Kahirapan napagtagumpayan masunod lamang ang pangarap
Testimonya ni Mary Jer-say B. Camacho
Benepisyaryo ng 4Ps
ROXAS CITY, Capiz – Noon tinitingala ko lang ang aking mga mahuhusay na mga guro pero ngayon hindi ko sukat akalain na magiging isa rin ako sa kanila.
Ako si Mary Jer-say B. Camacho, dating minomonitor ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa sambahayan ni Milona B. Camacho na kasalukuyang aktibong benepisyaryo ng programa sa Barangay Tanza sa syudad na ito.
Panganay ako sa pitong magkakapatid. Bata pa lang ay batid ko na ang estado ng aming buhay. Madalas kaming iwan ng aming mga magulang noon para magtrabaho at ako na ang tumatayong pangalawang magulang sa aking mga kapatid. Ang aking ama ay nagtratrabaho sa isang Printing Press malapit sa aming bahay. At ang aking ina ay walang permanenteng trabaho, madalas siyang tumulong sa aking ama sa paggawa ng resibo. O minsan tumatanggap din sila ng “sideline” gaya ng paggawa ng mga libro. Hindi sapat ang kanilang kita para matustusan ang lahat ng aming pangangailangan, lalo na’t nag-aaral kaming magkakapatid.
Kaya sa murang edad palang ay natuto na rin akong mag-bind ng papel sa paggawa ng resibo mula sa panonood sa kanila at minsan tumutulong din ako sa paggawa ng libro. Ang aming bahay ay gawa sa kahoy at ang kalahati nama’y sementado, ngunit dulot na rin ng mga nagdaang bagyo, naranasan naming tumira sa bahay na gawa ng pinagtagpi-tagping karton at yero. Ang pintuan namin ay sira-sira rin, at kinakabit lang tuwing matutulog na kami. Naranasan rin naming matulog ng walang bubong. Wala kaming sariling linya ng tubig kaya sa balon na ilang metro sa aming bahay kami kadalasan nag-iigib. Minsan doon na rin kami naglalaba o kaya naliligo. Tanda ko pa, masaya na ko kung may sabong pampaligo kaming magagamit kasi minsan shampoo lang ang kaya naming bilhin. Pero kahit na ganito ang aming kalagayan, pinagbubutihan naming magkakapatid ang aming pag-aaral. Nakapagtapos ako ng elementarya na Valedictorian at ang aking mga kapatid naman ay kasama rin sa “With Honors”.
Malaki ang naitulong ng 4Ps sa amin, lalong-lalo na sa pang-araw-araw na gastusin at sa aming pag-aaral. Tanda ko pa, tuwing makakatanggap ang nanay ko ng financial assistance bibili siya agad ng bigas at ulam sa bahay, pambaon namin sa paaralan o di kaya bibili ng vitamins at gamot. Sa awa ng Diyos at sa pagpupursige ng aking mga magulang nakompleto ko ang aking apat na taon sa High School. Ngunit nadagdagan ng dalawang taon ang pag-aaral ko sa high school dahil sa ipinatupad ang K to 12, nagkaroon ng Senior High School. Accountancy, Business and Management (ABM) ang kinuha kong strand sa SHS. Mas natutunan kong magtipid, lalo na para may pambayad at pang gastos sa pag-aaral. Minsan nanghihiram ako ng laptop sa kaklase ko para lang may magamit sa paggawa ng mga reports at projects sa school, lalo na’t wala rin akong cellphone. Kapag gabi na ko umuwi dahil may practice o project sa school, madalas akong hanapin ni mama sa mga kaibigan ko. Tuwing summer ay nag part-time job kami ng kapatid ko sa paaralan na pinasukan namin at ang perang kinita namin ay siyang ibinabayad sa natitirang tuition fee sa school. Dahil din doon nakabili kami nang sarili naming cell phone. Nakapagtapos ako ng Senior High School na honor student.
Pagdating ng college, Bachelor of Secondary Education – major in Science ang kinuhang kurso. Pinangarap kong mag-accountancy ngunit alam kong hindi kaya ng mga magulang kung magbayad pa ng tuition fee lalo na at anim na kaming nag-aaral, at magiging college student na rin sa susunod na taon ang pangangalawa namin. Sa kabutihang-palad, may naimplementang batas para makapag-aral ng libre ng mga estudyante sa mga unibersidad. Naging grantee ako ng Tertiary Education Subsidy (TES) ng Commission on Higher Education (CHED). Malaking tulong nito sa aking pag-aaral dahil nag pandemia at puro online classes na lang kami. Pinaayos ko rin ng unti-unti ang aming bahay lalo na at kalahati ng aming bahay ay walang bubong.. May mga panahon na pinanghihinaan ako ng loob, pero tuloy pa rin ang laban.
Nakapagtapos ako ng kolehiyo at napagdesisyunang hindi na sana kukuha pa ng board exam kasi malaki ang magagastos lalo na sa pagrereview. Grabeng saya ang aking nararamdaman ng ako ay nakapasa sa exam para sa scholarship ng review center. Habang nagrereview naghahanap ako ng trabaho para may pang sustento sa magagastos ko sa pagrereview. Tumigil ako sa pagtatrabaho ng tatlong buwan bago ang exam para makapag focus at naghanap uli ng trabaho habang naghihintay na nang results.
PAGBABAGO
Para sa akin napagtagumpayan ko ang mga hamon sa buhay na kahit anong hirap ay kinaya ko at kinaya ng aking mga magulang. Higit sa lahat, napagtagumpayan ko ang paghihirap ko sa pagrereview nang ako ay nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET). Pagmamahal at pagtutulungan ng bawat isa sa loob ng bahay ay isa sa mga rason kung bakit naisakatuparan ko ang aking pangarap at ng pangarap ng aking pamilya para sa akin.
Malaki ang pagbabago sa buhay ko at ng aking pamilya dahil sa programa. Pagkatapos kong makapasa sa board examination, natanggap ako sa trabaho bilang ESL (English as Secondary Language) Teacher. Dito ako nagsimula na tumulong sa mga gastusin sa loob ng bahay lalo na sa pag-aaral ng aking mga kapatid. Bilang isang ganap na guro, hangarin ko na ipagpatuloy na maihatid ang tamang serbisyo sa komunidad at, gagamitin ko ang aking kakayahan at kaalaman para maging instrumento sa pangarap ng mga batang nag-aaral lalo na ng mga benepisyaryo ng 4Ps na naghahangad na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan.
Madalas ko mang tinatanong ang aking sarili noon kung kaya ko nga ba? Ngayon masasabi kong kinaya ko at kakayanin pa. Sa mga tulad ko na madalas panghinaan ng loob dahil sa kahirapan sa buhay, magpatuloy lang at magtiwala sa Diyos at sa iyong sarili upang mapagtagumpayan ang hamon ng buhay. (Ipinasa ni City Link Romel V. Layson, Roxas City, Capiz POO