Testimony ni: LGU Link Donny Cabangal
Benepisyaryo ng 4Ps
BELISON, Antique – Galing ako sa mahirap na pamilya dito sa Belison. Nakapagtapos ako ng dalawang taon sa kursong Associate in Business Data Processing dito rin sa San Jose, Antique. Pagkatapos akong nakapagtapos sa kolehiyo, nakipagsapalaran ako sa Manila para humanap ng trabaho. Nakapasok ako bilang isang crew sa isang fast food at tumagal ako doon ng mga tatlong taon. Doon ko na rin nakilala ang aking asawa na si Jane.
Tumagal pa kami ng halos isang taon sa Manila bago namin napagdesisyonan na umuwi dito sa Antique para dito na mamuhay. Nabiyayaan kami ng dalawang anak. Ang panganay ay si Nicole, Grade 11 at ang bunso ay si James Donniel, Grade 8. Kapwa sila ay nag-aaral ngayon sa Belison National High School.
Bilang isang ama, hindi madaling itaguyod ang aking pamilya sapagkat wala po akong regular na trabaho noon. Kahit anong trabaho ay pinapasukan ko para lamang maitawid sa gutom ang aking pamilya. Ang aking asawa ay nasa bahay lamang at nag-aalaga ng aming mga anak. Sadyang ang kahirapan ay namana pa namin sa aming mga magulang dahil nagsimula kaming bumukod ng pamilya sa walang-wala.
Taong 2010 nang ang tanggapan ng DSWD ay nag survey sa aming bayan at napabilang sa mahirap ang aming sambahayan. Tatlong taon ang lumipas, nakapasok ang pamilya namin sa 4Ps at ang cash grants na natatanggap namin ay malaking tulong ito sa buong pamilya lalo na sa kalusugan at pag-aaral ng mga bata. Talagang hindi kami pinabayaan ng ating Panginoon. Kahit maraming mga pagsubok ang aming pinagdaanan, patuloy parin ang pagpapala niya basta manalangin lang tayo araw-araw at huwag lang mawalan ng pag-asa.
Sa mga oras na kaming pamilya ay bakante, inilaan namin ang aming oras simbahan bilang aktibong miyembro ng 7th Day Adventist Church. Sa katunayan, naging isang Superintendent na ako ng aming simbahan ngayon. Kasunod dito naging Presidente rin ako ng Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities (ERPAT) ng DSWD. Taong 2018, ipinagmamalaki ko na isa ang aming pamilya na napili na bilang Huwarang Pantawid Pamilya at mapalad na nahalal kami bilang Top 8 sa buong lalawigan ng Antique. Laking pasasalamat ko rin sa 4Ps dahil sa pamamagitan ng pagdalo sa buwanang Family Development Session (FDS) marami kaming natutunan lalo na kung paano alagaan at palakihin ng mabuti at mabigyan ng magandang kinabukasan ang aming mga anak.
Halos hindi natin akalain lahat na dumating ang pandemya dulot ng COVID-19 taong 2020. Bilang haligi ng tahanan, isang malaking hamon para sa akin ang suportahan ang mga pangangailangan nga aking pamilya. Pinagtibay ako ng panahon at karanasan ko sa buhay para ibangon ko sa lugmok na pamumuhay ang aking pamilya. Kayod 4Ps ang ginawa ko tulad ng pagtatanim, pagbibinta, pagpapanday at pag-iihaw para makaahon kami sa hirap dala ng pandemya. Ngunit, kahit na sa gitna ng pandemya, malaki ang oportunidad na dumating sa buhay namin nang nakapasok ako bilang LGU Link ng 4Ps sa aming bayan mula April 21, 2021 hanggang ngayon.
Noon, isa lang akong tagapakinig sa FDS pero ngayon, I’m so proud to say na isa na akong resource person. Malaki ang naging ambag ng programa at mga staff ng 4Ps sa paghubog, pagtitiwala sa aking kakayahan na maibahagi at maituro ko din sa aking kapwa benepisyaryo ang mga salita ng Diyos lalo na kung paano mapanatiling masaya at maganda ang relasyon ng mag-asawa at ng buong pamilya. Salamat 4Ps sa mga natutunan ko na inyong ibinahagi sa kapwa ko benepisyaryo. Malaking oportunidad iyon sa akin ang maging bahagi ng programa sa siyam na taon bilang aktibong benepisyaryo ng programa.
Sa ngayon, ang aking asawa ay nagtatrabaho sa canteen para makatulong sa araw-araw na gastusin sa bahay habang ang mga bata ay nag-aaral. Kaya naniniwala po ako na ang ating buhay ay parang “orasan”sapagkat kung makaranas man tayo ng dilim sa ating buhay, darating din ang oras na ang araw ay sisikat at masilayan natin ang liwanag ng araw at malinaw na kinabukasan sa ating buhay. Patuloy lang tayo manalig at mananampalataya sa ating Panginoon lahat ay walang imposible. Naniniwala din po ako sa kasabihang “If there’s a will, there’s a way” at ito ang aking kwento ng tagumpay. Nawa’y patuloy tayong pagpalain at sana marami pang pamilyang Pilipino ang matutulungan ng 4Ps para makatawid din sa tulay ng tagumpay. Balang araw magtatapos na rin kami sa programa dala ang aming mga pangarap at tagumpay sa buhay. (Ipinasa ni Municipal Link Mysel B. Caridad at ng Belison 4Ps Team, Antique POO)