KABANKALAN, Negros Occidental – Ibinubuhay ni Leslie Villaruz ang kanyang pamilya lalo na ang apat na anak sa paggawa ng lapida sa kanilang syudad sa Kabankalan, Negros Occidental.
Sa kasagsagan ng pandemya, naging maganda ang kanilang kita ngunit dahil sa paghihigpit ng pamahalaan dulot ng tumataas na bilang ng naapektohan ng COVID-19, nagsimulang naging gipit muli ang kanilang kita at ilang beses na rin siyang nawalan ng trabaho.
Pero para sa kanya, mas masakit ang mawalan ng bahay ng dumating si Bagyong Odette lalo na nangyari ito bago pa man mag Pasko at Bagong Taon.
Sabi ni Leslie parang gumuho ang kanyang pangarap ng wasakin ng bagyo ang kanilang bahay na pinamuhunan niya ng ilang taon. Pero naging masaya rin siya dahil buo pa rin ang kanyang pamilya sa kabila ng masakit na karanasan sa kalamidad.
Malaki ang kanyang pasasalamat sa natanggap na tulong mula sa lokal na pamahalaan at ng DSWD lalo na sa Family Food Packs (FFPs) at trapal na ibinigay sa kanila. Malaki ang tulong ng trapal sa barung-barong bahay na ginawa niya para magkasya silang lahat sa iisang bubong.
“Kahit papaano nabuhayan kami ng pag-asa kasi hindi na kami mababasa ng ulan at giginawin tuwing gabi,” sabi ni Leslie.
Nanalangin siya na sana mabigyan pa sila ng tulong pinansyal para mapaayos ang bahay nila na winasak ng bagyo at tinangay ng baha./Isinulat ni Angel G. Elaran/Photo Credit to Kabankalan City Link Richelle Diopido.