Alkansya simbolo ng pag-iimpok para sa hinaharap ng pamilyang 4Ps
BINGAWAN, Iloilo – Ang pagtataguyod sa isang malaking pamilya ay hindi nasusukat sa dami ng salapi o kapangyarihan kundi sa mga bumubuo nito na nagkakaisa upang mapanatili ang kabuhayan at katahimikan ng pamumuhay. Ito po ay panimula ng aking kwento, mga pasanin na tinatahak ng magulang at anak makamit lamang ang mga minimithing pangarap sa buhay.
Ako si Mary San Ardamoy ng Barangay Poblacion ng nasabing bayan. Naaalala ko pa noong nasa kasagsagan pa lamang ng “Martial Law” nag-aaral pa lamang ako ng high school hanggang sa matapos ko po ito na may nakamit na medalya, medalya ng tagumpay para magpatuloy sa kolehiyo. Natuto po akong tumulong sa aking mga magulang sa pagtatrabaho sa bukid, sa pagsasaka naisama din kami ng aming mga magulang para kahit sa kukunting salapi maitaguyod namin ang mga pangangailangan at gastusin sa bahay o sa paaralan na pinapasukan. Ang kita naming magkapatid ay iniipon namin sa “kawayang alkansiya” habang ang binibigay naman ng aming magulang ay hinahati namin sa sinuman ang may malaking gastusin sa matrikula at school projects.
Naiintindihan namin ang sakripisyo ng aming mga magulang kung saan tinataya nila ang kanilang oras sa pagbibilad sa sikat ng araw mula umaga hanggang mag dapit hapon. Proud po ako at hindi kinakahiya na magsasaka at magbubukid ang aming magulang. Hindi ko po tinapos ang kolehiyo sapagkat salat po kami sa salapi at napakahirap makahanap ng pera sa mga panahong iyon, kulang ang pangtustos na matugunan ang matrikula sa paaralan at paupahang bahay sa lungsod. Nag-asawa po ako ng maaga na halos hindi ko na-enjoy ang buhay dalaga. Nang nag-asawa na ako, doon nagsimula maranasan ang buhay magulang. Masaya din pala ang buhay na may pamilya at doon mismo nahubog ang mga plano naming kasama ang aking asawa. Naibahagi namin sa isa’t-isa ang mga saloobin at pangarap bilang magulang sa mga anak.
Sobrang mahirap man ang buhay subalit pilit na kinakaya. Pinagpala kaming mag-asawa na magkaroon ng walong supling sa kalahatan, itaguyod namin sila na walang pag-aalinlangan, sinuportahan, pinaaral, tinuruan na mananampalataya at kikilalanin ang Diyos sa kanilang buhay, magkaroon ng respeto sa kapwa at sarili, at isa-isip at isa-puso ang kahalagahan ng mga tinuturo naming magandang asal sa kanila.
Mahirap nga ang buhay sa simula, subalit pinupunan naming mag-asawa sa lahat ng paraan ang mga pangangailangan ng aming mga anak. Nakikita ng aming mga anak ang hirap sa pagtatrabaho at pagsasaka sa bukid kaya natuto din sila na pahalagahan ang pinansyal na aspeto, pagtitipid at paggasta. Naiiba ang aking mga anak dahil hindi po sila pihikan sa pagkain, minsan nga naaawa ako sa mga anak kasi nagiging kuntento lang sila sa baon na maibigay sa kanila. Tanging isang pirasong tuyo o isda na inihaw ang pinapatong sa kanin na binalot sa dahon ng saging ang baon ng bawat isa para sa tanghalian. Ang natitirang pera ay hinahati ng tig-pipiso sa kanila para mapunan naman ang kanilang gustong bilhin sa canteen ng paaralan.
Pag may mga suliranin sa paaralan man o bahay lagi po akong nakaagapay kasama ng aking asawa na alamin sa mga anak ang mga bumabagabag na problema para punan, bigyan ng solusyon at pinagtibay pa lalo ang kapanatagan ng loob. Napasali ako sa iba’t-ibang volunteer works sa pamayanan, sa kabutihang palad pinilit ako ng nakararami na mamuno bilang opisyal sa mga organisasyong sinalihan. Napakalaking kontribusyon nito sa pagpapaigting sa kaalaman at kasanayan na makibahagi sa aking mga kasapi ang importansya at adhikain na tinutukoy ng samahan.
Taong 2009, ang DSWD ay nagkaroon ng survey sa posibleng makapasok na sambahayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Isa ang aming sambahayan na napiling maging benepisyaryo nito. Dahilan dito nabawasan ang kahirapang pinansyal, nabibili na namin ang mga pangangailangan, natututo sa maraming mga kaalaman na tinuturo ng Municipal Link at Resource Person kada Family Development Session. Sa pamamagitan ng FDS, naisusulong ang kalusugan ng nanay at anak, mula pagbubuntis hanggang sa manganak, nabibigyan ng cash grants ang mga anak na nag-aaral, at isa na kami sa mga umani ng kahalagahan ng programa.
Sa katunayan, isa sa napili ang aking pangalawang anak na maging iskolar ng Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Sa ngayon, ang aking panganay na anak ay nakapagtapos lamang ng high school at pinili na tulungan kami sa pagsasaka habang ang pangalawa ay isa na po siyang Registered Social Worker at piniling magtrabaho sa ibang bansa para tustusan ang pangangailangan ng iba pang mga nakababatang kapatid. Ang pangatlong anak na babae ay newly graduate sa kolehiyo sa kursong Information Technology habang ang pang-apat nasa 1st year college. Ang panglima ay nasa Grade 12, sumusunod na naman ang Grade 9 at ang panghuli ay Grade 5.
Sa katunayan, napili din ako na maging Parent Leader sa aming sitio kung saan dito nahubog lalo ang aking kaalaman at pamahalaan ang lumalaking responsibilidad sa pamilya at komunidad. Malaki po ang pasasalamat ko sa programa dahil naitawid nito ang aking pamilya sa kahirapan. Naitaas nito ang kakayahan ng aking mga anak na husayan pa na mag-aral ng mabuti para ma-iaangat nito ang level ng aming kaalaman na mapagtagumpayan ang hamon sa pang-araw-araw na realidad ng buhay. Sa ngayon nasa Level 3 na rin ang antas ng aming pamumuhay.
Para sa akin, ang programa ay puhunan para sa kinabukasan ng mga anak at pamilya para makamit ang minimithing pangarap lalo na ang makaahon sa kahirapan. Ang tulong mula sa gobyerno ay hindi dapat sinusugal o winawaldas sa mga walang kwentang bagay dapat gamitin sa angkup na pangangailangan, kung may sobra man dapat iniipon o iniimpok para sa kinabukasan ng mga anak, kagaya ng alkansyang aking tinatabi. Piso-piso man ang inihulog pero tuloy-tuloy ito hanggang hindi mo lang namamalayan napupuno na pala ito.
Kada bukas ko ng aming alkansya siguradong may inilaan ito na mas importanteng pagagamitan lalo na sa pagtatapos ng aking mga anak sa kolehiyo. Sana naman ang aking kwento ay makapagbigay ng konteng inspirasyon sa bawat mambabasa. (Ipinasa ng Bingawan Team, Iloilo – IGPOO)