4Ps Monitored Child ganap na isang Registered Professional Forester
Testimonya ni Chrystel Ann G. Tupaz
Benepisyaryo ng 4Ps
NEW WASHINGTON, Aklan – Ako si Chrystel Ann Tupaz, at nais kong ibahagi ang aking kwento— kwento ng pagsusumikap, pag-asa, at tagumpay. Sa aking buhay, maraming pagsubok ang aking naranasan, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, napagtagumpayan ko ito at ngayon ay isa na akong ganap na Registered Professional Forester.
Lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Ako ang pangalawa sa walong magkakapatid. Ang aking ama ay si Condrado na isang mangingisda at ang aking ina ay si Evan na isang simpleng maybahay. Sa kabila ng hirap ng aming kalagayan, hindi kami nawalan ng pag-asa. Isang malaking tulong sa amin ang programa ng 4Ps, kung saan kami ay nakapasok bilang benepisyaryo. Ang programang ito ay nagbigay sa amin ng pagkakataon na makakuha ng suporta pinansyal sa aming pangangailangan.
Sa aking pag-aaral, sinikap kong makamit ang aking mga pangarap. Alam ko na ang edukasyon ang susi upang makaalpas sa hirap. Kahit gaano man kahirap ang buhay namin noon, naging masaya pa rin kami sa mga naging karanasan namin. Noong elementarya pa lamang kami, naranasan naming mag-ulam ng asukal, chichirya, at bandi dahil wala kaming maulam sa paaralan.
Sa kabila ng mga simpleng ulam, nagdala ito sa amin ng saya at pagkakaisa bilang magkakapatid. Nilalakad lang din namin mula sa aming bahay papunta sa paaralan, na tila isang pakikipagsapalaran sa bawat araw.
Naranasan din naming magtulungan sa paghahanapbuhay. Minsan, nagpawid kami para maibenta at makabili ng bigas at ulam. Nagbebenta rin kami ng mga alimango at isda na nahuli ng aming tatay. Ang mga oras ng pagbebenta nito sa mga tao ay nagbigay sa amin ng mga aral na magsipag at magtiyaga. Sa bawat pagod at pawis, natutunan naming pahalagahan ang bawat sentimo at ang halaga ng sama-samang pagsisikap. Ang mga simpleng bagay na ito ay nagbigay sa amin ng inspirasyon na ipagpatuloy ang aming pag-aaral at mangarap ng mas mataas.
Malaki talaga ang tulong ng 4Ps sa aming pag-aaral simula noong napabilang kami sa mga benepisyaryo. Nagkaroon kami ng kakayahang makabili ng mga kagamitan sa paaralan, gaya ng bag, sapatos, at papel, na naging daan upang mas maging handa kami sa aming mga aralin. Bukod dito, nakasali rin kami sa mga Girl Scouts at nakadalo sa mga extracurricular activities na nagpalawak sa aming kaalaman at karanasan. Ang mga karanasang ito ay nagbigay sa amin ng mga kasanayan at tiwala sa sarili, na naging pundasyon sa aming pag-unlad at paghahanda para sa mas mataas na edukasyon.
Sa kabila ng mga pagsubok, naging consistent honor student ako mula elementarya hanggang high school, na nagpatibay sa aking determinasyon na ipagpatuloy ang aking mga pangarap.
Noong taong 2024, nakapagtapos ako ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Forestry sa Aklan State University-Banga Campus. Sa kabila ng mga pagsubok at hamon, nag-aral ako ng mabuti at hindi nag-atubiling makilahok sa organisasyon sa aming unibersidad. Ipinagmamalaki kong maging bahagi ng Dean’s List sa Academic Year 2021-2022, nagsumikap rin ako sa aking thesis, at On The Job Training sa CENRO Boracay, na nagpatunay sa aking dedikasyon sa pag-aaral.
Ang mga gabi ng pag-aaral at pagpupuyat, kasabay ng mga sakripisyo ng aking pamilya, ay mga alaala na mananatili sa aking isipan.
Sa awa ng Panginoon, nasaksihan niya ang aking pagsusumikap at dininig ang aking mga panalangin nang nakapasa ako sa board exam nitong nakaraang 2024 Foresters Licensure Examination.
Sa panahon ng aking paghahanda, nagawa kong magsideline sa mga survey at mag-academic commissioning online upang kumita ng pera pambayad sa aking board review. Ramdam ko ang buong suporta ng aking pamilya, na sila ang nagsilbing inspirasyon ko sa bawat hakbang ng aking paglalakbay. Sa kabila ng mga hamon sa pinansyal, mental, at pisikal na aspeto, ang makapasa sa board exam ay isang malaking tagumpay na nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapagtrabaho ngayon sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) New Washington, na isa sa mga pangarap kong trabaho. Ang bawat pagsusumikap at sakripisyo ay nagbunga, at ngayon ay patuloy akong naglilingkod at nagbibigay ng kontribusyon sa aming komunidad.
Ngayon, bilang isang Registered Professional Forester, ako ay masayang naglilingkod sa aming komunidad. Ang aking trabaho ay hindi lamang tungkol sa pag-aalaga sa mga kagubatan, kundi pati na rin sa pagprotekta sa kalikasan at pagbuo ng mga proyekto na makikinabang ang ating mga kababayan. Ang aking kwento ay patunay na sa kabila ng mga pagsubok, may pag-asa at tagumpay na naghihintay sa mga masisipag at may pangarap.
Ang aking kwento ay patunay na sa kabila ng mga hamon sa buhay, may pag-asa at tagumpay na naghihintay sa mga masisipag at may pangarap. Nais kong iparating sa lahat ng mga kabataan na huwag mawalan ng pag-asa. Ang mga pangarap ay kayang makamit sa tulong ng sipag, tiyaga, at determinasyon. Salamat sa lahat. (New Washington MOO, Aklan POO)
Department of Social Welfare and Development – DSWD
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD