Benepisyaryo ng 4Ps walang permanenting trabaho noon, ngayon tauhan na ng BFP
LIBERTAD, Antique – Ako si Romy Lacson, laki sa hirap pero nangarap para sa pamilya. Isang anak na lumaban at nagsumikap maiahon sa kahirapan ang pamilya upang makamit ang kaginhawaan sa buhay. Sa ngayon, masasabi ko na ako ay nag-tagumpay sa lahat ng pag-subok at hamon sa buhay.
Naaalala ko pa noon na kami ay isa lamang sa mga mahihirap na pamilya dito sa bayan nga Libertad. Ang aking ina ay isang labandera at minsan ay gumagawa ng banig (mat), at ang aking ama naman ay isang karpentero. Sa hirap ng aming kalagayan, isa kami sa mapalad na naging benepisyaryo ng 4Ps.
Pito kaming magkakapatid at ang isa kong kapatid na babae ay pinaampon ng aking mga magulang sa aming tiyahin na walang anak at nakatira sa karatig na barangay para mabawasan ang hirap ng aming dinadanas. Ang panganay naming kapatid ang nakipag sapalaran rin sa ibang bansa upang makatulong sa aking mga magulang. Ang kasunod kong kapatid ay nangingisda hanggang nakipagsapalaran sa Manila. Hindi na sila naka pagkolehiyo at mas pinili na lang na magtrabaho para makatulong sa aming lahat lalo na sa pag-aaral ng iba ko pang mga kapatid.
Maliban sa tulong ng aking mga kapatid, malaking kaginhawaan rin ang grants na nakukuha namin sa 4Ps. Isa itong malaking tulong sa mga katulad naming kapos sa buhay. Dito namin kinukuha ang mga pambili namin ng aming kakailanganin sa aming pag-aaral. Naging sandalan namin ito upang maipagpatuloy ang aming pang araw-araw na pangangailangan.
Pangatlo ako sa aming magkakapatid. Hindi man ako kasali bilang monitored child ng programa pero nakinabang na rin ako sa grants. Sa tulong ng aking pamilya nakapagtapos ako ng aking pag-aaral sa kolehiyo sa kursong Bachelor Information Technology. Agad nagtrabaho ako bilang taga bantay sa Mateo Photocopy Center upang kahit papaano ay magkaroon ako ng kita habang ako ay naghahanap ng mas magandang mapapasukan na trabaho.
Sumunod ako’y nakapagtrabaho bilang isang job order o municipal encoder ng DSWD’s KALAHI-CIDSS dito sa aming bayan sa loob ng isang taon. Nang nagtapos na ang aking kontrata sa DSWD, lumuwas ako ng Manila at doon nakipagsapalaraang maka pagtrabaho bilang tagabantay ng garahe ng isang service truck sa Tondo, Manila. Ngunit, sadyang hindi ako pinalad doon at napagdesisyonan kong bumalik dito sa Antique para dito na lang magtrabaho. Dito ko na rin nakilala ang aking naging asawa sa karatig bayan ng Culasi.
Dahil may pamilya na ako, naging masigasig ako sa paghahanap ng trabaho. Natanggap ako muli bilang taga bantay ng computer shop at hindi naglaon natanggap rin ako bilang office encoder sa Semirara Mining Corporation ng dalawang taon. Pagkatapos ng aking kontrata, nag-apply ako muli sa DSWD bilang Listahanan enumerator.
Halos lahat ng trabaho pinapasukan ko na para may maitulong sa pamilya hinikayat ako ng aking asawa na mag-apply sa Bureau of Fire Protection (BFP). Laking pasasalamat ko sa Puong Maykapal ng ako ay nataggap taong 2020.
Ngayon masasabe kong lahat ng aking paghihirap ay napalitan ng magandang resulta at naipanalo ang aking laban sa hamon ng buhay. Salamat sa mga taong nandiyan upang ako ay suportahan kahit gaano man kalayo at kahirap ang tinahak kong landas para sa magandang kinabukasan. Salamat muli sa programang 4Ps na isa sa mga naging sandalan namin sa panahong kami ay nangangailangan. Ang 4Ps ay tunay na kaagapay sa buhay, kailangan lang magsumikip lang at lahat ng pangarap ay maabot. (Isinulat ni Municipal Link Gladys Madarcos ng Libertad, Antique POO.)