4Ps beneficiary noon, 4Ps staff na ngayon
Testimonya ni Joedie J. Hontilano
DSWD staff
Former 4Ps beneficiary
NEW WASHINGTON, Aklan – Taong 2011 nang ang aming sambahayan ay maswerteng mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa panahong iyon, ang aking ama ay isang delivery helper sa maliit na tindahan ng mga softdrinks at beer samantalang ang aking ina naman ay isang maybahay at nag-aasikaso sa aming magkakapatid. Maliit lamang po ang kinikita ng aming ama at hindi po ito sapat sa aming pang-araw-araw na pangangailangan lalo na at sabay-sabay po kaming magkakapatid na nag-aaral noon. Nagtitinda rin kami ng yelo gamit ang lumang refrigerator na bigay ng aming kamag-anak bilang pandagdag kita sana ng aming pamilya ngunit napupunta lamang ang kita nito sa bayarin namin sa kuryente. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga magulang kaya nahihirapan sila na makahanap ng permanente at magandang trabaho.
Ako po si Joedie J. Hontilano, panganay sa limang magkakapatid. Ako po ay nag-aaral noon bilang 2nd year college sa ASU-New Washington nang napabilang ang aming sambahayan sa 4Ps.
Laking pasasalamat namin sa programa dahil malaki ang naitutulong ng cash grants sa mga gastusin namin sa paaaral. Buti na lang hindi masyadong pabigat ako sa aking mga magulang dahil mapalad ako na nakapasa sa scholarship examination ng aming munisipyo at naging “Municipal Scholar”. Ang iba kong mga kapatid lalo na ang sumunod na pangalawa ay nasa 4th Year High School noon, ang pangatlo ay nasa Grade VI; at nasa Grade III at Kinder naman ang pang-apat at panglima. Tandang-tanda ko pa noon kung gaano nahihirapan ang aking mga magulang sa pagbibigay ng aming pangunahing mga pangangailangan at pag-aaral lalo na sa akin na nasa kolehiyo. Kinakailangang mangutang ng aking ina para lamang makaabot sa deadline ng mga bayarin sa paaralan. Ume-extra rin sya kung minsan bilang isang labandera para makatulong sa pang-araw araw na gastusin. Kung minsan, sumasama kami sa kanya ng pangatlo kung kapatid para may pandagdag sa aming baon sa eskwela. May mga pagkakataon din minsan na nangangalakal kaming magkakapatid, nagtu-tutor, at nagbubunot ng mga damo sa kapitbahay para may maipambayad sa iba pang bayarin sa paaralan. Dahil nga po sa scholarship, kahit papano ay nabawasan ang gastusin ng aking mga magulang sa aking pag-aaral.
Lubos ang aming pasasalamat nang mapabilang kami sa 4Ps. Unti-unting nagbago ang aming buhay dahil nagkaroon ng katuwang ang aming pamilya sa pagpapaaral at mapanatiling malusog ang pangangatawan ng aming buong pamilya. Bagamat, nahihirapan pa rin dahil lima kaming sabay-sabay na nag-aaral, malaking tulong ang natatanggap naming tulong-pinansiyal sa programa. Ang mga grants na nakukuha ng aking ina ay ibinibili niya ng bigas, gamit sa eskwela ng aking mga kapatid, mga vitamins, mga pagkaing pambaon nila sa araw-araw at iba pang mga kinakailangan sa kanilang pag-aaral. Kaya bilang pasasalamat, ay pinag-iigihan ng aking mga kapatid ang kanilang pag-aaral upang sa gayon ay hindi masayang ang tulong na ibinibigay sa kanila ng programa. Lahat po sila ay mga Honor Students noong elementarya at nagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral. Mas lalo ring nagsumikap ang aming mga magulang sa paghahanap-buhay para maibigay ang aming ibang pangangailangan. Pinatunayan namin na hindi lahat ng benepisyaryo ng 4Ps ay tamad at umaasa lamang sa programa.
Noong 2013, ako’y nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo ngunit hindi agad nakahanap ng trabaho. Hindi rin nakakuha ng board exam para maging isang lisensyadong guro dahil nagkaroon ng problema sa aking mga dokumento. Dahil dito, naging mababa ang tingin ko sa aking sarili dahil ang sana’y magiging katuwang ng aming mga magulang para sa pagpapaaral ng aking mga kapatid ay walang trabaho. Ang aking pangalawang kapatid naman ay hindi na nakapag-aral sa kolehiyo dahil hindi na kaya ng aking mga magulang na tustusan ang pag-aaral. Dumating ang bagyong Yolanda, at sa kasamaang palad, nasira ang aming bahay. Halos isang taon kaming nakitira sa bahay ng aming kamag-anak dahil walang perang pampaayos ng aming nasirang tahanan. Lumuwas ako ng Maynila para sana makatulong sa aking mga magulang subalit umuwi rin pagkatapos ng dalawang buwan dahil hindi ko nakayanan ang pamumuhay doon.
Taong 2014 nang ako’y pinalad na makapasok sa DSWD bilang Community Empowerment Facilitator (CEF) sa programa ng KALAHI-CIDSS. Dahil dito, unti-unti kung natutulungan ang aking mga magulang, na noo’y walang permanenteng trabaho at mga kapatid na nag-aaral. Ngunit hindi rin ito nagtagal dahil natapos rin ang aking kontrata. Mahigit dalawang taon din akong hindi nakapagtrabaho at paextra-extra lamang bilang validator at notifier ng Listahanan.
Ang panahon ng COVID-19 ang masasabi kung pinakamahirap na taon para sa amin. Nawalan ng trabaho ang aking ama na noo’y isang tricycle driver dahil sa pinatutupad na Enhanced Community Quarantine. Kasalukuyan ding akong walang trabaho noon at nag-aapply pa lamang. Malaking tulong ang grants na natatanggap namin noon sa 4Ps para sa aming pangangailangan. Noong, June 2020, ako’y makabalik sa KALAHI-CIDSS bilang CEF. Sa buwan ding iyon na-aksidente sa motorsiklo ang aking pangalawang kapatid. Ilang araw din siyang nanatili sa Intensive Care Unit (ICU). Dahil kapos sa pinansyal at kapapasok ko palang sa trabaho, humingi ng tulong ang aming pamilya sa aming mga kamag-anak at kakilala para sa kanyang gastusin. Marami ang tumulong na lubos naming pinasasalamatan. Nakalabas siya ng ospital ngunit hindi na bumalik sa dati ang kanyang pangangatawan kahit ilang beses na namin siyang pinathe-therapy. Isa na siya ngayong Person with Disabilities (Orthopedic).
Noong May 2023, ako ay natanggap sa programa ng 4Ps bilang Municipal Link at na-assign sa Batan, Aklan. Nito ding May 2024, ako ay masuwerteng mapabilang sa mga nakapasa sa Civil Service Examination. Kung dati kami ay tinutulungan ng programa, ngayon ay ibabalik ko ang tulong na natanggap at buong puso kong pagsisilbihan ang aking mga kababayan at kapwa benepisyaryo upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Sa kasalukuyan, ang aming pamilya ay nagtapos na bilang benepisyaryo ng 4Ps. Ang una sa tatlong monitored children ay nakapagtapos na sa kursong Bachelor of Science in Fisheries at kasakuluyang nagtatrabaho bilang Sales Assistant sa isang establishment sa Kalibo, Aklan. Siya ay naging benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) noong 2018-2019. Ang isa naman ag grumadweyt ng “With High Honors” noong Senior High School at kasalukuyang graduating student sa kursong Bachelor of Science in Customs Administration. Naging benepisyaryo siya ng Project Aral noong 2020-2021; Provincial Government College Scholarship Program noong 2022-2023; at Tertiary Education Subsidy (TES) ngayong 2024. Siya rin ay nakapasa sa Civil Service Examination – Professional Level noong August 2023. Ang pangatlong monitored child naman ay nagtapos ng “With Honors” sa Senior High School noong 2023 at kasalukuyang 1st year student sa kursong Bachelor of Culture and Arts Education (BCAED) sa Aklan State University – New Washington Campus.
Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa 4Ps. Kung wala ang tulong ng programa ay hindi makakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga kapatid at hindi namin makakamit ang aming mga pangarap. Bukod sa tulong pinansyal ay nagbigay din ng dagdag kaalaman sa aking mga magulang ang programa tuwing Family Development Sessions; tulong-pangkalusugan (PhilHealth, Libreng Check-up at gamot); tulong para sa pag-aaral (Scholarships); at marami pang iba. Habang buhay po naming pinasalamatan ang programa at nawa’y magseselbing inspirasyon ang buhay namin sa iba pang benepisyaryo ng 4Ps. (Ipinasa ng New Washington MOO, Aklan POO)