Sangkap sa Pangarap ng Isang Nangangarap
Sa loob ng apat na sulok ng dingding, may sari-saring pintura na puno ng magkakaibang kulay, na siyang umaayon sa mga aparador na gawa sa kahoy at amoy na tila nakahuhumaling at talaga namang katakam takam. Sa iyong pagtapak sa oras na magbukas ang pinto ng kusina, sasalubong sa iyo ang init na nagmumula sa apoy habang nagluluto ng pagkain pang lamang tiyan. Sa isang sulyap, mapapansin mo ang isang malapad na lamesa na gawa sa semento at nakatayo sa gitna. Perpekto ito para sa kaswal na kainan o isang selebrasyon. Sa pagpihit ng mata ay iyong makikita ang isang bintana sa may lababo kung saan matatanaw ang marikit na hardin sa likod-bahay, na siyang nagsisilbing daanan ng liwanag para sa maliit na kusina. Ang espasyong ito ay nagsisilbing libangan at kung saan sila ay tunay na malaya at puno ng produktibidad. Dito ay makikita ang mga binatang lalaki na abala sa paghahanda, nagkakaisa at abala sa kanilang sariling mundo, kabilang na dito ang isang binatilyong maliit man ang pangangatawan ngunit siyang nangunguna sa pag-aasikaso, siya ay kilala sa pangalang “Chan-chan”.
Lumaki sa probinsya ng Capiz kasama ang kanyang ina at nakatatandang kapatid na babae. Si Chan-chan ay lumaki at namulat sa buhay na walang kinikilalang ama kung kaya’t walang sumusuporta sa kanilang mag-ina. Mag-isang itinaguyod ng kanyang butihing ina ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng kung anu-ano para lamang maibigay ang kanilang pangangailangan. Sa kabila ng kahirapan, sa awa ng Diyos ay nakapagtapos naman si Chan-chan ng Senior High sa strand na Home Economics, Technical Vocational Livelihood (TVL).
Sa kasamaang palad, ang payapang buhay ni Chan-chan ay nagbago. Dumating na nga ang dagok sa buhay na kanyang haharapin sa mga susunod na taon. Sa hindi inaasahang pangyayari, kaniyang natagpuan ang sariling naliligaw sa gitna ng walang katapusang dilim. Sa edad na 15-taong gulang, siya ay napatawan ng isang mabigat na kaso at ito ay ang panggagahasa di umano sa kanyang pangalawang pinsan.
“Nakibot lang ko nga may warrant nga nag-abot sa balay.” [Nagulat na lamang ako na mayroong warrant na dumating sa aming bahay,] saad ni Chan-chan.
Nanatili siyang nakakulong sa likod ng malamig at kinakalawang na bakal na rehas sa Capiz ng ilang linggo, hanggang sa nalipat siya sa pangangalaga ng kanyang ina sa kadahilanang siya ay menor de edad pa lamang, bukod dito ay walang sentrong malapit sa bayan para sa musmos na kagaya niya o siyang tinatawag na Child in Conflict with the Law (CICL). Kung saan ilan sa mga batang ito ay biktima lamang ng marahas at magulong lipunan.
Sa taong 2023, buwan ng Agosto at sa edad niyang 19, ipinasok si Chan-chan sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa tahimik na bayan ng Nueva Valencia, Guimaras. Lugar kung saan ang mga nawasak na pangarap ay unti-unting binabalik at binubuo. Ang sentro ay nagbibigay ng rehabilitasyon sa mga kabataan na naligaw ng landas. Sa simula, mahirap para kay Chan-chan ang makiayon sa bagong mundong kanyang kinagagalawan. Ngunit sa tulong ng mga social workers at houseparent na nagsilbing pangalawang magulang sa kanila, ay natutunan niya na ang kahalagahan ng edukasyon, pagsasanay sa trabaho, at personal na pag-unlad. Sa loob ng rehabilitation center, si Chan-chan ay naging aktibo sa mga programa kagaya ng pangangalaga sa katawan o pag-eehersisyo, paglilinis at lalong-lalo na ang pagsasanay sa trabaho, ito ay ang pagluluto na kanyang kinahihiligan.
“Semana pa lang sadto, naga upod-upod ko sa naga obra sa may kusina kag gintudluan man nila ako.” [Ilang linggo pa lang ako dito noon, sumasama ako sa taong nagtatrabaho sa kusina at kalaunan ay tinuruan nila ako,] sambit ni Chan-chan noong siya ay tanungin kung paano siya nagsimulang mahilig sa pagluto. Siya ang inaatasang tumulong sa pagluto para sa mga kapwa nito residente at sa mga bisitang dumarating. Nagagalak din siyang turuan ang ibang gustong matuto sa pagluto kasama niya.
Sa mahigit isang taong pananatili ni Chan-chan sa sentro, nakabuo sila ng samahan na hindi matutumbasan ng kahit ano man. Labis ang pasasalamat nito sa kanyang mga kasamahan pati na rin sa mga social workers na walang sawa ang suporta sa kanila at kailanman ay hindi sila sinukuan. Pakiramdam niya ay isang buong pamilya sila sa loob ng RRCY, dito niya naranasan ang pakiramdam ng mayroong ama.
Sa likod ng maskarang tumatakip sa kalahating mukha ni Chan-chan, maririnig mula sa malungkot at magaspang na boses nito ang pananabik at labis na pangungulila sa pamilya. Nasambit ng 20-taong gulang na nais niyang makabawi sa kanyang pamilya dahil sa mahabang panahong nawalay siya mula sa kanila. Nangako ang binata na sisiguraduhing maibabalik niya ang pagod, paghihirap, at pagsakripisyo ng kaniyang minamahal na ina para sa kanilang magkapatid. Makikita sa mga mata nito ang labis na pagmamahal.
Nang tanungin kung ano ang kanyang mga susunod na plano sa buhay sa oras na siya ay makalabas na sa RRCY, bakas sa kanyang mga mata ang pagkasabik kasabay ng pag kislap ng kanyang mga pangarap. Nais niyang ipagpatuloy ang naudlot niyang pag-aaral. Balak niyang magkolehiyo sa isang unibersidad malapit sa sentro, nabanggit ni Chan-chan na ang kursong gusto niyang kunin ay ang Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management (BS HRM). Balak niya rin na ibalik ang serbisyong natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ngayon, lahat ng bakas na sugat at masalimuot na kahapon ay unti-unti ng humihilom. Makikita sa nakatagong ngiti ni Chan-chan ang pagtanggap at pagbabago. Para sa kaniya at sa iilang residente ng rehabilitation center, gaano man kadilim ang iyong hinaharap sa buhay, mapait at hindi man patas ang mundo, may posibilidad pa din sa pagbabago at pag-asa. Ang rehabilitation center ay hindi lamang nagbibigay ng pangalawang pagkakataon, nagbibigay din sila ng suportang higit pa sa kailangan ng mga kabataan para mabuo ang mas maliwanag at mas matayog na hinaharap upang masabing, malayo pa pero malayo na. Totoong walang batang likas na masama. Minsan, nakakagawa ng masama dahil sa kanilang kapaligiran na kinalakihan. Imbes na husgahan, ang mga tulad ni Chan-chan ay dapat alalayan at tulungan upang mas magabayan patungo sa nararapat at tamang daan. Sa tulong ng DSWD, lalo na ang RRCY, abot-kamay nila ang panibagong pagkakataon, panibagong pag-asa, at panibagong buhay.
DSWD6/Christine Mendoza/Bernaline Seisa BA Journalism-WVSU