School boy nagtapos bilang Cum Laude
Testimonya ni Marvin Boy F. Viray
Benepisyaryo ng 4Ps
LIBACAO, Aklan – Sa mura kong edad napagtanto ko na ang buhay namin sa bukid ay parang paikot-ikot lamang. Bakit kaya? Ano kaya ang hadlang kung bakit marami sa katulad kong bata ay hindi makapagtapos sa pag-aaral? Napansin ko na marami ang nag-aasawa ng maaga o kaya’y nagtatrabaho sa musmos na edad para lang makatulong sa pamilya.
Ako si Marvin Boy F. Viray, 23 taong gulang at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Alfonso XII, Libacao, Aklan. Panganay ako sa walong anak nina Boyet at Maricel Francisco Viray. Isa kami sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at kami ay nabibilang sa tribu ng Akeanon Bukidnon. Nagpapasalamat ako sa gobyerno dahil inilunsad nila ang ganitong program para matulungan ang mga pamilyang katulad namin na nangangailangan ng maagap na tulong.
Naranasan ko noong elementarya pa lamang ako na hindi man lang kami nakabili ng bagong bag, damit o kaya’y bagong sapatos. Dahil mas kailangan namin ang pagkain, bigas at pangangailangan sa loob ng bahay. Kung minsan napapatingin na lang ako sa mga batang may bagong gamit sa paaralan. Minsan lang nga kami mabibigyan ng baong pera kung may extra na pera lang si Tatay.
Naalala ko rin na lagi naming kinakain ay ugat pananim o prutas.
Subalit hindi hadlang sa amin ang ganitong kalagayan sa buhay, kundi ito pa ang nagbigay motibasyon sa amin na mag-aral ng mabuti. Hindi kami pinabayaan ng aking mga magulang at laging nandiyan ang kanilang suporta kahit nahihirapan silang maghanap-buhay sa bukid araw-araw. Nabubuhay kami sa pag a-abaca at pagkakaingin sa kabundukan.
Noong dumating ang tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng 4Ps , ay laking tuwa namin dahil lumuwag-luwag ang hirap sa pagbili ng aming pangunahing mga pangangailangan. Laking tulong ito sa amin dahil nakapagbili na kami ng bagong gamit at may pambayad sa mga bayarin sa eskwelahan.
Noong unang taon ko sa high school, kinuha ako ng aking guro upang pag-aralin o bilang isang “school boy” para mabawasan ang mga gastusin namin sa bahay at para ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Ako po ay tumutulong sa mga gawaing bahay tuwing araw ng pasukan. Tuwing Sabado at Linggo naman, umuuwi ako sa aming bahay para makatulong sa aking mga magulang. Dahil ako ang panganay, ako ang may mas malaking responsibilidad para tumulong sa kanila. Hindi ko naman napapabayaan ang aking pag-aaral dahil sa kabila nito ako ay nangunguna sa aming klase. Masasabi kong achiever at leader ako ng aming paaralan dahil lagi akong sumasali sa mga school activities at laging nanalo. Masaya ako dahil nagbibigay karangalan ako sa aking paaralan.
Minsan, hindi ako sumasama dahil wala kaming pera panggastos, pero nag-ambag ang aking mga guro para ako’y makasama at makadalo sa mga patimpalak at paligsahan. Gaano man kami ka salat sa pera, nakapagtapos ako ng high school at ako pa rin ang nangunguna na nakatanggap ng iba’t ibang mga parangal.
Noong mag kolehiyo na ako, akala ko ay hindi na ako kayang pag-aralin ng aking mga magulang pero hindi dito nagtatapos ang pagiging determinado kong mag-aral. Nagtrabaho ako bilang waiter sa isang resto bar sa bayan ng Kalibo para makaipon ng pera at makapag-enrol. Nagpasa ako ng aking aplikasyon sa iba’t ibang scholarship at ako ay natanggap bilang isang Provincial Scholar ng Aklan at natanggap din akong bilang iskolar ng Department of Science of Technology (DoST). Ngunit, nagkaroon ng pandemic dulot ng COVID-19 at natigil ang natatanggap kong allowance galing sa scholarship. Ako ay lubos na nahihirapan dahil mayroon akong mga bayarin at online classes. Isa pang suliranin ko noon ay wala akong ginagamit na laptop na mas mainam gamitin kumpara sa cellphone. Pero hindi ako pinabayaan ng Panginoon dahil may mga ginamit siyang tao upang maging instrumento ng pagpapala.
Dahil sa pandemya, hindi kami makalabas kaya natuto akong magbenta online. Kahit ang bagoong na nasa garapon ay itinitinda ko para magkapera lang. Kinalaunan ay kumuha ako ng motor upang magamit ko sa paghatid ng mga paninda sa aking mga kustomer. Pero sadyang, sinusubok ako ng tadhana dahil kinaumagahan ay mayroong nagnakaw ng aking motor. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin dahil nawala ang bagay na tumutulong sa aking kabuhayan kung saan ako kumukuha ng aking pangangailangan araw-araw. Laking tulong ng social media, ako ay nagmamakaawa na ibalik ang aking motor at sa awa ng Diyos ay naibalik rin ito.
Kahit ano man ang mga pagsubok na dumating sa aking buhay, ay hindi ako sumuko. Ito ay naging silbing aral ko para lalo kong pagbutihin ang aking pag-aaral. Sa wakas, dumating na ang pinakahihintay ko, ang araw ng aking pagtatapos. Higit pa sa aking inaasam ang binigay, ako ay hinirang bilang isa Cum Laude sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Science and Biology sa Aklan State University, Banga Aklan.
Malaking pasasalamat ko sa 4Ps dahil naitawid ko ang aking pangarap sa buhay na makapagtapos ng pag-aaral. Laking tulong din ito sa aming pamilya para makatawid kami sa kahirapan. Sa ngayon, ang isa ko pang kapatid ay nasa kolehiyo na rin at kumukuha ng kursong Criminology sa Aklan State University, New Washington. Nawa’y marami pa ang matulungan ng programa, upang makaahon sa kahirapan at ipagpatuloy ang pangarap./ndfb/lrbc/Ipinasa ng Libacao MOO, Aklan POO)