Tiyaga ang puhunan ng dating batang 4Ps, ngayon guro na
Testimonya ni Ma. Dally T. Belarmino
Benepisaryo ng 4Ps
NEW WASHINGTON, Aklan – Pangalawa ako sa apat na magkakapatid, tatlong babae at isang lalaki. Ang aking ama ay isang karpentero at ang aking ina ay namasukang kasambahay sa bayan ng Banga, sa probinsyang ito. Kahit pagsamahin ang kinikita ng aking mga magulang ay hindi ito sapat sa aming pang-araw araw na pangangailangan lalo pa at sabay sabay na kaming nag-aaral.
Kung walang trabaho ang aming ama ay nangingisda siya upang may pang ulam habang ang aming ina ay nagtatrabaho siya sa ibang tao.
Walang permanenteng trabaho ang aking mga magulang dahil hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral kaya pahirapan na rin sa kanila ang pagpapaaral sa amin. Kayod kalabaw ang ginawa ng aking mga magulang at halos wala ng pahinga sa pagtatrabaho. Minsan ay naabutan at nababasa ng ulan ang aking ina sa pagtatrabaho kaya dumating ang oras na siningil siya ng kanyang katawan.
Noong 2013, nagkasakit ang aking ina ng pneumonia at bronchopneumonia. Halos hindi na namin siya makilala dahil bumagsak ang kanyang katawan. Mahigit anim na buwan din siyang iginupo ng kanyang karamdaman. Ngunit sa awa ng Diyos at sa pananampalataya din ng aking ina ay gumaling siya sa kanyang sakit.
Walang ibang pangarap ang aking ina kundi ang mapagtapos kaming magkakapatid ng pag-aaral, ayaw niyang matulad kami sa kanya na hindi nakapagtapos. Nais ng aming ina na mapabuti kami at maabot namin ang aming mga pangarap.
Taong 2011 ng mapalad na mapabilang ang aming pamilya bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Malaki ang tulong ng 4Ps sa amin. Ako, si Mariel at Darwin ang mga batang minomonitor ng programa. Lubos ang pasasalamat namin sa programa dahil nagkaroon ng katuwang ang aking mga magulang sa mga gastusin lalo na sa aming pag-aaral. Kaya kaming magkakapatid ay mas lalo pa naming pinag-igihan ang aming pag-aaral upang hindi masayang ang binibigay na tulong ng programa at upang masuklian din namin ang sakripisyo ng aming mga magulang.
Sa tulong din ng Sustainable Livelihood Program (SLP), ay nakatanggap ng dagdag na pondo ang aking mga magulang para sa aming “floating talabahan” sa halagang Php15, 000.00 noong taong 2017 na hanggang ngayon ay patuloy na inaalagaan at pinagyayabong ng aking mga magulang.
Taong 2019 ng ako ay makapagtapos sa kursong Bachelor in Secondary Education major in Filipino, at naging Cum Laude pa sa Aklan State University – New Washington, Campus. Upang makakuha ng board exam ay ibinenta ng aking mga magulang ang fishnet upang mayroon akong pambayad sa Review Center at panggastos sa board exam. Noong September 29, 2019 kumuha ako ng board exam at hindi naman ako binigo ng Poong Maykapal na sa una kong subok, ako ay nakapasa. Ngunit hindi naging madali para sa akin na makakita ng trabaho dahil dumating ang COVID-19 pandemic.
Taong 2021 ay nakapasok ako bilang isang Job Order sa Talon Integrated School sa bayan ng Altavas, Aklan. Maliit ang ang sweldo ko pero nagkataon pa na na mild stroke ang aking ama. Laking pasasalamat din namin sa programa ng 4Ps dahil na zero bill kami sa hospital. Sa ngayon, ang aking ama ay hindi na makapagtrabaho ng dahil sa kanyang kalusugan.
Dalawang taon at 11 buwan din akong nagtuturo doon hanggang sa lumipad ako sa Pinamuk-an Integrated Farm school bilang Job Order pa rin. Ang aking trabaho ay sa opisina lang, nag aayos ng mga dokumento at iba pang mga gawaing pang-opisina.
Sa Kabila ng lahat, ako ay hindi nawalan ng pag-asa na makapasok sa DepEd dahil simula pa noong 2021 ay yearly akong nagpapa ranking. At itong taon na ito ay may dumating na bagong item sa paaralan at kami ang pinrayoridad at nirekomenda ng aming school principal. Lahat ng aking hirap at pagtitiyaga ko ay nadinig din dahil noong August 8, 2024 ako ay pinatawag sa Division office para pumirma ng mga dokumento at kinabukasan, August 9, 2024 ang first day ko bilang empleyado ng DepEd. Sa ngayon, ako ang advisory sa Grade 12 at may mga subjects na itinuturo sa Grade 7 and Grade 11 dito sa Pinamuk-an Integrated Farm School.
Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa 4Ps, kung wala ang tulong ng programa ay hindi ako makakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga kapatid at hindi namin unti-unting makamit ang aming mga pangarap. Bukod sa tulong pinansyal, ay nagbigay din ng dagdag kaalaman o ideya sa aking mga magulang ang programa tuwing Family Development Session (FDS); tulong-pangkalusugan; tulong para sa pag-aaral at marami pang iba. Tunay na bawat buhay ay mahalaga, at ang 4Ps ay naging gabay namin tungo sa mas maayos na kinabukasan.
PAGTATAGUYOD
Nagsimula ang aking pakikipag-ugnayan sa 4Ps mula pa noong kami ay monitored children pa lamang hanggang sa ako ay maging lisensyading guro na at nagtuturo sa pampublikong paaralan. Mula ng maging bahagi ako ng DepEd ay itinuturing ko na bahagi na ako ng 4Ps sa pagsusulong sa edukasyon lalong-lalo na ang ang
mga estudyanteng nasa ilalim din ng programa.
Masasabi kong malaki ang tulong ng DepEd sa pagpapatupad ng programa dahil isa ang ahensya sa kaagapay ng 4Ps sa pagtataguyod ng edukasyon ng mga batang nais makapag-aral ngunit salat sa buhay. Nabibili po nila ang mga gamit pampaaralan, baon, uniform, at iba pa pong bayarin. Isang magandang epekto nito ay marami nang nag-eenrol, nababawasan na ang dropout o palaging pagliban ng klase ng mga mag-aaral.
Patunay lamang ako na dating 4Ps na nakapag-aral at naging guro sa tulong ng 4Ps at ng ahensya na akong kinabibilangan ngayon. Kaagapay ng DepEd ang 4Ps sa pagpapaunlad sa mga buhay ng ating kababayang mahihirap. Ang libreng edukasyon ang puhunan upang magbigay kaalaman at kagalingan sa mga mag-aaral para sa maayos na buhay. Naging tulay ang 4Ps para matupad ang adhikain ng ahensya -Edukasyon para sa lahat.
Mapapaunlad pa ng 4Ps ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng pag-abot pa sa mas mahihirap na mamamayanan at pagkakaroon ng mahigpit na monitoring sa mga 4Ps beneficiaries na nag-aaral. Malaking tulong din ito sa mga paaralan na monitor ng attendance ng mag-aaral. Sa pamamagitan nito mas malalaman ang kalagayan ng mga mag-aaral at ang kanilang mga pangangailangan. //ndfb (Ipinasa ng MOO New Washington, Aklan POO)