
Testimonya ni Emilda P. Palmon ng Balete
at Mary Rose I. Racan ng Batan
AKLAN- Bilang nasa Level 1 at 2 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) base sa Social Welfare and Development Indicator (SWDI), halos lahat ay may kanya-kanyang mga pangarap na gusto marating katuwang ang programa.
Hayaan nating e kwento ng ilang mga benepisyaryo ang buhay nila para malaman kung paano nakakatulong ang programa sa kanilang sambahayan, kabuhayan at pamumuhay. Una dito si Emilda Palmon ng Balete.
EMILDA – Ako ay isang ordinaryong mamamayan na may siyam na anak at dalawang lalaking apo na inaalagaan. Hindi ko makakalimutan ang mga panahong hindi pa kami kabilang sa 4Ps. Hirap na hirap kami sa pag-aalaga at pagpapaaral sa mga anak namin dahil ako lamang ay isang labandera sa loob ng halos tatlong dekada habang ang aking asawa naman ay paminsan-minsang nagtrabaho bilang karpintero at magsasaka.
Sa pito kong anak, anim ang nakatapos ng high school at bihira lamang makapag-abot ng tulong panggastos sa pang-araw-araw namin dahil mayroon na rin silang kani-kaniyang pamilya at kagaya ko ay wala ring maayos na trabaho. Natatandaan ko noon na nangunguha ako ng anumang pagkain at prutas sa aming bakuran na pwedeng maibebenta ng aking mga anak sa kanilang paaralan. Hindi na rin namin makayanang makapagbili ng mga bagong uniporme at gamit sa paaralan. Nilalakad lamang ng tatlo kong mga anak ang daan patungong paaralan mula sa aming bahay.
Ang tanging pangarap ko noon para sa aking sarili at sa aking pamilya ay makaraos kami sa pang-araw-araw na pamumuhay at makapagtapos sila ng pag-aaral upang makahanap ng maayos na trabaho at hindi na muling maranasan ang isang kahig isang tukang pamumuhay. Kailanman ay hindi ako sumuko sa aking mga mithiin sa buhay, katuwang ko ang aking asawa sa lahat ng bagay. Lalo kaming nagpapasalamat noong naipasok ang aming sambahayan sa 4Ps kung saan tatlo sa mga anak kong nag-aaral sa elementarya ay minomonitor ng programa at may cash grants na nakukuha kada dalawang buwan.
Sa tulong ng 4Ps, napag-aral namin ang aming busong anak sa isang pribadong paaralan sa Kalibo, dala na rin ng kanyang kagustuhan na magkaroon ng kalidad na edukasyon. Sa edad na labingwalong taong gulang ay nakapagtapos siya ng Senior High School sa strand na Accountancy, Business, and Management (ABM) noong taong 2020 at tumanggap ng mga parangal na with Honors at Leadership Awardee. Ang dalawa ko pang apong lalaki na pinapaaral ay nakapagtapos din ng Senior High School.
Ang pangwalo kong anak ay pinilit na makapagpatuloy ng kolehiyo at nitong taong 2024, nakapagtapos na rin siya sa kolehiyo na may Bachelor’s Degree in Business Administration major in Financial Management at isa siya sa mga tumanggap ng parangal na Cum Laude.
Masasabi kong napakalaking tulong ang naibigay ng 4Ps sa aking buhay, lalo na sa aking mga anak, sapagkat nakatulong ito sa pag-abot ng aking mga minimithi para sa aking pamilya kahit pa napakaraming pagsubok ang dumating sa aming mga buhay.
PAGSUKO HINDI OPSYON
MARY ROSE – Ako po si Mary Rose I. Racan, 32 at isang benepisyaryo ng 4Ps mula sa Brgy. Cabugao, Batan, sa probinsyang ito. Nakapag-asawa ako kay Giefrey at kami po ay nabiyayaan ng tatlong mga anak. Ang aming panganay ay nasa Grade VI, Grade V naman ang pangalawa at ang pangatlo ay kasalukuyang nasa Kinder.
Mahigit isang taon palamang po kaming miyembro ng programa. Taong 2023 ng kami’y nakapasok. Pero bago po kami naging benepisyaryo, marami rin pong hirap ang aming pinagdaanan. Pareho po kaming mag-asawa na walang permanenteng trabaho. Ang aking asawa ay magingisda at may mga pagkakataon pong wala siyang naiuuwing huli sa maghapong pamimingwit. Ako naman po ay nagtitinda ng iba’t ibang kagamitan at mga damit online. Mahirap para sa aming pamilya na may limang miyembro na kung saan tatlo ay nag-aaral. Mahirap pagkasyahin ang aming kita sa pang-araw araw na pangangailangan lalo na’t madalas kaming kapos. Ngunit sa awa ng Diyos at pagtutulungan naming mag-asawa ay nakakaraos pa rin kami.
Pangarap ko po sa buhay ay ang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng diploma na aking magagamit sa paghahanap ng mas magandang trabaho. Ako po ay isang hayskul graduate lamang at hindi na nakapag kolehiyo. Ngayong isa na akong ina, ang pangarap ko pong ito ay para na rin sa aking mga anak. Nais ko po silang makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo at maabot ang kanilang mga mithiin sa buhay. Magkaroon ng mas maginhawang buhay at malayo sa kasalukuyang kalagayan namin ngayon.
Nasa elementarya pa lamang po sila at batid ko pong mahirap at marami pa kaming pagdadaanan. Ngunit ako po ay naniniwala na sa tulong ng 4Ps at pagsisikap ng aming pamilya, ang aming mga pangarap ay unti-unting matutupad. Ang programa ang aalalay at magiging katuwang namin sa pangangailan ng aming mga anak sa kanilang pag-aaral at pagpapanatili na maayos ang kanilang kalusugan.
Ang buwanang FDS rin po ang magiging daan para sa pagkakaroon ng mga karagdagang kaalaman na magagamit namin sa pagpapaunlad ng aming pamilya at unti-unting pagbabago ng aming pamumuhay. Ang pagsuko ay hindi kailanman sumagi sa aking isipan dahil nananalig po ako sa ating mahal na Panginoon at naniniwala ako na makakaya namin ang anumang pagsubok na dumating sa aming buhay.
Ang 4Ps ay malaking tulong sa mga kabataang may pangarap sa buhay at pamilyang nahihirapan sa pagpapaaral ng kanilang mga anak. Maraming kabataan ngayon ang kilala ko na nakapagtapos dahil sa programa. Hindi lamang tulong-pinansyal ang kanilang ibinibigay kundi maging karagdagang kaalaman sa buhay-pamilya at sa paghahasa sa kakayahan ng mga miyembro nito upang magamit sa pagkakaroon ng magandang trabaho at pagkakakitaan.
Maraming maraming salamat sa programa sa pag-agapay sa aming pamilya at pagbibigay sa akin ng pagkakataon na maging isang Parent Leader kahit ako ay baguhan lamang. Alam ko pong may kalakip itong malaking obligasyon pero sisikapin ko pong gampanan ito ng maayos sa abot ng aking makakaya. (Ipinasa ng Balete and Batan MOOs, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD