4Ps na pamilya naghirap pero nangarap makaahon sa kahirapan
CARLES, Iloilo – Ang mamuhay sa isla at malayo sa bayan ay isang malaking hamon sa pang araw-araw na buhay natin. Ako po si Zoraida I. Solaño at ang pamilya ko ay nakatira sa Barangay Granada (Isla Gigantes), sa bayan na ito. Ang aking pamilya ay isa sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula taong 2010 hanggang sa kasalukuyan. Ang aming sambahayan ay nasa Level II na ngayon sa antas ng pamumuhay basi sa resulta ng 2023 Social Welfare Development Indicator (SWDI).
Kung babalikan ko ang aming pamumuhay noong una ay masasabi kong parang nasa “worst scenario” lamang. Ang hirap po para sa amin na matugunan ang pangangailangan ng aking buong pamilya. Hindi po ako nakapag tapos ng hayskul dahil pinili kong magkaroon ng sariling pamilya sa mura kong edad. Hindi rin ako nakapag trabaho, sa halip ay naging “plain housewife” po ako, nagkaroon ng maraming mga anak at dumedepende sa aking asawa.
Ang aking kabiyak ay si Ronie ay isang mangingisda. Dahil sa uri ng trabahong ito ay wala man lang kasiguraduhan kung may makukuhang isda, at kung magkano ang kikitain araw-araw. May mga panahong wala talagang may makuhang isda, kaya kailangan na humanap ng mapagkakakitaang iba at ito ay ang paggawa ng uling. Kahit konti lang ang kita basta may pambili lang ng pagkain para sa buong pamilya.
Nag-alaga rin kami ng mga bebe at dahil sa mga itlog ng mga ito, may pambili na rin kami ng iba pang pangangailan sa loob ng bahay. Nang lumaki na ang mga bata at nag umpisa ng mag-aral, mas lalong naghihirap na kaming mag-asawa. Paparami na ang kailangang pagkain na bibilhin at nangangailangan na rin sila ng kanilang gamit sa pag-aaral.
May mga panahon na rin na wala kaming pambili ng pagkain kaya ang kanilang tatay ay pupunta sa bukid at mamitas ng prutas para may ipapakain sa mga bata. Dahil doon, napag isipan nilang magdala ng maraming bayabas at mangga at binebenta sa kanilang kaklase para lamang may pambili sila ng lapis at papel.
Natatandaan ko rin noon na makapag susuot lang ang mga bata ng uniporme kung may sobrang tela ang kanilang lola na isang mananahi at kung binibigyan sila ng pinagliitan na damit galing sa kanilang mga tiyahin. Kung may mga proyekto sila klase, ay nangungutang rin ako pero ang pinakamasakit na makita ang nagtitiis ang mga bata sa butas-butas na sapatos na ang kanilang sinusuot.
Kahit ganito ang aming sitwasyon ngunit pinangarap pa rin namin na makapagtapos sila sa pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho kaya ang lagi naming sinasabi sa kanila na magtiyaga sila sa pag-aaral kahit pahirapan lang. Pero sa hindi inaasahan, nadagdagan pa ang aming mga anak at lalong humihirap ang buhay namin. Palagian pa ang masamang panahon na halos wala na kaming makuhang isda. Maliban sa pag –uuling, ay kumukuha na rin si Ronie ng tuba o inuming galing sa niyog para may pang dagdag sa kita. Ngunit kalaunan ay nabaon na kami sa utang. Dahil sa hirap na dinaranas, ay labis akong nagsisi na nakapag-asawa ako ng maaga.
Parang susuko na sana ako sa buhay pero taong 2010, dumating ang 4Ps at napabilang ang aming sambahayan na maging benepisyaryo. Ang cash grants na aming natatanggap ay unti-unting nagpapagaan ng buhay namin dahil makabili na kami ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, pagkain, gamit sa bahay at pag-aaral ng mga bata. Matatandaan ko pa ang kasiyahan sa aking mga anak noong nabilhan sila ng bagong bag, school supplies, uniporme, at sapatos. Simula noon, ang naging pangarap ko na makapag-aral silang lahat hanggang sa kolehiyo at maabot nila ang kanilang pangarap na trabaho at magandang buhay.
Sa kasalukuyan, ang panganay kong anak na si Natasha Irene, ay nakapagtapos na “with Honors” sa kursong Associate in Hotel and Restaurant Management sa Northern Iloilo State University -Sara Campus, sa bayan ng Sara, Iloilo . Hindi niya man natapos para maging Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management dahil kinilangan niya na magtrabaho para tulungan kaming mag-asawa sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Napakalaking tulong ang ambag niya sa pamilya, lalong lalo na sa pagbibigay tulong pinansyal. Nagtatrabaho siya ngayon bilang isang domestic helper sa Singapore. Ang pinaka importante, ay kahit nagtatrabaho at nagsumikap pa rin siya na makapag-aral doon at nitong 2023 ay nakapagtapos siya ng Caregiving sa International School of Singapore.
Ang aming pangalawang anak ay si Imee Linn na pinalad na mapabilang bilang iskolar ng Expanded Student in Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Kumuha siya ng kursong Bachelor in Secondary Education, Major in Mathematics sa NIPSC-Ajuy Campus, sa bayan ng Ajuy Iloilo at naka graduate sa taong 2018. Siya ngayon ay permanent guro sa Manlot Integrated School, isang paaralan sa makikita sa isla sa bayan ng Carles. Siya ngayon ay may sarili ng pamilya na siya at may dalawang anak.
Ang pangatlong anay ay si Rhone Jefferson, na kumuha naman ng Bachelor of Science in Elementary Education sa NIPSC-Ajuy Campus. Nakapagtapos siya noong 2019. Siya rin ay Permanent Teacher na rin simula nitong January 2024 at nagtuturo sa Piagao Primary School,na isa ring paaralan na matatagpuan sa isla sa Carles, Iloilo.
Ang aming ikaapat naman ay si Marinor na naka avail naman ng Free Tuition Fee sa kolehiyo. Nag-aaral siya ngayon sa kursong Bachelor of Science in Social Work sa Capiz State University sa Pilar, Capiz. Kinuha niya ang kursong ito dahil daw na –inspire siya sa ating mga social worker na nag serbisyo sa ating gobyerno, at dahil gusto niya rin daw na sa huli ay makakatulong sa mga mahihirap na may pangarap ring makaahon sa buhay. Sa awa ng Diyos at sa tulong ng kanyang mga kapatid, ay alam kong makakaya niya matapos ang kolehiyo.
May tatlo pa akong anak na sina Natasha at Kylie Alexa na nasa Grade 8 at Grade 11, at na nagsusumikap lalo na consistent “honor students” silang dalawa. At ang bunsong anak naman ay si Ziah na nag-aaral din sa elementarya bilang Kinder.
Patuloy pa rin po ang aming pagsusumikap upang makapagtapos ng aming mga anak at sa gayon ay maging mabuti rin silang mamamayan na kaya rin tumulong sa pagbabago ng buhay ng iba tungo sa magandang kinabukasan. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat na sa mga programa sang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na nag-ambag at patuloy na tumutulong sa kagaya naming mga mahirap pero may pangarap sa buhay. Ipinasa ni Municipal Link Vienna Marie A. Garcia-Carles, Iloilo POO)