Pagtataguyod ng mga pangarap sa kapwa benepisyaryo ng 4Ps
Testimonya ni Cazy Marie S. Sauza
Midwife, RHU-Balete
BALETE, Aklan – Nakatira po ako sa bayan ng Balete probinsya ng Aklan. Bunso po ako sa siyam na magkapatid at ang nanay at tatay ko po ay parehong walang permanenteng trabaho dahil hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral. Si Tatay po ay isang magsasaka at aking butihing ina ay nasa bahay lamang, nag-aalaga sa amin.
Noong bata pa lamang po ako ay naranasan ko na ang hirap ng buhay na halos konting pagkain ay paghahati-hatian para makakain ang lahat. Masakit lang alalahanin at pagmasdan na ang mga magulang mo ay sumasakit ang ulo kung saan kukuha ng pagkain at pambili ng iba pang mga pangangailangan para sa pang araw-araw. Subalit para sa akin hindi iyon balakid upang huminto ako sa pag-aaral sapagkat si Nanay po ay suportado ako sa lahat ng aking pangangailangan simula primary hanggang tertiary. Wala pang nakapagtapos noon saming siyam na magkakapatid dahil sa kahirapan.
Si Tatay po kasi ay hindi lubos ang suporta sa pagpapaaral sa aming magkakapatid dahil na rin sa personal na kadahilanan. Kaya si Nanay talaga ang nag pupursige na kaming lahat ay mapag-aral kaya sabi ko sarili ko gusto kong makapagtapos ng pag-aaral para man lang kahit isa sa amin ay may ipagmalaki ang aking mga magulang.
Ako ang tipong estudyante na walang natatanggap na parangal sa bawat taon simula noong elementarya pa lamang ako. Hindi po kasi ako mahusay sa klase basta ang importante sa akin ay pumasa ako. Nakapagtapos ako ng elementarya sa Balete Elementary School at nag sekondarya sa Balete Academy Inc.. Noong nasa hayskul pa lamang ako ay medyo nagkaroon na ako ng muwang sa buhay. Alam ko na ang tama at mali subalit bilang estudyante natural lang na maranasan ang mga barkada syempre kasama na diyan ang lumiban sa klase, mamasyal at kung ano-ano pang kalokohan. Naniniwala po ako na paminsan-minsan ay ang pagbabarkada ay hindi masamang impluwensya subalit ito rin ay makakatulong para magbigay ng inspirasyon para pumasok sa eskwela araw-araw.
Sa pagpupursige ko, ako ay nakapagtapos ng Senior High School at kahit walang kasiguraduhan ay umaasa na makapag-aral sa kolehiyo. Isang malaking biyaya kong maituturing na maging benepisyaryo ng 4Ps dahil dito ay nagkaroon ako ng pag-asa upang makapag kolehiyo. Nabalitaan kong nagbibigay scholarship ang Department of Health (DOH) sa kursong Midwifery at binibigyang prayoridad ang mga miyembro ng 4Ps. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon na ito at dali-daling pumunta sa opisina ng 4Ps at nag tanong at nag sumite ng mga kakailanganing dokumento kinaumagahan.
Ako ay nakapasa sa scholarship at nag-aral sa Iloilo Doctor’s College. Nahirapan akong mamuhay doon sa siyudad dahil ako ay sanay sa probinysa. Natuto akong magtipid at maging madiskarte para lamang mapag-kasya ko ang aking allowance. Maraming man akong narinig na mga negatibong pahayag gaya ng hindi daw ako makakapagtapos ng pag-aaral dahil hindi daw ako matalino at dahil mayroon daw akong mga barkada. Pero ito ay hindi ko pinansin bagkus naging dahilan ko ito para magpursige pa. Inaamin ko na mahilig ako lumabas kasama ang aking mga kaibigan noong sa kolehiyo dahil sa panahon na gustong-gusto mong umuwi sa pamilya sila ang aking naging kasama at alam ko ang akin limitasyon, hindi ko pinabayaan ang aking pag-aaral at pangako ko sa aking mga magulang na makapagtatapos ako ng pag-aaral at magiging propesyunal.
Isang malaking hamon sa akin habang ako nag-aaral ay ang pandemya dulot ng COVID-19. Palapit matapos ang ikalawang taon sa kolehiyo at pag-review para sa Board Examination. Maliban sa online class ay iba ang epekto ng pandemya sa mental at pisikal na aspeto ng buhay ng tao. Pero hindi pa rin ako nagpatinag, tuloy ang laban para sa aking pangarap.
Salamat sa Panginoon dahil ibinigay niya aking dalangin na makapasa sa Board Exam kahit takot na takot akong mabigo kung ito ay hindi maibigay sa akin. Isang karangalan maging isang Rehistradong Midwife at makapag lingkod sa aking kapwa. Hindi man ako makapaniwala sa aking natamo ngunit malaking pagbabago ito sa aking buhay pati na rin sa buhay ng aking mga magulang. Hindi ko sila binigo at tinupad ko ang aking pangako. Napakasarap sa pakiramdam na ako naman ang tumutulong sa aking mga magulang. Ako ang magpapatunay na hindi hadlang ang kahirapan basta ikaw ay may pangarap.
Sa ngayon ay isa na po akong ganap na Midwife na nagtatrabaho sa Rural Health Unit-Balete sa ilalim ng DOH at ako naman ang maglilingkod sa mga taong kagaya ko noon lalo na sa mga benepisyaryo ng 4Ps na pangarap lamang ang puhunan.
Nagsimula ang aking pakikipagtulungan sa 4Ps noong 2022 noong ako ay natanggap sa DOH bilang isang Midwife. Bilang isang benepisyaryo noon, nais kong magsilbi at magbigay inspirasyon sa mga kabataan ngayon na kagaya ko rin noong nangangarap lalo na sa mga pamilyang nahihirapan or walang kakayahan makapagtapos ng kolehiyo.
Bilang isang kawani ng DOH, ang organisasyon ay mayroong ibat’ibang programa na inaalok para sa mga mamamayan sa ikauunlad ng kanilang buhay tulang na lamang ng mga scholarship na binibigay sa mga nais makapagtapos ng pag-aaral at pursigidong maging matagumpay sa buhay lalong-lalo na sa mga kabataang 4Ps. Maliban dito ang mga programang pangkalusugan na laan para ating mga kapwa na kapuspalad. Ang DOH ay katuwang ng 4Ps sa pagpapaunlad ng kalusugan ng mga benepisyaryo ng 4Ps.
Maimumungkahi ko na maging aktibo pa sa pagbibigay impormasyon ang 4Ps tungkol sa mga programa ng iba pa pang kawani ng gobyerno na katuwang nito sa pagpapatupad ng programa. Kagaya lamang ng DOH tungkol sa mga scholarship para mas marami pang pamilyang umunlad at mabawasan ang pamilyang nagugutom sa ating lalawigan. Makakaasa ang 4Ps na katuwang nito ang DOH sa pagpapaunlad ng kalusugan ng mga benepisyaryo nito.
Sa mga kabataan ngayon, nais kong ipahayag na huwag matakot mangarap. Mukha mang imposible dahil sa mahirap na estado ng buhay, ngunit sa Diyos ay walang imposible. Nariyan ang gobyerno na tumutulong sa ating mahihirap, kailangan lang natin maging aktibo at maging mapagmatyag sa ating komunidad. Huwag matakot magtanong sa mga scholarship, lalong na sa mga 4Ps na mga benepisyaryo tulad ko. Patuloy lamang sa pangarap at huwag magpatinag sa mga hamon ng buhay dahil sa huli ay makakamit din ang hinahangad na tagumpay. (Ipinasa ng MOO Balete, Aklan POO)