Katas ng pagsisikap, tatlong magkakapatid na 4Ps nagtapos bilang Magna Cum Laude
Testimonya ni John Mark P. Flora
Top 3, Region VI
February 2025 Criminologist Licensure Examination
CAUAYAN, Negros Occidental – Ako si John Mark P. Flora, dalawampu’t tatlong taong gulang at nakatira sa liblib na parte ng Barangay Guiljungan, Cauayan, Negros Occidental.
Ako ay ikatatlo sa walong magkakapatid na nagsusumikap, laki sa hirap na may malaking pangarap. Ako ay anak ng isang magsasaka na tanging araro ang sandata para maitawid ang pang araw-araw na pangangailangan naming walong magkakapatid. Para sa akin, hindi naman basehan ang pinag-aralan para pag-aralin ang mga anak.
Tanging Grade IV at 2nd year high school lamang ang natapos ng aming mga magulang, pero hindi nag-alinlangang patapusin kami ng kolehiyo. Hindi ko maipagkait na kami ay lumaki sa hirap; halos lahat ng trabahong bukid ay natutunan para lang makatulong sa mga magulang.
Distansya sa paaralan, maputik na daan ang naging motibasyon para magsumikap. Araw-araw ay lumalakad humigit kumulang sampung kilometro papunta’t’ pabalik sa paaralan.
Labindalawang taong binabagtas ang maputik na daan para lang makapag-aral. Ulan, init at rumaragasang tubig sa ilog ang laging sagabal. Sa bawat may bagyo sa amin, halos lahat ng mga magulang nagsasakripisyo sa pagsundo bawat hapong bumabaha. Pero hindi ito naging hadlang para huminto para sa mga estudyanteng may pangarap
Sa awa ng Maykapal at panukli sa pagsakripisyo ng aking mga magulang, kaming tatlo ay nakapagtapos ng kolehiyo bilang Magna Cum Laude. Ang aming panganay sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Mathematics sa Bacolod City College, at kami ng aking kapatid na lalaki sa kursong Bachelor of Science in Criminology sa Central Philippines State University-Kabankalan, Negros Occidental, Main Campus. Kahirapan ang nagturo para magpatuloy. Wala sa laman ng tiyan, sa layo ng nilalakad at maputik na daan, o sa kantidad ng mga allowances ang pagpupursige sa pag-aaral; basta may Panginoon na gumagabay sa bawat yapak ay walang imposible.
Malaking pasasalamat ko sa programa ng DSWD lalo na sa 4Ps. Ito ay isa sa nagsilbing pangtustos sa pang araw-araw na pangangailangan at pag-aaral namin simula noong taong 2011. Sa biyaya at gabay ng Panginoon, ako ay nag-rank 3 sa Region 6 sa Criminologist Licensure Examination noong nakaraang Pebrero 2025.
Malaki ang pasalamat ko sa Professional Criminologists Association of the Philippines (PCAP) Region 6 sa ganitong ginawad na parangal. Sa aking mga inang diwa na naghasa sa amin. Mula sa Guiljungan Elementary School, Guiljungan National High School, at Central Philippines State University—Main Campus, maraming salamat po.
At higit sa lahat buong pusong pasasalamat sa aking mga magulang at pamilya na walang sawang pagsupporta.
Sa ngayon, nasa Level 2 na ang aming sambahayan at alam ko balang araw makakaahon na rin kami sa kahirapan tungo sa mga minimithing pangarap. Payo ko sa kapwa benepisyaryo, gamitin sa wastong pamamaraan ang cash grants na natatanggap at gamitin sa tama ang tulong mula sa ating gobyerno. All Glory to God! (Cauayan MOO, Negros POO2)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD