Testimonya ni Lorena S. Besana
Dating benepisyaryo ng 4Ps
PANAY, Capiz – Tubong Oriental Mindoro po ako at nakapag-asawa kay Jessie Besana, isang mangigisda mula sa Barangay Agojo, Panay. Biniyayaan kami ng apat na mga anak na sina Christian Mark, Joven, Jessie Mae at Xenia Marie.
Nagsisimula pa lamang kami ng aming binuong pamilya pero sadyang napakahirap na ng buhay. Talagang napakahirap ang maging salat sa buhay. Napakaraming hirap ang dinanas ng pamilya namin bago pa man namin nakamit ang salitang tagumpay.
Para maintindihan ng nakararami, heto ang aking kwento. Isang di hamak na mangingisda po ang aking asawan at ako naman ay naging abala sa pag-aalaga ng aming mga anak at mga gawaing bahay noon. Ang aming bahay ay gawa sa kawayan at ang bubong nito ay nipa lamang na minsan pag-umuulan tumutulo talaga. Nagsimula kami bumuo ng pamilya na walang kuryente at kerosene lamang ang gamit. May pagkakataon na minsan kulang talaga ang ulam o pagkain sa aming hapagkainan. Minsan kailangan pang mangutang sa ibang tao o kabitbahay para lang makakain. Hindi ko makakalimutan na minsan manghihiram uli sana ng pera pero halos walang magpapahiram sa amin kasi hindi pa nga daw kami nakabayad sa unang utang namin. Masakit pakinggan pero kailangan naming tanggapin ang katotohanan, harapin at lumaban sa buhay.
Taong 2010 nang napasama ang aming sambahayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ang cash grants na aming natatanggap ay napakalaking tulong po iyon sa pamilya ko lalo sa sa kalusugan at pag-aaral ng aming mga anak. Nakabili ako ng mga gamit ng mga anak ko sa eskwelahan tulad ng bagong sapatos, damit, notebook, lapis at iba pa.
Dati po isa akong mahiyain na tao at tahimik lang sa tabi. Takot magsalita sa harap ng maraming tao at hindi marunong humawak ng mikropono subalit dahil sa mga binibigay na gabay ng programa sa pamamagitan ng buwanang pagdalo ng Family Development Session (FDS) dito po akong unti-unting nagbago ang pakikitungo ko sa mga kapwa benepisyaryo ko. Hangga’t nagustuhan po ako ng aking mga kasamahan para maging Parent Leader taong 2013. Mas naging aktibo ako sa komunidad at nadagdagan ang aking mga kaalaman dahil sa tiwala, pagtuturo at tulong ng programa lalo na sa aming mga Municipal Links.
Taong 2013 ay naging miyembro na ako ng aming simbahan sa edukasyon na komitiba. Nagpatuloy ang aming buhay na may gabay ng programa at napakalaking tulong talaga ang cash grants na natatanggap namin kada dalawang buwan. Natuto rin ang aking pamilya na mag-ipon dahil ang hanapbuhay ng aking asawa ay minsan walang huli at nakadependi lamang sa panahon ng karagatan. Minsan umaabot isang buwan wala talagang huli o kita.
Naalaala ko pa noon kahit wala kaming pang saing na bigas hindi bali na importante makapasok ng pag-aaral ang aking mga anak dahil ang pera na mayroon lang kami ay pamasahi lamang ng aking mga anak. Minsan, sinubok kami ng tadhana ng nahospital ako dahil nakunan. Mabuti na lang dahil 4Ps kami, nalibre ang bayad hospital sa tulong ng Philhealth. Dumating rin kami sa panahon na kailangan naming patigilin sa pag-aaral ang aming pangalawang anak taong 2017 upang makapagtapos lamang ang aking panganay na anak sa kolehiyo dahil hindi talaga namin kaya na pagsabayin sila kahit na may suporta galing sa programa. Sumunod pa ang isang taon nang nanganak uli ako sa aming bunso. Masilan ang aking pagbubuntis kaya nanganak ako sa cesarian operation. Kasunod pa dito nang na dengue ang aming pangatlong anak. Salamat uli sa Philhealth dahil nakatulong ng malaki sa amin kahit magkasunod-sunod ang mga problema na dumating sa buhay namin.
Pasalamat kami na meron pa kaming sakayan na ginagamit sa pangingisda mula sa Self-Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K) ng DSWD kahit medyo luma at sira na ito. Nang dumating ang pandemya dulot ng COVID-19 ay nabiyayaan kami uli ng Livelihood Assistance Grant (LAG) sa kabuuang PHP15,000 kung saan napagawa namin uli ang aming luma at nasirang sakayan. Naging malaking tulong sa aming hanapbuhay ang sakayan na ito hanggang sa ngayon.
Sa kasalukuyan, ang aming panganay na anak na si Christian Erick ay isa ng ganap na guro sa Oriental Mindoro, at ang aking pangalawang anak ay nagtapos na sa kursong Criminology. Patuloy pa rin ang pangingisda ng aking asawa dahil naging mabuti na rin ang kanyang kinikita. Ako naman ay may mga inaalagaang baboy na pangdagdag kita sa aming pamilya. Patuloy po akong magseserbisyo sa aming komunidad lalo na ngayon isa na rin po ako sa mga opisyales ng aming asosasyon na Agojo Fishermen Association. May regular na kita na kami kaya nakapagpaayos na kami ng aming bahay. Sementado at naka tiles na ito. Nakabili na rin kami ng mga kagamitan sa loob ng bahay.
Dahil dito, ang aking sambahayan ay nagtapos na rin sa programa noong Disyembre 9, 2022. Para sa akin, ang pagtatapos sa programa ay isang tagumpay ng aking pamilya na umani ng napakaraming biyaya galing sa goberno at tulong ng mga taong nasa likod nito. Masaya po ang aking pamilya na nagtapos sa inyong programa at sa aming paggradwar alam namin na may isang pamilya na naman kayong matutulungan tulad namin.
SALAMAT DSWD sa pag-agapay sa aking pamilya. SALUDO po ang aking pamilya sa programa! (Ipinasa ni Municipal Link Mary Jane E. Pionelo, Panay, Capiz POO). MGC