Agos na mga pangarap
BATAN, Aklan – Sa bayan na ito nagsimula ang kwento at pangarap ng magandang buhay ni Liezel Oquendo Amador. Kahit naging mahirap ang kaniyang buhay, hindi ito naging hadlang upang siya ay makapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Office Administration (BSOA) sa loob ng dalawang taon. Bilang panganay na anak sa tatlong magkakapatid, naging inspirasyon niya ang pagsusumikap ng kaniyang karpinterong ama at may-bahay na ina.
Pero ang 20-anyos na si Liezel ay maagang namulat sa reyalidad ng pagiging isang asawa at ilaw ng tahanan. Nasa yugto pa lamang sila ng buhay kung saan ang mga taong kasing edad nila ay nagsisikap sa kanikanilang hanapbuhay habang siya at ang kanyang 21-anyos na kabiyak ay nag-isang dibdib. Tumira muna sila sa bahay ng kanyang biyenan. Ang kanilang pagmamahalan ay nagbunga ng supling at dahil dito ay nagsumikap ang kaniyang asawa upang may maipakain sa kanila. Minsan ay nagtatrabaho bilang delivery helper ng hopia, mangingisda, at namamasada ng traysikel. Bukod dito, sinasamahan din ng kaniyang asawa ang kaniyang ama kung may mga trabahong kumakatok sa kanilang pinto.
Ngunit, sa kasamaang palad ay nagkaroon ng dagok sa kanilang buhay. Nabalitaan ni Liezel na mayroong tumor sa ulo ang kanyang ama na siyang bumawi sa kanyang buhay. Sa kabila ng masakit na pangyayari ay nabiyayaan naman sila nang nakapasok ang kaniyang biyenan sa 4Ps taong 2011 kung saan ang kanilang panganay na anak ay isa sa mga minomonitor ng programa. Subalit dahil sa patuloy na paghirap ng buhay, lalo na at wala silang sariling bahay, ang kaniyang panganay ay tumutulong muna sa lola nito habang sila naman ng kaniyang asawa ay patuloy na nagkakayod para sa kinabukasan ng kanilang mga anak at buong pamilya.
Naging malaking tulong sa kanilang pamilya nang mailipat sa kanila ang 4Ps grantee ng kaniyang biyenan. Ngunit hindi ito permanente, kung ano kabilis ang biyaya ay ganoon din ito kabilis mawala. Inaamin ni Leizel na minsan ay nasali sila sa “non-poor”, gayunapaman wala silang grants na natatanggap. Halos isang taon silang naghirap hanggang sa sila ay natulungan ng kasapi ng DSWD na maibalik ang kanilang pangalan sa listahan ng benepisaryo ng 4Ps, na nagsilbing regalo ng pasko sa kanila noong Disyembre 2023.
Sa kasalukuyan ay nakabalik ang kanilang pamilya sa programa at ang tanging hangad lang ni Leizel ay mag tuloy-tuloy na ito. Ipinangako niya na sila ay magsusumikap na maibigay ang pang araw-araw na pangangailangan at magandang kinabukasan para sa kanilang dalawang mga anak. Maliban dito, malaki rin ang pasasalamat ni Leizel at ng kaniyang pamilya sa programang 4Ps lalo na sa Family Development Session (FDS) kada buwan dahil marami siyang nakukuha na aral na maaari nilang gamitin at maibahagi sa kaniyang pamilya at komunidad. Isa rin ang communal garden o backyard gardening sa naging rason ng kaniyang taos pusong pasasalamat sa gobyerno dahil nakatulong ito sa kanila lalo na sa panahong mahal ang mga bilihin. Ano man ang tagumpay na kanilang natatamasa ngayon ay siyang kanilang tatanawin na utang na loob sa 4Ps.
Tulad ni Leizel, hindi hadlang ang anumang pasakit ng buhay sa pangarap at hangad niya sa kaniyang pamilya. Ito ang isa sa mga testimoniya na tunay na ginagampanan ng DSWD ang kanilang tungkulin na bigyan ng pag-asa ang bawat pamilyang Pilipino. Sa kabila ng dagok ng buhay, may mga taong handang magbigay ng tulong at maglahad ng kanilang palad sa mga nangangailangan. Tunay na bawat buhay ay mahalaga sa DSWD. (Ipinisa ng Batan MOO, Aklan POO. Edited by: Kirstie Ann Jo Esquivel, BA-Journalism WVSU)