Pagtataya ng punong guro sa kinabukasan ng mga mag-aaral na batang 4Ps
Testimonya ni Mary Ann Espedion
Punong guro
Guinhulacan Elementary School
BINGAWAN, Iloilo – Ako si Mary Ann Espedion, isang mapagmahal na ina sa apat na matalinong supling at asawa. Punong guro ng Mababang Paaralan ng Guinhulacan na sakop ng Munisipyo ng Bingawan, Lalawigan ng Iloilo.
Ang gampanin ng pagiging ina ay hindi lamang sa pagtutok sa mga gawaing bahay, kundi pati na rin sa paaralan. Noong aking kabataan, bihasa ako sa mga gawaing bahay. Hindi naging madali ang buhay namin noon. Bunso ako sa limang magkakapatid at natuto na kaming magbanat ng buto sa edad na walo. Kami ay nagtatrabaho kada Sabado sa taniman ng tubo, at tumatanggap ng dalawang piso na sahod sa buong araw na pagtatanim at pagbunot ng damo sa taniman.
Sa araw-araw tuwing may pasok, nilalakad lang namin ang isa at kalahating kilometro ng masukal, madulas, at maputik na daanan makapunta lang ng paaralan. May mga pagkakataong wala kaming baon. Minsan, nangunguha kami ng hinog na bayabas bilang pamalit sa papel o kendi ng mga mapera naming kamag-aral.
Pinababaunan kami ng nanay ng kanin na may halong mais, at dinikdik na kamoteng kahoy na binalot sa dahon ng saging dahil kulang ang bigas sa pang-araw-araw na konsumo. May mga panahon pa na nilagang saging ang pagkain sa almusal kasi nga salat kami sa salapi na pambili ng bigas. Naging mabigat pa lalo ang aming pamumuhay noong maaga kaming maulila sa ama. Ang nanay ay pumunta sa Maynila para mamasukang kasambahay, at ang panganay namin ay kinuha ng tiyahin sa Mindanao. Ang pangalawa naman ay nagtatrabaho rin sa Maynila para matustusan ang pag-aaral.
Samantalang ako ay napagtagumpayan ang mga hamon sa apat na sulok ng silid-aralan, subsob ang mukha sa lamparang de gas sa gabi sa paggawa ng takdang-aralin habang ang aking tanging pananggalan ay ang ilang piraso ng kwaderno, lapis, papel at dalawang sentimo na pinapabaon sa akin ni nanay mula Lunes hanggang Biyernes. Masaya ang mag-aral sa mga kapanahunan naming iyon.
Naaalala ko pa nung elementarya, ang gardening kung saan pagandahan kaming mag-aaral ng aming mga tanim sa hardin. Ang magluto ng lugaw na may dahon ng malunggay, green peas, at yellow corn meal kapag oras na ng school feeding, at maging masaya pagdating ng breaktime o kapag walang pasok, kung saan nakapaglaro kasama ang mga kaklase namin noon. Sa ngayon, bihira na lang rin itong itinataguyod o nilalaro ng mga kabataan sa ngayon.
Sa aming kapanahunan, kapag hindi namin naituwid ang mga pagsubok na ibinigay ng aming guro, nilalagay namin ang aming mga kamay sa desk at pinapalo ito ng stick hanggang sa kami ay matuto. Dahil sa mga karanasang ito, ako ay nagsumikap at naabot ko rin ang aking pangarap– ang pagiging teacher.
Sa murang edad na labing-isa, kinuha ako ng Uncle Victor, dating Mayor nang Munisipyo ng Bingawan at pinag-aral mula Grade V hanggang makapagtapos ng high school. Naging working student at nagtapos sa kolehiyo sa kursong Bachelor’s in Elementary Education sa West Visayas College of Science and Technology (WVCST). Nakapasa ng Board Exam, nagturo ng labing-limang taon bilang classroom teacher, at dahil sa dedikasyon at pagmamahal sa pagtuturo sa mga bata ay pinaibayo at dinagdagan pa ang aking kaalaman sa pamamagitan pag-enrol sa Master’s Degree Program at kalaunan napasa ang Principal’s Exam.
Ang pagiging guro ay isang pambansang propesyon na pagtataya sa kinabukasan ng bawat batang Pilipino upang matuto sa sarili at buhay. Nagiging isang karangalan na maituturing ng kahit sino man ang maging guro, at madalas nagiging parte na ng Institusyong Pilipino sapagkat sa iyo masasalamin ng pamayanan ang tumayo bilang pangalawang magulang ng mga batang nag-aaral. Mabibigay mo ang tulong sa pamamagitan ng paghasa sa kanilang angking karunungan, talino at antas ng pag-unawa upang maging halimbawa din sa ibang bata na balang araw sa kung ano man ang naibahagi mo bilang guro ay tiyak may mapupulot at natutunan sila sa apat na sulok ng silid-aralan na magiging gabay na rin nila sa hinaharap o pagtanda.
Dumating ang “Pandemic” na halos lahat ng mamamayan ay hindi handa, lalo na ang sektor ng Kabataan. Naging mahirap din sa aming mga guro na pamahalaan ang mga pangamba ng hatid nito sa kalusugan at kaligtasan ng aming mga Kabataan. Doon na nagplano ang mataas na Ahensya ng Edukasyon kung paano pamahalaan ang pag-aaral ng mga bata. Nagsimula na rin ang “modular classes” kung saan ang layon nito na mapalayo ang mga bata sa mga posibleng banta at kapahamakan dala ng COVID-19. Alinsunod dito pinayuhan ang mga magulang na magpasa ng module na pinapadala sa mga bata, sagutan at ipadala ulit pabalik sa paaralan. Napakahirap sariwain ang matinding sakit na dala ng COVID-19 sa buhay nino man na nakaranas nito lalo na sa mga Kabataan na halos limitado ang galaw sa pamayanang tinitirhan.
Kaya noong bumalik na sa “New Normal” ang lahat doon na rin ang isa sa mga mahihirap na kinakaharap na suliranin ng mga guro sa paaralan. Ang panibagong karera at pagsubok kung paano ma-integrate ang kahandaan sa mga mag-aaral o kabataan. May mga bata kami na tinuturuan na ang level ng kaalaman o kahandaan ay parang nasa unang baitang pa lamang, kahit na nasa ikalimang baitang na ang antas ng edad nito.
Kaya doon ko sinimulan ang aspeto na dapat para matuto at maunawaan na nang bata sa angkop na antas, pina-seat-in ko muna sya sa unang baitang para nang sa ganun ay matuto ang bata na makisabay, makibagay at higit sa lahat matuto magbasa at magsulat batay sa kinakailangan nitong pagkakataon para makabalik sa mataas na baitang. At simula noon, malaki ang naitutulong at kontribusyon nito na kahandaan sa bata na maging handa sa hinaharap.
Dahil doon sinimulan ko na diskarte ang pagpapa-seat-in sa bata at nasubaybayan kapag may mga parehong sitwasyon na mag-aaral sa aming paaralan. Naging malaking dagok ang naibibigay nito sa bata para lubos na maunawaan, magkaroon ng kaalaman, mahubog pa lalo ang isipan sa mga kasanayang ibinibigay naming mga guro na kung saan sila mismo ang may malaking pakinabang pagdating ng tamang panahon kapag nakapagtapos na sila sa pag-aaral at makamit ang mataas na pinapangarap sa buhay, maging inspirasyon at halimbawa sa iba at kagaya din naming na propesyunal sa mga napiling bokasyon.
Maliban sa pagiging guro sa kasalukuyan, ginagampanan ko rin ang mga extra-curricular na gawain o serbisyo sa mga kasapi ng 4Ps sa pamayanan sa pamamagitan ng pagiging resource person sa mga piling paksa sa Family Development Session (FDS) na mapagkukunan ng mahalagang kaalaman sa pagpapalaki at pag-aaruga sa mga anak. Dahilan na naging matagumpay ang aming mga instruksyon at pamamaraan na maibabahagi ang mga pangangailangang intelektwal, respeto at disiplina sa katulad kabataan at nakakatanda, may malalim na pag-unawa at pananampalataya sa Poong Maykapal at mas lalong mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay sa hinaharap.
Nagpapasalamat din ako sa programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na lalo pa nitong maisaayos ang mga buhay ng bawat bata na nag-aaral sa paaralan kung saan naibahagi nito ang kaukulang pagpapahalaga sa nutrisyon at kalusugan, edukasyon at paghubog ng mga magulang sa mga anak sa pamamagitan ng FDS. Sa patuloy na pagtataguyod ng programa sa adhikain ng gobyerno na maiahon sa tinatawag na “intergenerational” na kahirapan tumatawid ng bawat pamilyang Pilipino.
Saludo po kami sa mga implementor ng programa, sa pakikilahok nila sa aming mga pangarap at adhikain na balang araw wala nang mahirap na mamamayan sa bansa. (Ipinasa ni Junar L. Hupanda, Social Welfare Assistant ng Team Bingawan)