MAAYON, CAPIZ – Si Geraldine A. Blor, 21 anyos ay nakapagtapos ng kaniyang pag-aaral sa Bachelor of Science in Agriculture major in Animal Science sa Capiz State University at nakapasa sa Agriculturist Licensure Examination noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Kasalukuyang naghahanap ngayon ng trabaho si Geraldine para makatulong naman sa kanyang pamilya. Naging positibo siya na makakahanap na siya ng trabaho sa malapit na hinaharap. Aminado si Geraldine na nakapagtapos man siya sa pag-aaral ngayon pero hindi biro ang kanyang pinagdaanan na mga pagsubok. Nagpapasalamat siya sa buong supporta ng kanyang pamilya at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan naging benepisyaryo ang kanilang sambahayan ng ilang taon na rin.
Pagsasaka at pagkakarpintero ang pangunahing hanapbuhay ng magulang niya. Siya ang panganay sa apat na magkakapatid. Dito kinukuha ng kaniyang mga magulang ang araw-araw na pantustos sa pangangailangan ng buong pamilya lalo na sa pag-aaral nila. Puno ng mga pagsubok ang pagsasama ng kaniyang mga magulang ngunit hindi ito naging hadlang upang magkulang ang pag-aaruga sa kanila. Mahirap ang kanilang buhay subalit mayaman naman sila sa pagmamahal ng kanyang mga magulang.
Ang mga magulang ni Geraldine na sina Marilyn Adora at Gerald ay nagkakilala sa Maynila sa pag-asang makakita ng maayos na trabaho doon. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan at nagdesisyong umuwi ng probinsiya upang doon na nila ipagpatuloy ang kanilang buhay mag-asawa. Naipanganak ang kanilang panganay at nasundan pa ito ng tatlo. Sa paglaki ng kanilang pamilya ay naging mahirap din ang kanilang buhay. Walang pahinga sa pagtatrabaho ang mga magulang ni Geraldine upang may maipakain at makabili ng kanilang pangangailangan. Sa panalangin humuhugot ang pamilya na sana’y may tutulong sa kanila para maibsan man lang ang kahirapang hinaharap. Nagpapasalamat ang pamilya nang nakapasok sila sa 4Ps. Sa programang ito nalunasan ang kanilang mga problema lalo na sa kalusugan at pag-aaral ng mga bata. Mag tatatlong – taon pa lamang na naging benepisaryo ng 4Ps ang pamilya ngunit napakalaki na ng tulong na ito.
Sa pagtatapos ni Geraldine sa elementarya, sekondarya hanggang sa kolehiyo ay naipakita niya na siya ay nagsisikap at nakakakuha ng mga parangal sa pag-angat sa academics. Nakadanas ng problemang pinansyal ang buong pamilya pero nasosolusyonan rin ito dahil sa tulong2x ang pamilya harapin anomang pagsubok na dumarating sa kanilang buhay. Naging maswerte lamang si Geraldine dahil siya ay may pamilyang nakakaintindi ng sitwasyon, hindi nag-atubiling tumulong at patuloy na nagtiwala sa kaniyang kakayahan.
Ang kahirapan sa buhay ang naging dahilan at pinaghugutan ng inspirasyon ni Geraldine upang makapagtapos sa pag-aaral sa kursong BS Agriculture. Binigyan niya rin ng pag-asa ang mga kapatid na minomonitor ng programa na magsumikap kahit mahirap ang buhay. Lubos ang kaniyang pasasalamat sa kabutihang loob ng ating gobyerno sa pagbibigay ng mga oportunidad at suporta sa pag-aaral. Hindi man siya direktang minomonitor ng programa ngunit naging parte na rin siya ng cash grants.
Sa kabilang dako, ang pangalawang kapatid na si Gerald ay minomonitor ng programa. Siya ay nakapagtapos din ng Junior High sa Maayon National High School at ngayon ay na sa Senior High School sa kursong TVL- SMAW. Kung walang pasok, nagtatrabaho si Gerald sa tubuhan at palayan kahit sa murang edad upang makatulong sa magulang. Tulad niya, layunin rin ni Gerald na makapagtapos ng kaniyang pag-aaral. Ganoon din sa kanilang dalawang kapatid na sina Glaiza Mae at Lian Mark na nag-aaral sa mababang paaralan ng Balighot Elementary School. Dahil sa programa ay nabibilhan na ng buwanang bitamina silang magkapatid. Makikitang malusog at may angking talino ang magkakapatid dahil sa magandang grado sa eskwelahan.
Ganun pa man, naging malaking hamon ang kahirapan at pandemya sa kanilang pag-aaral ngunit hindi ito naging hadlang upang hindi makaahon sa buhay ang buong pamilya. Para kay Geraldine, “Magtrabaho at paghirapan ang pangarap. Walang dahilan upang hindi magtagumpay dahil ang ating gobyerno ay tumutulong sa bawat pamilyang Pilipino ngunit huwag umasa sa tulong ng gobyerno dapat gawing pundasyon ang tulong upang maging umunlad. (Ipinasa ni Municipal Link Colleen D. Doletin ng Maayon, Capiz POO)