siyang mag-apply. Sa halip pumasok na lang siya bilang isang Sales Lady at pagkatapos ng kanyang kontrata ay naghanap ulit siya ng panibagongtrabaho. Laking pasalamat niya dahil siya ay nakuha bilang Telephone Operator at naging regular siya sa kanyang trabaho.
Taong 1999 ng magkakilala sina Adela at Reynaldo sa kanyang tinatrabahuan. At pagkalipas ng tatlong taon sila ay nagdesisyong magpakasal at bumuo ng sariling pamilya. Maraming pagsubok na dinaranas ang mag-asawa sa kanilang pagsasama. May mga panahon na gusto ng bumitaw ni Adela pero nanaig pa rin ang kanyang pagmahahal at ayaw niyang mangyari na walang ama ang kanilang mga anak. Nagkaroon sila ng dalawang anak, ito ay sina Reyvin at Aleia. Maliit pa lamang sila ay napapansin niyang may angking talino ang kanilang mga anak. At hindi naman ito nabigo, mula elementarya ay laging umaakyat ang mag-asawa sa entablado upang magsabit ng medalya. Si Reyven ay laging nasa Top 10 mula elementarya hanggang high school. Samantalang si Aleia ay Outstanding Student rin mula elementarya hanggang Grade 10. At pasok din siya sa With Honors sa unang semestre ng Senior High School.
Noong 2003, napagdesisyunan ng pamilya na umuwi na lamang sila dito sa Aklan para alagaan ang kanyang sakiting ina. Nawalan ng trabaho si Adela at upang matugunan ang pangangailangan, sila ay tinutulungan ng kanilang mga kamag-anak. Si Adela ay nag-alaga ng kaniyang mga pamangkin kapalit ng pagpapa-aral sa kanilang mga anak. Naging “yaya” siya sa loob ng 12 taon.
Sa hindi rin inaasahan, napabilang sila na maging isang benepisyaryo ng 4Ps taong 2013. Kahit isa lamang sa anak niya ang namonitor sa programa, malaki pa rin ang ambag nito para sa pag-aaral ni Reyven sa kolehiyo dahil alam niya na balang araw, siya rin ang aahon sa kanila.
Ang 12 na taon na kanyang sakripisyo ay nagbunga na rin sa wakas nang nakatapos ng pag-aaral ang kanyang panganay na anak at nagtatrabaho na bilang Accountant sa National Irrigation Authority (NIA). Ang kanyang anak na sa ngayon ang sumusuporta sa pag-aaral ng kanyang nakababatang kapatid na nasa Grade 12 na dahil ang kaniyang ama ay may sakit na diabetes at may mga gamot na kailangang inumin araw-araw.
Huminto man siya sa kanyang trabaho pero sinisikap niya pa rin na makatulong sa kanyang anak kahit sa ano mang paraan. Siya ay nagluluto ng mga kakanin at ibebenta sa kanilang lugar. Mahilig din siyang magtanim ng mga halaman, kaya minsan napagkuhaan niya rin ito ng kita. Nagpapasalamat ang pamilya ni Adela sa 4Ps dahil sa pagtugon ng kanilang pangangailangang pinansyal hanggang makatapos ng pag-aaral ang kanyang anak at nakahanap na ng magandang trabaho. (Ipinasa ni Municipal Link Rhoda N. Crispino ng Kalibo, Aklan POO)