Pagiging 4Ps lider naging tulay at daan
ng mga proyekto sa komunidad ng IPs
Testimonya ni Jeprey Z. Romano
4Ps Parent Leader, IPs Chieftain
HIMAMAYLAN, Negros Occidental – “Ang pagtulong sa kapwa ng kusang loob ay hindi listahan ng “Utang na Loob,” ito ang palaging binibigyang pansin ni Jeprey Romano, isang Vice Chieftain ng Indigenous Peoples (IPs) at 4Ps Parent Leader na naninirahan sa Brgy. Mahalang, sa syudad na ito. May asawa at pitong anak.
Taong 2009 ng makapasok ang kanilang pamilya bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ayon sa kanya ay matatawag niya na “hulog ng langit” ang DSWD. Napakalaking bagay din ang ang maging PL kung saan pinagkakatiwalaan siya ng kanyang kapwa miyembro at ng kanyang City Link sa pagbibigay alam sa kanyang kapwa kung ano ang mga aktibidad at katuwang sa pag-organisa ng programa na makakatulong sa kanyang kapwa at mag-aasikaso ng mga kailangan dokumento para sa DSWD.
“Sa pagiging lider, minsan hindi maiiwasan na may naririnig akong hindi magandang salita kaya pinagsabihan ako ng aking mga anak na tumigil na lang. Ipaliwanag ko naman sa kanila na kahit anong gawin mo, mabuti man o masama, may masasabi talaga ang mga tao pero ang importante ay ginawa natin ang tama at malinis ang ating konsyenya. May mga pagkakataon na ang pera ko ay pambili na lamang ng pangangailang para sa ng loob ng bahay pero pinamasahe ko pa sa motor (habal-habal) dahil ipinatawag ako para sa proyektong kailangan ng aming komunidad.
May kahirapan sa pagiging lider dahil hindi mo naman makuha ang loob ng lahat ng iyong nasasakupan. Ang importante para sa akin ay kung paano makakatulong sa aking kapwa. Bilang lider, para sa akin siya ‘yong tulay at daan para maabot at maisakatuparan ang mga proyekto ng gobyerno para sa mga mahihirap na mga komunidad.
Ang 4Ps ay napakalaking tulong para sa amin dahil naibsan ang bigat ng aming pangangailan sa pang-araw-araw na buhay dahil sa cash grant na aming natatanggap. Nabago ang aking pananaw dahil sa Family Development Session (FDS) na ginaganap kada buwan at sa mga trainings na aking dinaluhan. Kaya malaking pasasalamat ko sa aming City Link sa oportunidad na binigay sa akin. Isa ito sa naging dahilan kung bakit naging malawak ang aking pananaw bilang lider at bilang isang padre de pamilya.
Dasal ko na sana maabot ng aking mga anak ang kanilang pangarap sa tamang panahon. Kaya lagi ko silang hinihikayat na huwag muna mag-asawa at kailangang makatapos sila ng pag-aaral para hindi masayang ang tulong ng gobyerno at ang oportunidad na binigay sa amin. (Ipinasa ng Himamaylan MOO Team, Negros Occidental POO2)