Bata na dating minomonitor ng 4Ps, nag-aral ng abogasya
HIMAMAYLAN CITY, Negros Occidental – Nagtapos sa programang 4Ps ang 334 na sambahayan sa bayan ng Himamaylan kahapon.
Si Ciarra Theresse N. Baylon, 23, nakatira sa Crossing Calasa, Brgy. Caradio-an sa bayan na ito ay isa sa mga nagbigay ng testimonya kung paano sila tinulungan ng 4Ps. Si Baylon ay isang minomonitor ng programa at ang kanyang sambahayan ay isa rin sa nagtapos sa program kahapon. Ito ang kanyang pahayag.
Nagsimula kaming maging benepisyaryo ng 4Ps taong 2012 at dalawa kaming magkakapatid ang minomonitor ng programa. Ang tatay ko ay isang security guard at ang nanay ko naman ay collector ng isang kumpanya. May kahirapan sa pangangailangan dahil magkasunod kami ng kapatid ko na nag-aaral pero noong dumating ang 4Ps sa amin hindi na nahirapan ang aking mga magulang sa pambili ng aming pangangailangan sa paaralan.
Halos kalahati na ng buhay ko naging alalay ko ang 4Ps. Sa tulong nito, naranasan namin ang unti-unting pag-angat mula sa kahirapan. Natutunan naming mag-ipon para sa aming kinabukasan, magkaroon ng disiplina sa gastusin, at makamit ang mga pangarap na dati’y tila malayo naming maabot. Kaya nag-aral ako ng mabuti. Naturingan akong academic achiever ng pamilya simula elementary hanggang nakapagtapos ng high school na may karangalan.
Nagkolehiyo ako sa Unibersidad ng St. La Salle kung saan maraming ang anak mayayaman at iba ang kanilang kultura sa aking nakagisnan. Gayunpaman, tinatagan ko ang aking sarili na huwag magpadala sa agos ng kanilang kultura upang maabot ang aking mga pangarap at minimithi hindi lamang para akin kundi para sa aking buong pamilya. Sa aking pagpupursige nagtapos ko ang aking kurso ng Bachelor of Arts in Political Science na Magna Cum Laude noong nakaraang taon lamang.
Malaki ang pagbabago sa aking pananaw ng ako ay nakapagtapos sa kolehiyo dahil napagdesisyonan namin na magpapatuloy ako sa pag-aaral ng abogasya habang nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya. Ang aking kapatid ay nasa unang antas ng kolehiyo pero pansamantalang tumigil muna dahil hindi pa kaya ang bayarin sa paaralan pero hinahanapan ng paraan na makapag-aral siya muli.
Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy akong nagtitiwala at umaasa na ang bawat hirap at sakripisyo ay magbubunga ng tagumpay. Ang aking pangarap na maging isang abogado ay hindi lamang para sa aking sarili, ngunit para rin sa aking pamilya, komunidad at sa mga taong aking nais paglingkuran at ipagtanggol. Kaya’t patuloy akong naglalakbay dala ang aking determinasyon at pananalig na sa tamang panahon ang lahat ng aking pagsisikap ay magbubunga ng tagumpay.
Sa kabila ng mga pagsubok ako ay pinagpala na mayroong suportadong pamilya at mga kaibigan na nagbibigay sa akin ng lakas at inspirasyon sa bawat hakbang ng aking paglalakbay. Sa kanilang tulong, natutunan kong masuri ang bawat hamon na dumating sa aming buhay at magtagumpay sa kabila ng mga ito.
Kaya maraming salamat 4Ps sa handog mong tulong. Sa kapwa ko benebisyaryo, ang masasabi ko sa inyo na huwag mawalan ng pag-asa ano mang pagsubok ang darating sa buhay magpakatatag at maging matiyaga upang makamit ang munting pangarap para sa sarili at sa pamilya.
Sa mga magulang ko, salamat sa inyong sakrispisyo upang inyong anak ay mapabuti. Sa ibang mga magulang, payo ko na huwag hayaan na sila ay maligaw ng landas at suportahan kung ano man ang kanilang pangarap sa buhay. Ano man ang marating natin sa buhay patuloy parin maging mabuti at huwag maging mataas ang tingin sa sarili. (Himamaylan Team, POO2)