Benepisyaryo noon, 4Ps Focal na ngayon
ROXAS City, Capiz – “I can do everything through Him who gives me strength” (Deuteronomy 8:18). Ang kasabihang ito ay inspirasyon ko sa buhay at pinahuhugotan ng lakas.
Ako po si Ms. Malo B. Reci, 26 ng syudad ng Roxas. Pang -apat sa pitong magkakapatid. Ang aking mga magulang ay sina Alona at Mario B. Reci. Ang aking ina ay isang kasapi ng 4Ps sa Brgy. Dinginan, Roxas City, sa loob ng 10 taon at ang aking ama naman ay isang masipag na drayber. Sa hirap ng buhay ay halos hindi ko maipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo, hanggang sa umabot ang oportunidad na napabilang ang aming sambahayan sa 4Ps.
Malaki ang naging ambag nito sa buhay namin. Para makatulong sa pamilya, pumasok ako bilang isang working student sa paaralang Filamer Christian University at hindi naging madali ang ipagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang working student. Ngunit ito’y hindi naging hadlang sa pag-abot ng aking pangarap. Lahat ng pagtitiis ay hinarap ko kahit puyat at pagod ay iniinda para sa pangarap.
Sa gitna ng patuloy na laban sa kahirapan, isang mahalagang sandata ang programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa pamamagitan ng tulong pinansiyal na ibinibigay nito, maraming pamilyang Pilipino ang nabigyan ng pag-asa at pagkakataon na makabangon sa kahirapan at isa na rito ang aming pamilya. Dahil sa sipag, determinasyon, at pagtitiyaga sa pag-aaral ay natapos ko ang aking kurso na Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Filamer Christian University taong 2018.
Sa kabutihang palad, ako ay nakapasa ng Licensure Examination for Teachers noong Setyembre 2018. At sumubok na mag-apply sa DepEd at ngayon ay nagtuturo na sa Pampublikong Paaralan taong 2019. Hindi natatapos ang edukasyon at nagpatuloy ako sa aking pag-aaral ng Masteral Degree sa paaralang Filamer Christian University, patuloy akong nagtitiwala sa proseso at nananatiling determinado na makamit ang mga pangarap ko sa buhay at sa awa ng Diyos ay nakatapos ako ng aking Masteral Degree at naggawad ng parangal na “BENE-MERITUS” taong 2023. Ito ang patunay na ang edukasyon ay isa sa pinakamabisang sandata sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Sa ngayon, ako ay isa Teacher II at Focal Person ng 4Ps sa paaralang Marcos Fuentes Integrated School, at patuloy pa din sa pagsusumikap ng pag- aaral na makatapos ng Doctorate Degree. Bilang 4Ps focal ng aming paaralan na nasa ilalim ng Kagawaran ng Edukasyon, gagawin ko ang aking makakaya upang hikayatin ang mga batang 4Ps sa pagpapatuloy na pagbutihin ang kanilang pag-aaral. Maging isa akong role model para sa kanila hindi lamang sa mga batang 4Ps kundi pati na rin sa lahat na kagaya kong may ambisyon.
“Para makatulong sa pagpapaunlad ng mga kapwa ko benepisyaryo, maaari akong magbahi ng kaalaman at kasanayan sa aking larangan, magbigay ng moral na suporta, at mag-ambag ng oras o mga kagamitan na maaaring makatulong sa kanilang mga pangangailangan at upang makatulong naman sa pagpapaunlad ng aking komunidad, maari akong maging aktibong bahagi ng mga proyekto at programa ng komunidad, magbigay ng edukasyon at kaalaman sa mga mahahalagang isyu, at tumulong sa pagbuo ng mga solusyon sa mga lokal na suliranin,” sabi ni Reci.
Dagdag niya pa na sa pamamagitan ng pagbibigay suporta at pagbibigay ng feedback sa 4Ps program, natutulungan ko ang aking pamilya at iba pang benepisyaryo na maunawaan at ma-maximize ang mga benepisyo ng programa, pati na rin ang pagtulong sa pamahalaan sa pagpapabuti ng mga patakaran at implementasyon nito. Ilang libong studyanteng 4Ps na rin ang natulungan ko gabayan para maging compliance sila sa kanilang pag-aaral kaya naging mataas ang compliance rate ng aming mag-aaral dito kahit ito ay walang pundong inilaan kundi oras at panahon lamang.
“Malapit sa puso ko ang 4Ps kaya sa mga miyembro ng 4Ps, lagi’t – lagi tandaan na ang kahirapan ay hindi hadlang sa inyong pangarap. Patuloy na magpursigi at magtiyaga,sapagkat sa bawat pagsubok,mayroong pag-asa at oportunidad na naghinhintay sa inyo. Huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na ipaglaban ang inyong mga pangarap para sa mas magandang kinabukasan,” dagdag na pahayag ni Reci.
Ang sambahayang Reci ay nagtapos na rin sa programa taong 2022 dahil may sapat na silang income. (Ipinisa ni Roxas City Link Maria Florence A. Escober)