Midya katuwang sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga batang 4Ps
Testimonya ni: ELYROSE S. NAORBE
IMT Operations Manager
ILOILO City – High school pa lang ako nang nagsimula na akong sumali sa mga ibat-ibang organisasyon sa aming paaralan at komunidad. Kaya nang ako ay nakapagtapos sa kolehiyo at nakapasok sa industriya ng midya, dala-dala ko ang aking pagiging aktibo sa pamumuno.
Pumasok ako sa midya lalo na bilang manunulat sa isang lokal na pahayagan taong 2014. Dito rin nagsimula ang aking pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region VI lalo na sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong nagbigay ng komprehensibong kaalaman ang mga staff kung ano ang 4Ps at ang mga benepisyo nito sa mga sambahayang Pilipino.
Simula noon lagi na akong kasama sa ibat-ibang adbokasiya at programa ng Departamento na naging katuwang nila sa pagpapalaganap ng tama, at komprehensibong balita para sa publiko na libre lang. Dahil dito, taon-taon, binibigyan kami ng pagkilala o karangalan ng DSWD bilang katulong o Most Supportive Media Partner sa kanilang mga programa at adbokasiya.
Bilang miyembro ng media, katungkulan po namin na ipalaganap ang mga natatanging impormasyon na dapat malaman at maintindihan ng mga mamamayang Pilipino.
Naging malalim pa ang aking pakikipagsosyo sa Departamento nang lumipat ako sa isa pang pahayagan, ang Iloilo Metropolitan Times kung saan naging hurado ako sa 4Ps Exemplary Regional Search ng halos anim na taon hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito, laging pasok sa Top 5 sa National Search for 4Ps Exemplary Children ang kalahok mula sa Region VI. Nakakataba ng puso para sa aming mga hurado.
Maliban dito, sa pamamagitan rin ng aking groupo sa kabataan lalo na sa Rotary Club at ng IMT, nakapagbigay rin kami ng school supplies sa komunidad ng Indigenous Peoples sa Guimbal, Iloilo na kasapi ng 4Ps noong nakaraang taon. At sa taong ito, magbibigay uli kami ng “gift giving” sa iba namang komunidad ng IPs dito sa probinsya ng Iloilo. Ito ay ipagpatuloy namin taon-taon bilang parte rin ng aming adbokasiya.
Kung meron man ako e mungkahi sa programa ay sa aspeto ng pag- assess at pag-identify ng tamang mga benepisaryo ng 4Ps ang kailangan dahil may mga impormasyon kami na natatanggap na may mga reklamo sa komunidad.
Alam ko napakaganda ng programang ito kaya dapat pahalagahan at isapuso ng mga benepisyaryo ng 4Ps dahil hindi ito habang buhay kundi temporaryong tulong mula sa gobyerno.