Ani ng tagumpay
NEW WASHINGTON, Aklan – Para sa mga magsasaka, sa kabukiran maaani ang tamis ng kanilang tagumpay. Isa ang pamilyang Isubol na makapagpatunay ng pahayag na ito lalo na ang maybahay na si Merlyn Nobleza, 56 at nakatira sa Barangay Mataphao sa bayan na ito. Ina ng apat na magkakapatid at kabiyak ng isang masipag na asawa. Sa estado ng kanilang buhay, ang pagtatanim ang siyang pinag-uukulan ng atensyon nilang mag-anak.
Ngunit hindi sapat ang kita sa kabukiran kaya ang kaniyang asawa ay nakikipagsapalaran sa Manila sa kanaisang makatulong sa pamilya habang si Merlyn naman ay naiwan dito at pumasok sa mundo ng agrikultura, kung saan siya ay nagtatrabaho sa sakahan tuwing panahon ng anihan. Ilang beses silang nagpalipat-lipat ng tirahan dahil sa kakulangang pinansyal. Dagdag pa dito, ay nawalan ng trabaho ang kaniyang kabiyak dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19.
Dahil sa pandemiya, maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho at pag-asa sa buhay at ang pamilya ni Merlyn sa kasamaang palad ay naranasan ang higupit ng pandemiya sa bansa. Ilan lamang ito sa mga pagsubok na kanilang pinagdaanan bago tuluyang maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Gaano man kahirap ang buhay ay nagkaroon pa din ng pag-asa ang pamilya dahil sa naging pagbabagong dala ng 4Ps sa kanila.
Naitaguyod nil ang kaniyang pamilya at ang kaniyang mga anak ay nakapagpatuloy sa kanilang pag-aaral. Ayon din sa ginang ay kaniyang palaging inuuna ang pangangailangan sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Naging malaking suporta sa mga anak ang pagiging benepisyaryo lalo na sa pag-aaral ng mga anak sa high school habang ang kinikita naman ng kaniyang mister ay ang ipinanggagastos para sa mga anak nilang nasa kolehiyo. Dahil sa pagpupursigi at pagtitiyaga ng mag-asawang maiahon ang kanilang pamilya sa mapaglarong pagsubok, sa awa ng Diyos ay nakapagtapos, at nakapagtrabaho din kaagad ang kaniyang panganay na anak na si Lowelyn na isa ng guro ngayon. Ang pangalawang anak na si Lester ay nakapagtapos din at isa ng ganap na sundalo. Sa ngayon, ang dalawang anak nila na nagtatrabaho na ang siyang sumusuporta sa pag-aaral ng kanilang bunsong mga kapatid na nasa kolehiyo at high school.
Hindi maitatangging ang programa ang isa sa naging sangkap ng malaking pagbabago sa pinansyal na estado sa buhay ng pamilya. Ang 4Ps ay ang siyang sumuporta at nagbigay ng kanilang pangangailangan lalo na sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Dahil sa programa, ang ginang ay naging isang aktibong miyembro sa pagtuturo at pagsasanay sa livelihood projects lalo na sa urban farming na kung saan siya ay natutong mag backyard gardening na siyang nakatulong sa kanilang pamumuhay.
Sa kabila ng malubak na daan ng buhay ay ang hangad na pagbabago na hindi kailanman mabubuwag ng anumang haraping pagsubok. Bilang benepisyaryo ng 4Ps, ang payo ni Merlyn sa mga tulad niyang may pinagdadaanang pagsubok at nagnanais na makamtan ang pagbabago ay diskarte sa buhay ang kailangan. Sipag, tiyaga, at higit sa lahat manalig sa Diyos at laging gawin ang tama.
Para sa mag-asawang Isubol, ang tagumpay nila ay ang pag-aani ng kanilang pinaghirapan sa pamamagitan ng pagtatapos ng pag-aaral ng kanilang mga anak kasama na rin ang kasalukuyang pag-aaral ng iba pa nilang mga anak. (Ipinasa ng New Washington MOO, Aklan POO) (Na-edit ni: Sherylyn Mae A. Bonotano, BA Journalism, WVSU)