Tatlong magkakapatid pinili ang manilbihan sa DSWD-6
pagkatapos ng mahabang taong naging benepisyaryo ng 4Ps
Kharil Ann B. Capileno
DSWD SWA
CUARTERO, Capiz – Ako ay ikaanim na anak sa walo kaming magkakapatid. Nasaksihan ko kung gaano kahirap ang buhay dahil sa walang permanenteng trabaho ang aming magulang. Ang aming ama ay isang blacksmith o taga gawa ng bolo bilang source of income para sa aming pang araw-araw na pangangailangan, lalo na sa aming pag-aaral. Ang aming ina naman ay nasa bahay lamang, nag aasikaso sa aming walong magkakapatid at minsan ay tumutulong din sa paggawa ng bolo.
Mahirap pagkasyahin ang kinikita ng aming magulang sa walo kaming magkakapatid. Hinihintay pa naming na may mabuo at maibentang bolo ang aming ama upang magkaroon kami ng pambili. Madalas tuwing oras na ng tagsaing ay yun pa lamang ang pagbili ng bigas. Nag-aaral kami ng walang baong pera. Pinagkakasya ang isa noodles para lang may pang ulam, nilalagyan lang ng maraming sabaw para lahat makakain para hindi gutumin sa pagpasok sa paaralan. May mga oras na kapag umuulan sa gabi ay ginigising kami ng aming mga magulang para makapaglipat ng mapagtulugan dahil sa tumutulo ang aming bubong na butas.
Kahit mahirap ay pursigido kaming walo na makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng mahirap na buhay. Ang aming pinakamatanda at ikatatlong kapatid ay pina-aral ng aming tiyahin sa Mindanao mula Highschool hanggang nakapagtapos ng pag-aaral. Samantalang ang pangalawa ay isang Person with Disability (PWD). Ang ikaapat naman ay nag -aaral ng kolehiyo habang nagtatrabaho. At ang ikalima, ikaanim, ikatatlo ang at bunso ay nag -aaral pa lamang ng elemantarya.
Taong 2009 ay naging isa kaming benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang dalawa kung kapatid ang minomonitor ng programa. Malaking tulong para sa aming pamilya lalo na sa financial na bayarin sa paaralan. May mga oras na may bayarin ang aming kapatid na nag-aaral sa kolehiyo ang grants na natanggap ng aming magulang na para dapat sa dalawa naming mag-kapatid na minomonitor ay binabayad muna sa kanyang tuition sa kolehiyo. Nakapagtapos ng pag-aaral bilang guro ang nakakatandang kapatid namin sa Mindanao at nagturo sa isang pribadong paaralan. Samantala ang ikaapat ay patuloy na nag-aaral sa kolehiyo sa tulong ng aming isa pan tiyahin. Kahit na pinapa-aral sila ng aming tiyahin ay may katumbas yan ng pagserbisyo kapalit ng pinapa-aral sa kanila.
Taong 2012 ay nakapagtapos ako ng high school. Hindi muna ako nagpatuloy nag pag-aaral sa kolehiyo dahil sa hindi kaya ng aming magulang ang mapag-aral kami sa kolehiyo lalo na minsan ay bumibigay din sila ng allowance ng kapatid ko na nag-aaral sa kolehiyo dahil me mga oras na hindi kasya ang binibigay ng aming tiyahin sa kanya.Nagtrabaho ako bilang isang kasambahay taong 2012-2013 bilang tagalaba at tagalinis ng bahay sa halagang Php3,000 pesos na sahod sa isang buwan pero pagkatapos ng anim na buwan umalis ako dahil merong inalok sa akin na trabaho bilang taga hatid sundo ng estudyante sa paaralan at medyo malapit siya sa amin. Naisip ko na magtrabaho muna kahit kaunti lang ang sweldo ko ay malaking tulong na para sa pamilya ko.
Pagkatapos ng isang taong pahinga, gusto ko nang makapag-aral ng kolehiyo uli. Pinalad ako na pina-aral sa kolehiyo ng aking amo. Malaking pasasalamat ko at unti-unti kong natutupad ang aking pangarap. At ang aking ina ang pumalit sa akin bilang kasambahay. Taong 2014 ay nakapagtapos na ng kolehiyo ang ika-apat kong kapatid bilang isang guro (cum Laude) na pina-aral ng isa naming tiyahin. Pagkatapos niyang nag graduate ay nag-apply siya ng trabaho sa DSWD Regional Office at swerte siyang natanggap at naging regular sa ahensya. Ilang buwan ang nakalipas simula ng nakapagtrabaho sa DSWD ang aking kapatid ay boluntaryong nag-waived si Nanay sa programa.
Sunod-sunod na rin kaming nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong guro. Taong 2017 ay nakapagtapos na din ako sa kolehiyo at sinundan pa ito ng aking ikapitong kapatid. Sa walo kaming magkakapatid ay apat na kaming Registered Teachers. Tatlo sa apat kaming registered teachers ay nag tatrabaho na sa ngayon sa DSWD-6 kasama ako dito bilang 4Ps Social Welfare Assistant (SWA) assigned sa Cuartero, Capiz. Ang isa ko pang kapatid ay SWA rin sa EB Magalona, Negros Occidental habang ay isa ay regular position bilang PDO II sa RRCY New Lucena, Iloilo.
Taong 2020 sa edad kung 25 ay nag asawa ako ng isang Police Officer at sa ngayon ay meron kaming isang anak na dalawang taong pa lamang. Pangarap para sa sarili at sa pamilya ko ang makapagtapos ng pag-aaral dahil alam kung maraming oportunidad na trabaho kung makapagtapos na ako ng pag-aaral. Gusto kung maiahon sa hirap ang aking pamilya lalo na sa pamilyang binubuo ko ngayon dahil ayokong maranasan ng magiging anak ko kung anu mang naranasan kung hirap hanggang sa nakapagtapos ako ng pag-aaral.
May mga oras na nawalan na ako ng pag-asa na hindi makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay. Nawalan ako ng pag-asa. Gusto at gusto kung mag-aral at makapagtapos pero kulang na kulang kami sa pinansyal na aspeto. Sa tulong ng Panginoon ay merong taong may taos pusong tumulong sa akin dahil nakita niya kung ano ako ka desididong makapag-aral. Kahit mahirap ang maging working student pero kinaya ko ang lahat.Hindi pumasok sa isip ko ang sumuko para sa pangarap na gusto kung marating, ang minimithi para sa sa sarili at sa pamilya.
Malaki ang naitulong ng programa sa akin kahit hindi ako ang minomonitor sa aming household. Una sa pinansyal na gastusin sa paaralan noong ako ay highschool pa lamang dahil sa grants na natanggap ng aking magulang may mga oras na may bayarin sa paaralan ay iyon ang binabayad. Ikalawa, kahit paano ay meron kaming pambili ng bigas tuwing may grants. Ikatatlo ay nakadagdag sa hanapbuhay ng aming magulang sa pagbili ng mateyales sa paggawa ng bolo.
Higit sa lahat, naging lisensyadong guro man ako pero mas pinili kung magtrabaho sa DSWD lalo na sa 4Ps para magserbisyo ng buong puso sa kapwa kung mahirap, at mabalikan ang gobyerno sa tulong naibinigay niya sa aming sambahayan. (Ipininasa ng Cuartero MOO, Capiz POO)