
Testimonya ni: Jeneveb Cuesta
Pribadong guro
Benepisyaryo ng 4Ps
NEW WASHINGTON, Aklan – Ako ay si Jeneveb Cuesta ng bayan na ito at benepisyaryo ng 4Ps. Ako ay isang halimbawa ng totoong tagumpay sa kabila ng kahirapan at ibat-ibang hamon ng buhay. Ngayon, isa na akong lisensyadong guro at nagtuturo sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Kalibo.
Taong 2011 nang maswerteng nakapasok ang aming sambahayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ang aking ama ay isang mangingisda na umaasa sa biyaya ng dagat, at ang aking ina ay isang maybahay na nag-aalaga sa aming limang magkakapatid lalo na sa panganay na may kapansanan o PWD. Ako ay pangatlong anak. Sa kabila ng hirap na kinakaharap ng aming pamilya araw-araw ay pinagsisikapan naming magpatuloy at magpursige sa buhay lalo na sap ag-aaral.
High school pa lamang ako noon, puno ng mga pangarap na gustong abutin, ngunit hindi maikakaila na marami rin ang mga pagsubok na aking kinakaharap. Ang aming pamilya ay may limitadong pinagkukunan ng kita, lalo na’t ang aking ama ay isang mangingisda. Dahil sa kawalang-katiyakan ng aming kabuhayan, lalo na sa panahon na hindi sagana ang huli, palaging may agam-agam kung paano naming matutustusan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan. Bukod dito, ang bisyo sa pag-inom ng aking ama ay nagdadagdag pa ng bigat sa aming buhay, sapagkat minsan ay nauubos ang kanyang kaunting pera na dapat sana’y para sa amin.
Sa kabila ng mga pagsubok na ito, napakalaking tulong ang naibigay ng 4Ps sa aming pamilya. Ang tulong-pinansyal na aming natanggap mula sa programa ay naging mahalagang bahagi ng aming kabuhayan. Ito ang nagpagaan ng aming buhay mula sa mabigat na pasanin ng gastusin sa eskwelahan, at iba pang pangangailangan sa pag-aaral. Bukod pa rito, ito rin ang nagbigay sa amin ng kakayahang matugunan ang aming pang-araw-araw na gastusin sa pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan. Sa pamamagitan ng 4Ps, nagkaroon kami ng kaunting ginhawa at pag-asa na maipagpatuloy ang aming mga pangarap, sa kabila ng mga hamon na dala ng aming sitwasyon.
Noong 2016, sinimulan kong magtrabaho habang nag-aaral. Tumira ako sa bahay ng aking lola matapos akong pagsabihan ng aking ama na wala na siyang balak na suportahan ang aking pag-aaral. Nagtrabaho ako bilang manikurista sa isang parlor, isang kasanayang natutunan ko sa eskwelahan. Kahit maliit ang kita, ginawa ko itong inspirasyon upang makaraos.
Nagpatuloy ako sa pag-aaral kahit pa limitado ang suporta. Ang 4Ps ay naging malaking tulong lalo na noong ako ay nasa Grade 12 dahil ang grants na natatanggap sa programa ay pinambabayad sa mga gastusin sa paaralan at iba pang pangangailangan. Sa kabila ng mga pagsubok na aking kihakaharap, ako ay naging honor student at nakapagtapos ng senior high school na may mga karangalan.
Sa kolehiyo, naging hamon ang balanse ng trabaho at pag-aaral. Noong pandemya, kinailangan kong unahin ang pagtatrabaho upang matulungan ang aking pamilya. Ngunit hindi ko binitiwan ang aking pangarap na makatapos ng pag-aaral.
Sa kabila ng lahat ng pagsubok, nakapagtapos ako ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Aklan State University – New Washington Campus. Hindi naging madali ang daan, ngunit sa tulong ng Diyos at ng programa ng 4Ps, nakamit ko ang tagumpay na ito. Noong Marso 2024, ako ay naging isang ganap na lisensyadong guro. Sa ngayon, ako ay nagtuturo sa Kalibo Institute, isang pribadong paaralan sa bayan ng Kalibo at nagtuturo ng mga subjects na Science, Filipino, Pagpapahalaga and Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP), English at Math sa mga Grade 8, 9 and 11.
Hanggang ngayon, patuloy akong nagpapasalamat sa programa 4Ps at sa Diyos sa pagbibigay ng lakas at pag-asa. Bagamat nagtuturo na ako sa isang pribadong paaralan, patuloy kong pinagsisikapan na makapasok sa pampublikong paaralan upang masuportahan ang edukasyon ng aking mga kapatid.
Sa mga kapwa ko benepisyaryo ng programa, ang tulong na galing sa gobyerno ay gamitin sa tama at ang lahat ng mga topiko na itinuturo sa Family Development Session (FDS) ay isabuhay. Sana sa pagbahagi ko ng aking mga karanasa ay may natutunan kayo at ang walang hanggang pasasalamat sa programa ng 4Ps dahil akala ng iba ang grants na natatanggap sa programa ay ginagamit sa luho pero di nila alam na ang tulong na binibigay ng programa ay may malaking epekto sa mga kagaya kong kapos sa buhay.
“Alam ko ano mang oras magtatapos na rin kami sa programa na nagsilbing liwanag upang unti-unting naming maabot ang mga pangarap,” pahayag ni Jeneveb.
PAGTATAGUYOD
Nagsimula po akong nagturo sa pribadong paaralan noong 2024 at nakita ko kung paano itaguyod ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral. Taong 2015 naging bahagi ang aming pamilya sa 4Ps at dito ko nakita ang kakulangan ng kita ng aking mga magulang upang matustusan an gaming pag-aaral. Kaya naiintidihan ko ang hirap sa pag-aaral ng mga estudyanteng mahirap ang pamilya.
Bilang bahagi ng sangay ng edukasyon, malaking bahagi ito upang mahubog ang kaalaman at kakayahan ng mga batang Pilipino. Kahit nasa pribadong paaralan ako nagtuturo, malaking suporta parin ang aming pinanapaabot sa mga program ng gobyerno tulad na lamang ng 4Ps. Ang aming pagsuporta ay hindi limitado sa kung ano ang naikikita kundi sa pakikipag-ugnayan at pakikibahagi sa mga programang inilulunsad para sa mga pamilyang nangangailangan.
Masasabi kung maunlad na ang serbisyo ng 4Ps, kailangan lamang siguro na gabayan pa ang mg benepisyaryo nito kung paano gamitin ng maayos ang grants na natatanggap dahil sa pamamagitan nito nagiging bahagi sila sa pagsuporta sa programa na patuloy ang pag-abot ng tulong sa mga nangagailangan. (Ipinasa ng: MOO New Washington)
Department of Social Welfare and Development – DSWD
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD