Sa #Kwentong4Ps ni Justine Claime B. Palec mula sa Pototan, Iloilo, ipinakita niya na walang imposible sa isang batang may dedikasyon at determinasyon sa pagtatagumpay sa buhay.
Bata pa lamang, pasan na niya ang responsibilidad sa pagtataguyod sa kanilang tatlong magkakapatid simula noong sila ay iniwan ng kanilang ina upang magtrabaho sa Maynila. Hindi sapat ang kita ng kanilang ama bilang magsasaka kaya’t kinailangan nyang maging working student upang makatulong sa kanilang gastusin. Naranasan niyang maging pintor, delivery boy, taga-hakot ng sako ng semento, taga-tinda sa hardware, at taga-linis ng bahay matustusan lang ang kanilang pangangailangan.
Laking pasasalamat naman nya sa 4Ps dahil isa ang kanilang pamilya sa naging benepisyaryo nito at siyang naging malaking tulong para sa kanyang gastusin sa pag-aaral. Ngunit, alam niyang hindi pa rin ito sapat. Nagpursigi sya sa buhay at nagtrabaho sya sa kanilang kamag-anak na sya namang malaking tulong din sa kaniya upang makapagtapos ng pag-aaral.
Dahil sa kaniyang sipag at tyaga, kasama pa ang Programa at ang mga taong tumutulong sa kanila, nakapagtapos si Justine noong 2022 sa kursong Bachelor of Science in Hospitality Management sa WVSU- Pototan Campus bilang cum laude.
“Huwag mawalan ng pag-asa” – ito ang payo nya para sa mga kabataang mula sa hirap gaya nya. Ngayon ay nagtatrabaho si Justine sa isang restaurant at patuloy pa ring tumutulong sa kanilang pamilya upang unti-unting makaahon sa buhay.
Basahin ang kanyang buong kwento dito: https://www.facebook.com/dswd06/posts/pfbid0VzQExjL4kFT8aQ1mhb3T8uHx3M9qWNoyyTxsH83WQkumKroQxHcrkF7NK2QzBqTXl.