4Ps naging inspirasyon ng isang guro para umangat sa buhay
Testimonya ni: Ellen I. Bernabe
Dating benepisyaryo ng 4Ps
LEZO, Aklan – Ako po si Ellen I. Bernabe, 45 taon gulang, nakatira sa Tayhawan Lezo, Aklan at isa ng matagumpay na guro na nagtuturo sa Tayhawan Elementary School, Brgy. Tayhawan Lezo, Aklan. Mayroong apat na mga anak, tatlo ang lalaki at isang babae. Ako po ay naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) taong 2013 at dahil dito unti-unting gumaan ang aming pamumuhay.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga taong nakapaligid sa akin ang hirap ng aking pamumuhay. Ultimo tsinelas ko nga noon ay hindi ko kayang bumili nito dahil sa hirap ng buhay. Isang may bahay lamang po ako noon, at ang aking katuwang sa buhay ay paminsan minsan lang din ang kanyang hanapbuhay.
Dati iniisip ko kung paano ko itataguyod at itatawid ang pag aaral at pagkain ng mga anak ko sa araw-araw. At dahil po sa tulong ng ating Panginoon at ng ating gobyerno kung saan nag-nanais na makatulong sa mga taong hikahos sa buhay ay swerte po ang aming sambahayan na napili bilang isang mapalad na benepisyaryo ng 4Ps.
Napakalaking tulong po sa akin ang bawat dalawang buwan na cash grant na aking natatanggap sapagkat mayroon na akong siguradong pambili ng bigas at baon ng mga anak ko. Habang lumilipas ang panahon nakikita ko ang paglaki ng mga anak ko naisip ko pong hindi ko sila kayang pag-aralin hanggang kolehiyo kung wala akong maayos na hanap-buhay kaya naisip ko na pagyamanin ang kursong kinuha ko ng ako’y nag kolehiyo, ang Bachelor of Elementary Education.
Nagsumikap po akong maipasa ang Licensure Examination for Teacher at sa aking determinasyon at panalangin ako ay mapalad na pumasa naman sa nasabing Board Exam noong August 2014.
Nagsimula po akong nakapagturo sa isang pribadong paaralan sa mabababang sahod lamang subalit hindi po sahod lang aking hangad kundi ang magkaroon ng experience sa pagtuturo. Sa aking pagtitiyaga at pagtitiis ng ilang taon hanggang sa ako nga po ay naging isa ng permanenteng guro sa paaralan ng Tayhawan Elementary School.
Ngayon ko napatunayan na totoo ang kasabihan na “Walang taong nakatali sa kahirapan hangga’t may pangarap at determinasyon sa buhay”. Samahan mo pa ng panalangin sa ating Panginoong Dios at pagpupursige.
Sa kapwa ko benepisyaryo ng 4Ps, ito lamang po ang aking maimumungkahi sa inyo, huwag tayong mawalan ng pag asa dahil ika nga hangga’t may buhay may pag-asa .Sa mga kasamahan ko po diyan na nakapagtapos din ng apat na taon sa kolehiyo gamitin niyo po yung pinag aralan ninyo para sa ikaaayos ng inyong pamumuhay. Higit sa lahat. huwag mawalan ng pag- asa at huwag mahiyang lumapit sa opisina ng ating 4Ps dahil sila po ay tumutulong upang mabigyan ng trabaho ang mga karapat-dapat at nakapagtapos na mga benepisyaryo.
Ang sambahayan ni Bernabe ay nagtapos na rin sa programa pagkatapos naging Level III na sila sa pinakabagong resulta ng SWDI.
PAGTATAYA
Sa panayam sa MSWD Officer ng Lezo, Aklan na Bb. Wenna Mae B. Manares. Nakatulong ang 4Ps sa pagpapaunlad ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng LGU Lezo. Bilang isang 5th class municipality, binibigyang tugon ng LGU ang 4Ps sa pagpapaunlad ng buhay ng mga mahihirap na mamamayan. Sa tulong ng local na pamahalaan sa pamumuno ni Hon. Lenette R. Fernandez, na mayroong sapat na pondo ang LGU sa pagpapatupad ng 4Ps. Kabilang na dito ang pagtatalaga ng Php 100,000.00 na badyet para sa programa kasama na dito ang pagtatalaga ng local counterpart na Municipal Link na siyang tumutulong sa mga mamamayan na kabilang sa 4Ps.
Ang lokal na pamahalaan ng Lezo ay naglaan ng badyet sa pagpapaunlad ng kasanayan ng 4Ps Parent Leaders at ang pagpapaunlad ng kanilang kaalaman sa pamamagitan ng Family Development Sessions.
Sabi ni MSWDO Manares, nakakatulong ang 4PS sa komunidad dahil sa mga programang pangkabuhayan na laan sa mga benepisyaryo sa tulong din ng lokal na pamahalaan ng Lezo. Hindi rin pinapabayaan ng LGU ang mga mamamayan nitong nangangailangan sa gitna ng krisis lalong-lalo na ang may sakit at kailangan dalhin sa ospital.
“Malaking tulong ang 4Ps sa komunidad dahil dito maraming buhay ang umunlad lalong-lalo na ang mga mahihirap na mamamayan ng Lezo. Ang mga benepisyaryo ng 4Ps noon ay kinikilala at itinuturing na kasama sa pagpapaunlad sa mga kasalukuyang benepisyaryo ng program. Sila ang nagsisilbing inspirasyon at magandang ehemplo sa mga kagaya nilang mahirap ang buhay noon ngunit ngayon naging matagumpay at maunlad,” dagdag na sinabi ni MSWDO Manares.(Ipinasa ni ML Kristian S. Yet ng Lezo, Aklan)