Menu

Philippine Standard Time:
Testimony ani Justine Claime B. Palec
Benepisyaryo ng 4Ps
Brgy. Dawis, Pototan
POTOTAN, Iloilo – Ang buhay ko ay parang gulong, minsan ay nasa ibabaw at minsan naman ay nasa ilalim. Gusto ko ibahagi ang aking napakagandang kwento at mga pangyayaring naganap sa aking buhay kasama ang pamilya.
Ako po ay si Justine Claime B. Palec, anak nina Joel at Christy ng Brgy. Dawis, Pototan, Iloilo. Para malaman ninyo, heto ang kwento ng aking buhay bilang isang dedikado at responsibleng bata. Ang buhay ko noon ay isang masaya at tahimik lamang. Hindi maihahambing sa buhay ng iba at halos lahat ay naging isang magandang pangyayari na magbibigay inspirasyon sa bawat mambabasa. Ang buhay ko noon ay maihahambing ko sa isang inahing manok. Ang inahing manok ang siyang umaalalay at nagbibigay proteksyon sa kaniyang buong kasapi ng pamilya at siya ring nagtataguyod ng kaniyang pamilya sa bawat hamon na dumarating sa kanilang buhay.
Bakit nga ba naihahambing ko ang aking sarili bilang inahing manok? Kasi ito ang naging papel ko nang umalis ang aking ina upang magtrabaho sa Manila. Matagal na panahon siyang namalagi sa malayo hanggang tuluyan niya na kaming nakalimutan. Kung kaya’t lahat ng kaniyang layunin at tungkulin ay naipasa sa akin bilang panganay sa tatlong magkakapatid. Nasa Grade 5 pa lamang ako noon. Ang sunod sa akin ay nasa kindergarden at ang bunso ay ilang buwan pa lamang.
Tiniis namin lahat kahit masakit na mawalay sa isang ina. Ngunit ang malaking resposibilidad na pasan ko ay nakaapekto sa aking pag-aaral. Kinausap ako ng aking mga guro kun paano namin maibsan at mabigyang solusyon ang problema sa aking pag-aaral lalo na ang aking palaging pagliban sa klase. Gayunpaman nakapagtapos ako ng elementarya sa tulong nila.
Nang ako ay tumuntong ng sekondarya, marami rin akong balakid at problema na nasalubong. Naka pag-enrolled ako sa New Lucena National Comprehensive High School na kahit walang pera, walang bagong uniporme at sapatos. Kasi nga halos na nga kami makakain sa isang araw. Nakasanayan na rin naming gumising ng madaling araw upang maglakad ng mahigit sa isang kilometro papunta sa paaralan at pauwi sa bahay. Kahit lagi hindi kami nakapag-almusal pero mag-aaral pa rin kami.
Naalala ko dati na halos naging gawain na namin sa araw-araw ang mangutang sa tindahan ng tiyahin namin para humiram ng pera pambaon. Nagpapasalamat pa rin kami sa aming mga kamag-anak na kahit ilang beses kami nakarinig ng masasakit na salita bago kami pahiramin pero malaki na pa rin ang ambag nila sa aming buhay. Hindi namin kasalanan ang ganitong buhay dahil hindi namin ginusto ang nangyari sa amin. Panalangin ang siyang naging sandigan namin sa mga panahon na iyon na sana may makatulong sa amin na makaahon sa kumunoy ng kahirapan.
Lahat ay gagawin para makapag-aral kaya kahit mag working student ako ay ginawa ko na. Kung walang pasok o kaya sa bakanteng oras ko, pumapasok ako bilang katulong sa isang pamilya dito sa Pototan pero hindi nagtagal umalis din ako. Lumipat ako sa isang pamilya na kamag-anak rin namin kung saan nararamdaman ko ang totoong pagmamahal bilang kasapi ng pamilya. Simula noon, sila na ang nagpapaaral sa akin at gumagasto ng mga pangangailangan ko. Doon na rin ako tumira sa kanila para may makatulong sila sa bahay. Ang pamilyang Gatiera ay nagselbing inspirasyon ko sa buhay. Galing rin sila sa mahirap bilang magsasaka pero dahil sa sipag at tiyaga, umangat sila at lahat ng mga anak nila ay nakapagtapos sa pag-aaral. Dito rin nagtatrabaho sa kanila ang aking ama bilang tagabantay ng kanilang sakahan.
Nagtapos ako sa Senior High School bilang “With Honors” kaya ipinagpatuloy nila ang pagtulong sa akin hanggang kolehiyo. Ang kinuha kong kurso ay Bachelor of Science in Hospitality Management sa WVSU- Pototan Campus dahil magka-ugnay sa aking kurso noong Senior High School palang ako. Kung wala akong pasok nagtatrabaho rin ko pa “extra-extra” bilang pintor, delivery boy, taga hakot ng sako ng semento, taga-tinda sa hardware at taga-paglinis ng bahay. Nakasanayan ko na ring magbigay serbisyo (general cleaning) sa aking mga guro sa araw ng Sabado o kaya Linggo. Naging mapalad rin ang aming pamilya nang nakapasok kami bilang benepisyaryo ng 4Ps kung saan minomonitor ako ng programa kasama ang aking mga kapatid. Ito rin ay naging daan upang makapag-ipon ako at may baon ako sa paaralan araw-araw.
Naging maganda ang takbo ng mga panahon hindi lamang sa akin kundi sa buong pamilya ko dahil ginagabayan kami ng Poong Maykapal. Dahil sa sipag at determinasyon ay nakapagtapos ako ng pag-aral sa koleyo bilang isang “Cum Laude”. Taos pusong nagpapasalamat ako sa pamilya Gatiera na sila ang gumabay at nagtaguyod ng aking mga pangangailangan hanggang makatapos ako ng pag-aaral noong nakaraang taon. Salamat din sa ating gobyerno sa pagtugon na makapag-aral ng libre ang mga batang mahihirap kagaya namin.
Sa ngayon, ay nagtatrabaho ako sa isang restaurant dito sa amin habang naghihintay ng tawag mula sa mga kumpanyang aking inapplayan. Dito pa rin ako nakatira sa pamilya Gatiera dahil parang bunsong anak na rin ang turing nila sa akin. Ang bunsong kapatid ko naman na babae ay doon nakatira kasama ang aking ama at siya ang huling minomonitor ngayon ng programa. Ang kapatid kong lalaki sunod sa akin ay nasa Manila kasama ang aming ina. Noong kasagsagan ng COVID-19, pinapunta siya ni ina doon sa kanila. May ibang pamilya na rin ang aking ina kaya malayo na mabuo uli ang aming pamilya. Ganunpaman, wala akong galit sa kanya dahil may mga plano ang Diyos para sa amin. Ang ama ko naman ay hindi na nag-asawa. Nilaan niya ang lahat niyang oras sa pagpapalaki sa amin.
Nawa’y sana magbigay ng inspirasyon at aral sa bawat mambabasa ang aking kwento. Ang maipapayo ko lang na huwag mawalan ng pag-asa. Patuloy lamang sa pag-aral at sumikap. Hindi kahirapan ang hadlang upang makamit ang pangarap natin sa buhay. Dahil may plano ang Diyos sa bawat isa sa atin.(Ipinasa ng Pototan Team, Iloilo-Guimaras POO)