“MEDALYA”
Testimonya ni Jocelyn Lubrique
Benepisyaro ng 4Ps
KALIBO, Aklan – Kahirapan ito ang pilit nilalabanan ng mag-asawang Jocelyn at Patricio Lubrique. Sa hirap ng buhay, hindi alam ng mag-asawa kung paano nila mapagtapos ang mga anak. Pangarap lang naman nila na makapagtapos ng pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho ang mga anak sa kabila ng kanilang kalagayan na may “Intellectual Disability.”
Ang mag-asawa ay walang permanenting trabaho. Upang maitaguyod ang kanilang pang araw-araw na mga gastusin, ang kanyang asawa ay naging kargador sa tindahan samantalang si Jocelyn ay nasa bahay lamang nag-aalaga sa kanilang mga anak.
Upang makatulong din sa kanilang pinansyal na pangangailangan, si Jocelyn, ay nagtatrabaho sa palayan kapag panahon ng anihan kahit siya ay nahirapan na magtrabaho dahil sa kanyang Orthopedic Disability. Kalahati ng kanyang katawan ay hindi niya ito masyadong maigalaw at dahil kapos sa pera, hindi niya naipagpatuloy ang pag-therapy. Para sa kanya, mas mahalaga ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Dahil na rin sa kahirapan, maagang nag-asawa ang kanilang panganay na anak ngunit ang pangalawang anak ay nagtatrabaho bilang construction worker sa Manila at ito ang tumutulong sa kanila sa mga gastusin sa bahay. Ang pangatlo naman ay nasa unang taon sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Nursing. Kahit anong hirap kailanman hindi sila sumuko sa hamon ng buhay.
Taong 2013 ng mapabilang sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Laking pasalamat nilang mag-asawa na napabilang sila sa programa dahil ito ay malaking tulong lalo na sa pag-aaral ng kanilang limang mga anak kung saan tatlo dito ay minomonitor ng 4Ps. Kasama na minomonitor ng programa ay ang pang-apat at pang-limang magkakapatid na parehong may kapansanan sa pag-iisip. Siyam na taon na silang nag-aaral sa Special Education (SPED) sa Kalibo Pilot Elementary School.
Pero sa kabila ng kanilang kapansanan, sila ay aktibo sa mga aktibidad sa paaralan. Gaya na lamang ng pagsali sa mga isports. Dahil sa kanilang angking lakas, nakitaan ang magkapatid na sina Jesserey at Jeanrie na may kakayahan itong makipaglaban sa larangan ng isports. Sila ay naging kinatawan ng kanilang paaralan hanggang sa nakaabot sa Western Visayas Regional Athletic Association Meet noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.
Isang malaking karangalan sa pamilya ni Jocelyn na makasali ang dalawang anak niya sa Western Visayas Regional Athletic Association Meet ngayong taon. Sila ay naging kalahok sa Paralympic Games. Sa kabila ng kanilang pagkaroon ng intellectual challenge, sina Jesserey at Jeanrie ay naging kalahok sa nasambit na palaro. Hindi man nila naiuwi ang gintong medalya pero isang karangalan pa rin ito dahil naging kasama sila sa Aklan Team.
Taong 2023 ay nakasali na si Jesserey sa WVRAA na ginanap sa probinsya ng Aklan. Siya ay naglaro ng shut put at nakamit nya ang pangatlong parangal – Bronze Medalist. Nakasali rin siya sa long jump at naging pangatlong parangal – Bronze Medalist din siya. Sumali din siya sa relay at 100-meter dash pero hindi siya nanalo.
Ngayong taon 2024, nakasama ulit si Jesserey sa nasambit na palaro na ginanap sa Negros Occidental. Sumali ulit siya sa shut put, long jump, relay at 400-meter dash. Sa kanyang sinalihan, sa long jump lamang siya pinalad at nakamit ang ikatlong parangal – Bronze Medalist. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa dahil pinagsikapan niya ito at mag insayo ng maigi upang makapagdala siya ng gintong medalya.
Ang cash grants na nakukuha nila sa 4Ps ay malaking tulong para maibili ang mga pangangailang sa paaralan lalo na pambili ng mga vitamins at pagkain para maging malusog ang kanilang pangangatawan. Ito ay nagbigay motibasyon sa mga bata na mag-aral ng mabuti at galingan pa ang insayo dahil may tulong mula sa gobyerno.
Ngayong taon din ay nakasama niya sa Western Visayas Regional Athletic Association Meet ang kanyang kapatid na si Jeanrie. Naging kalahok rin siya sa 100-meter dash at naging 4th place naman siya. At siya ang magiging kapalit kung sakaling may hindi makapaglaro sa kanilang groupo.
Sa pamamagitan, ng kanilang pagsali sa palaro, naging daan ito upang mas lalo pang lumakas ang kanilang paniniwala sa kanilang sarili sa kabila ng kanilang kapansanan. Umaasa din sila na balang araw, maiuwi rin nila ang gintong medalya at makapagbigay karangalan sa kanilang paaralan at bayan. (Isinulat ni Kalibo ML, Ma. Rhoda N. Crispino ng Aklan POO)