LGU Link, nakamit ang pangarap na maging Municipal Link
Testimonya ni: Rusalle Jean F. Caldeo
Municipal Link
Sapian MOO
SAPIAN, Capiz – “Ang buhay ay hindi isang karera dahil ang Panginoon ay may nakatakdang panahon para sa ating lahat–hindi agad-agad at lalong hindi huli, kailangan lang kunting pasensya at pananalig. It worth the wait in his perfect time”.
Ito ang mga katagang napatunayan ko sa buhay na mayroon ako ngayon. Ako ay 36 na taon at Municipal Link ng bayan na ito. Ang aking asawa ay isang Animal Technician sa isang pribadong kompanya. Kami ay nabiyayaan ng dalawang anak, isang 15 taong gulang na lalaki at isang tatlong taong na babae.
Dala ng pagkabata, ako ay naging mapusok at naging curious sa mga bagay-bagay. Hindi ako nakinig sa payo ng aking mga magulang, kung kaya’t ako ay nabuntis nang maaga. Ako ay naging isang ina sa murang edad na labing walong (18) taong gulang. Biglang nagbago ang aking buhay dahil sa mga emosyong nakapag apekto ng aking pananaw, at ang mga bagay na ginagawa ko noon ay hindi ko na nagagawa. Dahil dito, nag umpisang pumasok sa aking isip na sana ay hindi naging matigas ang aking ulo ko at nakinig ako sa aking mga magulang. Mahirap maging isang batang ina, lahat ay gagawin mo para sa ikabubuti ng iyong anak. Madaming realizations ang aking nakuha at natutunan. Habang ako ay nasa bahay, nagbabantay ng aking anak, ang aking mga kaklase ay nag-aaral at patuloy na inaabot ang kanilang mga pangarap. Hindi ko maiwasang mainggit sa kanila dahil kung hindi sana ako nabuntis ng maaga, sabay sana kaming makapagtatapos at naging matagumpay sa kaniya-kaniya naming buhay.
Laking pasasalamat ko sa aking mga magulang dahil sa kabila lahat, palagi silang nandyan para ako ay suportahan. Nandiyan palagi ang aking ina para magbigay payo. Hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi ng aking ina, na “Kung nadapa ka man minsan, hindi sa lahat ng panahon ikaw ay magiging lugmok na lamang. Kailangan mong tumayo at magsimulang muli”. Ang buhay ay hindi karera, lahat ay mangyayari sa takdang panahon ng Panginoon. Binigyan nila ako ng pangalawang pagkakataon na ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Hindi naging hadlang ang pagiging batang ina ko para abutin ang pangarap ko, bagkos ito ay naging inspirasyon upang pagsikapan ko na matapos ko ang aking pag-aaral. Dumating ang araw na aking hinihintay, sa tulong ng aking mga magulang ako ay naka pag tapos sa kursong Bachelor of Science in Criminology at nakapasa sa Criminology Licensure Examination noong November 20, 2013. Laking pasasalamat ko sa aking pamilya at Panginoon dahil sa wakas ay unti-unti ko nang naabot ang aking pangarap.
Sa kabila ng pag-aakala na kapag ako ay makapagtapos at maging lisensyado ay makakapasok na ako sa pangarap kong trabaho, hindi pala ito magiging madali. Ito pala ang simula ng kalbaryo ng pagiging isang aplikante sa tinahak kong landas – ang pangarap kong trabaho na maging isang pulis. Punong-puno ng pagsubok at hirap ang aking dinanas sa pag-apply sa trabaho; marami kang mahabang prosesong tatahakin, pero sa bandang huli hindi rin ako pinalad. Subalit, ang bawat pagsubok ay maaaring maging hakbang tungo sa tagumpay. Umabot ako sa edad na 30 years old at alam ko sa sarili ko na wala nang pag-asa sa pangarap kong maging isang pulis. Kaya naman, ipinanalangin ko nalang sa Maykapal na siya na ang bahala sa akin at kung ano man ang ipagkakaloob niya na trabaho ay malugod kong tatanggapin.
Taong 2022 ay swerte akong nakapag trabaho sa Munisipyo ng Cuartero, Capiz bilang casual employee at itinalaga ako bilang isang LGU Link sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD. Dito ko nakasama ang mga regional staff ng DSWD Field office VI na binubuo ng tatlong Municipal Link (ML), isang Municipal Roving Bookkeeper (MRB) at isang Social Worker Assistant (SWA). Dito nagsimula ang mga bagay na hindi ko inaasahan, ni sa panaginip hindi ko iniisip na mangyayari. Naging masuwerte ako sa naging trabaho ko at sa mga kasamahan ko sa trabaho. Naging magaan ang aking trabaho dahil sa pagtutulungan ng bawat isa. Nakita ko ang dedikasyon nila sa trabaho at puso para sa mahihirap. Kahanga-hanga ang pag pursigi nila na maging maayos at maganda ang kalalabasan ng trabaho nila–mga trabaho na hindi ko inaasahan na magagawa ko dahil iba ito sa pinangarap at inaral ko.
Bilang isang LGU Link, ako ay naging katuwang nila sa kanilang trabaho. Sumasama ako sa Family Development Session (FDS) at sa pagbibigay ng Compliance Verification Monitoring sa mga school facilities kasama ang SWA. Masaya ako at naging kontento sa trabaho ko. Ngunit sa hirap ng buhay, hindi naging sapat ang kinikita naming mag-asawa para sa pangangailan ng aking pamilya. Kaya pangarap kong maging isa sa kanila, pangarap na tumulong sa mahihirap sa abot ng kanilang makakaya habang kumikita ng maayos para sa pamilya.
Isang oportunidad ang dumating nang nagkaroon ng mass hiring ng ML ang DSWD FO VI. Sa tulong at pagkukumbinsi ng aking mga kasamahan sa trabaho, nag-apply ako. Bumukas ang pagkakataon, isang pagkakataon na bumago sa aking buhay at ng pamilya ko. Natanggap ako bilang ML noong May 22, 2023 at na assign sa bayan ng Sapian, Capiz at naging contractual noong nakaraang June 2024. Ang laking pasasalamat ko sa Panginoon, hindi ko inaasahang mangyayari ito sa aking buhay. Natupad ko ang pangarap ko na maging kawani ng DSWD. Sadyang hindi natin masasabi at malalaman ang mga plano ng Panginoon sa ating buhay. Mayroon pala siyang mas higit na plano kaysa sa inaakala natin. Mas kilala niya tayo dahil inilalagay niya tayo sa tutoong laman ng ating puso.
Buong buhay ko itong ipagpasalamat sa Maykapal. Hindi ko man nakamit ang pagiging isang pulis, napagtanto ko naman na ang pagiging ML at ang isang pulis ay may isang layunin, ito ay ang maglingkod sa kapwa, lalong lalo na sa ating bayan. Hindi madali ang trabaho ko bilang ML pero nagpupursigi akong magawa ito ng maayos at sa oras na itinakda. Malaking bahagi ng aking buhay ang nagbago, sa pagiging kawani ng DSWD- 4Ps, ang pagkakaroon ng magandang trabaho ay malaking tulong sa aking pamilya, dahil mabibili ko na ang mga pangangailangan ng aking pamilya. Maituturing ko din na isang malaking pribilehiyo ang magtrabaho sa programa, pribelihiyong araw araw kong ipagpapasalamat.
Isang taon na ako sa programa, at marami akong natutunan.
Naging malawak ang aking kaalaman at pananaw sa buhay. Mas naging bukas din ako sa mga pagbabago. Dahil dito, mas minamahal ko at pinapahalagahan ang aking trabaho, lalong lalo na ang mga benipisaryong pinaglilingkuran ko. Saludo ako sa lahat ng kawani ng programang ito dahil kahit anong hirap ng trabaho ay kinakaya nila para sa kanilang pamilya at mga benepisyaryo. Hanga din ako sa mga magulang na pilit na itinataguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak kahit gaano pa kahirap ang buhay lalo na sa mga magulang na salat sa kaalaman. Salamat sa FDS dahil ito ang naging paraan upang mabigyan sila ng kaalaman na kanilang ginagamit upang itaguyod ang kanilang pag-araw-araw at kumayod upang mapag tapos ang kanilang mga anak. Dahil ayaw nilang maranasan ng kanilang mga anak ang hirap ng walang pinag aralan.
Ang programang 4Ps ay isang malawak na programa na layuning tuldukan ang kahirapan sa Pilipinas at nagpapasalamat ako na naging parti ako ng departamento na nagpapatupad ng programang ito. At habang ako ay nasa trabahong ito, sisikapin kong magampanan ng mabuti ang aking tungkulin. Masaya akong nagbibigay ng serbisyo sa aking kapwa. Hindi man ako naging pulis, ngunit ang layunin na maka paglingkod sa ating kapwa at bayan ay trabaho ko din ngayon. Salamat sa mga taong naniniwala sa akin at maraming salamat sa DSWD at sa mga tao sa likod nito. (Edited by Angeline Acantilado – WVSU Intern)