Solong ina tinaguyod ang walong anak,
lima ang nakapagtapos na ng kolehiyo

Testimonya ni Ruby N. Espinola
4Ps Parent Leader

BARBAZA, ANTIQUE – Ako si Ruby N. Espinola, 52 taong gulang, 15 na taon na akong solo parent. Bago pa man kami nagkahiwalay ng asawa ko, nagkakilala kami sa Maynila. Maayos naman ang pagsasama namin at nabiyayaan kami ng walong anak.

Maayos ang trabaho namin pareho pero habang tumatagal ang pagsasama namin nalulong siya sa barkada, bisyo at babae. Mula noon, sunod-sunod na dagok ang nangyari sa buhay namin. Naubos ang halos lahat na naipundar namin hanggang sa palipat lipat na kami ng mauupahang bahay dahil madalas kaming pinapaalis dahil halos hindi na kami makakabayad ng upa.

Hanggang sa umuwi kami ng Barbaza, Antique noong 2007. Matatanda na kasi ang magulang ko. Iniisip ko rin na matutulungan ako ng pamilya ko. Pero hindi parin madali ang naging buhay namin. Tumira kami sa aking mga magulang. Noong mga panahon na yon 2nd year high school pa lamang ang aming panganay at Grade 5 ang ikalawang anak na nangangailangang maglakad ng halos dalawang oras para makapasok sa eskwela.

Nagpasiya ang asawa ko na lumuwas muli ng Maynila para magtrabaho, nag tiwala at umasa ako na magbabago siya, dahil maraming paghihirap na kaming pinagdaanan. Maayos naman noong una, linggo-linggo nagpapadala siya ng pera. Dahil sa kanyang padala, nakapagpatayo ako ng munting tindahan sa loob mismo ng munti naming kubo.

Dumating ang ilang linggo at buwan hanggang umabot ng taon na hindi na nagpaparamdam ang aking asawa. Para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ng aming mga anak, nagluto at nagtinda ako ng mga kakanin, coated peanut at kung ano-ano pa. Ang mga anak kong lalaki, sa murang edad nila ay natututong mag gapas ng palay habang ang mga anak kong babae ay tumutulong magtinda ng gawa kong kakanin at coated peanut sa kanilang paaralan.

Sa kabila ng lahat ng hirap na nararanasan namin ng mga anak ko, hindi yon hadlang para magsikap sila sa kanilang pag aaral. Nangunguna pa rin sila sa klase at nakakuha ng medalya at mga ribbon.

Taong 2008, nagsagawa ng survey ang DSWD at nakapasok kami bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Lubos ang pasasalamat kami sa Diyos at sa programa dahil naging napakalaking tulong nito sa amin, lalo na sa edukasyon ng aking mga anak at dagdag puhunan para sa aking maliit na tindahan. Naging Parent Leader din ako ng 4Ps sa aming barangay. Nabigyan din ako ng pagkakataon na magsilbi bilang Kagawad sa aming Barangay. Ang buwanang sweldo ko bilang kagawad ay nakadagdag tulong din para sa amin. Bilang kagawad, inisyatibo ko ang magkaroon ng maayos at sementadong daanan ang barangay namin. Isang termino lang ako nagsilbi bilang Kagawad.

Taong 2010, nagdesisyon ako na magpatayo ng bahay sa Brgy. Magtulis dito rin sa amin bayan kung saan kasulukuyan na kaming naninirahan. Nalaman ko na rin na nagkaroon ng anak ang aking asawa sa kanyang babae at tuluyan na kaming iniwan. Masakit man pero kinaya ko lahat ng sakit dahil sa aking mga anak.

Taong 2014 noong nagkasakit ako ng Tuberculosis. Akala ko at ng mga nakakakilala sa akin na mawawala na ako. Isa iyon sa pinakamahirap na hamon sa aming pamilya. Wala pang trabaho ang panganay kong anak na nasa Maynila. Kinailangang huminto ng pangalawa kong anak sa kolehiyo upang alagaan ako, ang isa kong anak ay napilitang magtrabaho sa Negros bilang manggagapas ng tubo (Sacada). May mga anak ako na nanirahan sa ibang tao upang hindi mahinto ang pag aaral nila ng high school. Sobra akong nag-aalala para sa mga anak ko. Limang taon pa lamang noon ang bunso ko. Subalit, napakabuti ng Diyos, hindi niya hinayaang ang sakit ko, binigyan niya akong ng pangalawang buhay, isa pang pakakataon na makasama pa ang mga anak ko.

Pagkatapos ng maraming pagsubok, dumating din ang araw na isa isang nakapagtapos ang mga anak ko sa kolehiyo. Ang panganay ko ay nagtapos ng Bachelor of Science in Accountancy, na ngayon ay isang Accounting Associate ng client niya na taga United State. Ang pangalawa ay Bachelor of Science in Civil Engineering, siya naman ay remote engineer sa mga US-based clients. Ang sumunod na anak ay may NCII sa pagtitraining niya ng welding sa TESDA at kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Taiwan. Ang pang-apat ay nakapag tapos ng Bachelor of Science in Secondary Education-Mathematics Major, at ang panglima na katatapos lang noong nakaraang taon ng Bachelor of Science in Psychology. May maayos na silang trabaho at kita sa ngayon. Tatlo na lamang sa mga anak ko ang nag aaral pa, isang BSIT, BS Criminology, at Senior High School naman ang bunso. Nakatutuwa na patuloy na nagtutulungan ang mga anak ko upang makapagtapos ang tatlo nilang mga kapatid.

Pangarap ko na sana maging maayos ang buhay ng mga anak ko. Sana maabot nila ang mga mithiin nila na nakaayon sa kalooban ng Diyos. Sana hindi nila makalimutan ang karanasan nila mula ng bata pa sila at ang aral ng mga karanasang iyon. At kung magkaroon na sila ng kanya- kanyang pamilya, hindi sana maranasan ng mga anak nila ang hirap na dinanas nila noon, ang paghihirap ng hindi buo ang pamilya. Sana kung mapaharap man sila sa kahit anong hamon ng buhay ay piliin pa rin nila ang magpatuloy.

Nagpapasalamat ako sa 4Ps. Marami akong naipon na kaalaman at kasanayan, nakapag training ako sa Sewing, Baking, Financial Literacy at marami pang iba. Nakatulong iyon sa akin na mas magkaroon pa ng kumpiyansa sa aking sarili. Sana mas marami pang mga Pamilyang Pilipino ang matulungan ng 4Ps. Tulad ko, natulungan akong mabago at maayos ang kalidad ng pamumuhay ng pamilya ko. Sana mas marami pang magulang o pamilya ang makinabang, lalo na sa mga mahahalagang training at seminar na isinasagawa ng programa.

“Para sa alam ko ang mga plano ko para sa iyo” Jeremiah 29:11 Nagtiwala at nanghawakan ako sa pangakong ito ng Diyos. Naging lakas ko ang mga anak ko sa pagharap ng hamon ng buhay. Itinuring ko iyon na pangpatibay; parang bakal na pinapainit at pinapalo sa apoy. Masakit at mahirap ang proseso, ngunit pagkapatapos, tumitibay ito at humuhubog sa mas matatag na anyo, basta magpatuloy ka lang.(Ipinasa ng Barbaza MOO, Antique POO)


#BawatBuhayMahalagaSaDSWD