Pangarap lang noon, pagbabago na ngayon
Testimonya ni Ayleen P. Dalida
Benepisyaryo ng 4Ps
ALTAVAS, Aklan –Una sa lahat, napakabuti ng Panginoon sapagkat hindi niya pinabayaan ang aking pamilya sa pagharap ng mga pagsubok at unos ng buhay. Mahirap ang maging mahirap, ngunit hindi ito hadlang upang mawalan ng pag-asang balang araw ay giginhawa rin ang aming pamumuhay, maibigay ang pangangailangan ng aming pamilya. Bagkus, ito’y gawin nating inspirasyon sa hamon ng buhay, manatiling matatag, may takot sa Diyos at wag mawalan ng pag-asa sa buhay.
Ako si Ayleen P. Dalida, 48 na taong gulang, nakatira sa Brgy. Man-up, Altavas, Aklan, isang may bahay na may masipag at mapagmahal na asawa. Kami ay biniyayaan ng limang anak. Payak lamang ang aming pamumuhay sapagkat kapos sa aming pamilya ang kinikita ng aking asawa. Dahil sa hirap ng buhay kailangan magbanat ng buto para lamang may ipang-tustos sa pang araw-araw at sa pag-aaral ng aming mga munting supling. Hindi pinalagpas ng kahirapan ang aming pang araw-araw na buhay, na kahit ang aming mga anak ay pumapasok sa paaralan na walang pambaon at mga bayarin sa eskwelahan na hindi agad nababayaran sapagkat kulang pa sa aming ihahain sa hapag kainan. Ngunit kahit ganoon ang aming sitwasyon, biniyayaan naman ng talino ang aming mga anak at ang mga taong tumutulong sa amin kagaya ng kanilang mga guro na binigyan nila ng pagkakataon maipakita ang galing at kakayahan ng aming mga anak sa pag-aaral. Sila na mismo ang gumagastos maisali lang sa mga contest ang aming mga anak.
Lubos akong nagpapasalamat sa mga taong naging instrumentong upang mahubog ang kanilang mga kaalaman sa iba’t-ibang larangan. Sa hirap ng buhay kailangan mag doble kayod ng aking asawa para lamang may maitawid sa pang araw-araw nga pangangailangan pero kailanman hindi kami nawalan ng pag-asa at mangarap na balang araw may ibibigay ang Panginoon upang tulungan kaming maiangat ang estado ng aming pamumuhay at makapagtapos ng pag-aaral ang aming mga anak.
Unti-unting nagbago ang aming buhay ng isang araw may pumunta sa aming bahay at kumuha ng mga datos tungkol sa aming pamilya. Pagkalipas ng ilang buwan naiparating sa amin ang napakagandang balita na kami ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Lubos ang aming pasasalamat sa Panginoon sa napalaking biyaya na kanyang ibinigay sa aming pamilya at sa mga taong naging daan upang kami ay naisama sa programa. Naalala ko pa na ang unang tanggap ko ng cash grants ay binili ko ng vitamins at mga pagkain nila upang maging mas malakas ang kanilang pangangatawan at maiwasan ang mga sakit. Nakabili rin ako ng mga pangangailangan sa paaralan, at ang aming pang araw-araw na pangangailangan sa loob ng bahay.
Ang 4Ps ang naging sangkap sa pag-unlad ng aming pamilya dahil sa tulong pinansyal na ibinigay sa amin ng programa, may katuwang na kami sa mga gastusin sa pag-aaral ng aming mga anak. Sa awa ng Diyos at sa aming kasipagan, nakapagtapos ng Midwifery ang aming panganay na anak. Malaking papasalamat din namin sa scholarship na ibinigay ng DOH sa pamamagitan din ng 4Ps dahil ngayon ay isa na siyang ganap na Registered Midwife na katuwang namin sa buhay at tumutulong sa pag-aaral ng kanyang iba pang nakababatang mga kapatid. Ang aming panganay na anak ay nagsilbing motibasyon at inspirasyon sa iba pa niyang mga kapatid na mag-aral ng mabuti upang makapagtapos sap ag-aaral.
Napakalaking pagbabago ang ibinigay ng programa sa aming pamilya dahil sa programa nadagdagan ang aming mga kaalaman na nakukuha sa buwanang pagdalo sa Family Development Session. Higit sa lahat nabigyan ako ng pagkakataong maging Parent Leader upang pangunahan at magbigay gabay ang mga kapwa ko miyembro ng programa. Hindi ko lubos maisip na may kakayahan akong maging lider upang matulungan ko ang ibang miyembro upang mas maintindihan nila ang programa.
Nagpapasalamat ako sa mga tao sa likod ng programang 4Ps na naging instrumento sa pag-gabay at pagmalasakit sa aming mga mahihirap lalong-lalo na sa aming Municipal Link na si Angellene Bagatnan, sa mga staff ng Altavas Municipal Operations Office at sa lahat na bumubuo 4Ps. Panalangin ko po nawa’y marami pa kayong matulungan na kagaya naming mahihirap.
Minsahe ko rin sa mga kapwa ko benepisyaryo na pahalagahan ang bawat tulong mula sa gobyerno. Ano mang oras magtatapos na kami sa programa at nakahanda na kami dahil alam namin na may isa namang pamilya na matutulungan ng ahensya. Ipagpatuloy ko rin na makatulong sa programa at sa kapwa kahit kami ay magtatatapos na dahil habang buhay namin itong tinatanaw na utang ba loob.
(Prepared by SWA Emilyn A. Olid ng Aklan POO)