Pamilyang 4Ps nakapagpatayo ng
munting negosyo katuwang ang 4Ps
Testimonya ni Rhea D. Salutis
Benepisyaryo ng 4Ps
ILOILO City – “Mahirap maging mahirap ngunit mas mahirap ang taong walang pangarap,” ito ang mantra ng aking pamilya na nagbibigay motibasyon sa aming pamumuhay.
Taong 2011 noong makapasok ang aming pamilya bilang isang potential na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ito din yung taon kung saan kami ay nagsimula sa wala. Isang kahig, isang tuka, ngunit patuloy na nangangarap. Kami ay may dalawang anak si Rhygien Gun at Rain War Jovel. Ang aking asawa ay napilitang mag trabaho sa Antique bilang cook at ako naman ay nag iisang tumataguyod sa aming mga anak. Ang aming panganay na si Rhygien Gun ay sakitin at may kakulangan sa potassium. Isa itong dahilan kung bakit hindi ako makapaghanapbuhay dahil kailangan ko siyang mas alagaan. Naging malaking tulong sa amin ang 4Ps dahil kahit papaano nagkaroon kmi ng kakayahan makabili ng aming pangangailangan lalo na sa gamot ng aking anak.
Noong 2014, nag desisyon ang aking asawa na dito na lang sa aming lugar maghanapbuhay upang magabayan namin ng sabay ang aming dalawang anak. Habang kami ay nag sisimulang maitaguyod ang aming maliit na kainan, marami ang hindi nagtiwala. Matumal ang aming kita at minsan kami ay nalulugi pa. Dahil sa kakulangan ng kita, sinubukan ko rin pumasok sa isang Insurance Company bilang ahente–isang paraan para makatulong ako sa aming pang araw-araw na gastusin. Ngunit hindi rin naging sapat at hindi ko na gabayan ng mabuti ang aming mga anak. Ako ay huminto sa pag aahente at ipinagpatuloy naming mag asawa ang aming nasimulan na kainan na may kasamang pagsisikap at tiwala sa Maykapal.
Habang gumaganda ang aming kainan ay sinubok kami ng tadhana. Dumating ang pandemya dulot ng COVID-19 at muli ay natigil ang aming hanapbuhay. Kasabay ng pandemya ay isa rin trahedya ang dumating. Namatay ang aking panganay na anak dahil sa sakit. Halos gumuho ang aming mundo, nawawalan ng pag-asa at nagdadalawang isip kung kakayanin pa ba namin. Ngunit dahil na rin sa pagmamahalan naming pamilya, kami ay nagpatuloy at bumangon.
Matapos ang pandemya, muli naming binuksan ang aming kainan. Malaki ang lamang namin kasi malapit kami sa Colegio del Sagrado Corazon de Jesus ay naisipan naming gawing pang masa ang aming binibentang pagkain.
Dekaledad at masarap ngunit sa presyong abot kaya. Pinakilala namin sa lahat ang aming masarap na “Paresan” na may kasamang sisig at chicken inasal. Dahil na rin sa aming pagtutulungan, pagsisikap, at hindi pagbitaw sa aming pangarap, kami ay nagsimulang magtagumpay. Pumatok sa masa at mga estudyante ang aming carinderia. Kasabay ng aming pagbangon, kami ay nabiyayan nang isang pang anak na si Rhyne Gien. Taos puso kaming nagpapasalamat sa Maykapal sa biyaya na aming nakakamtan.
Sa ngayon, ang aming kainan ay kilala sa pangalang “Chamlu Paresan”. Kasabay nito, nakakatulong din kami sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng hanapbuhay. Meron kaming anim na tauhan na katuwang sa aming hanapbuhay. Ang iba sa kanila ay benepisyaryo rin ng 4Ps. Kami ay sumabak din sa delivery service na pangunahing paraan sa pagpapa abot na aming mga pagkaing binebenta. Sa loob ng isang araw, hindi bababa sa 100 customers ang aming natatanggap at hindi pa kabilang ang sa aming delivery service na aabot din sa 100 customers ang umoorder. Kasabay sa aming tagumpay ang pag-asa ng pag abot sa aming pangarap. Pangarap na aming isakatuparan at hindi mananatiling pangarap lamang.
Naging daan sa aming tagumpay ang aming natutunan sa Family Development Session (FDS) na magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Nasa atin ang kakayahan na bumangon at maka alis sa kahirapan; samahan lang ng pagsisikap at pagtitiwala na kaya natin ang makaahon sa kahirapan.
Muli po akong nagpapasalamat nang taos puso sa programa ng Pantawid Pamilya. Dumating man ang pagtatapos namin sa programang ito, para sa amin, ito ay panimula para ipakita sa lahat na kaya naming magpatuloy at hindi na bumalik sa kahirapan. Kaya din naming maging tulay para maitawid ang ibang nangangailangan palayo sa kahirapan. (Ipinasa ng City Proper Team, Iloilo-Guimaras POO)