ILOILO City – Bilang kapwa kawani ng gobyerno, nasanay na ang mag-asawang Belen at Ramon Gebusion na malayo sa isat-isa dahil sa kanilang trabaho pero nanatiling magkalapit sila dahil sa madalas na komunikasyon gamit ang cellular phone.
Si Ramon ay nagtatrabaho sa Department of Agrarian Reform (DAR) at nakabatay sa Cauayan, Negros Occidental. Si Belen naman ay Division Chief ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakabatay sa DSWD Regional Office VI, Molo, Iloilo City.
Pero minsan sadyang may mga pagsubok na dumarating sa buhay na hindi inaasahan. Tulad ng pagdating ni Bagyong Odette na sumubok sa pananampalataya ng mag-asawa. Alas 9:30 sa gabi ng Huwebes ang huling message ni Ramon kay Belen.
Alalang-alala si Belen sa sitwasyon ng kanyang asawa dahil ang Negros ay isa sa mga dadaanan ng bagyo at kasalukuyang nasa Signal No. 4.
Kinaumagahan, kahit matamlay ang katawan ay pilit na bumangon si Belen para magreport sa Operations Center bilang miyembro ng Quick Response Team (QRT) Delta Force. Boluntaryo siyang nag repack ng mga Family Food Packs (FFPs) sa warehouse para madagdagan ang naka- preposition na goods. Sinisiguro niya rin na ang mga Pantawid staff ay nakaalalay sa kanilang mga area para sa patulo
y na pag-monitor sa bagyo.
Sa kabila ng lahat, kahit pagod man, iniisip pa rin ni Belen kung kamusta na kaya ang kanyang asawa dahil halos isang araw na siyang walang komunikasyon sa kanya. Nabalitaan niya rin ang mga pinsala dala ng malakas na hangin sa lugar mismo ng kanyang asawa sa Kabankalan City kung saan doon temporaryong naninirahan si Ramon kung may trabaho. Kahit wala siyang kasiguraduhan, nagpadala pa rin siya ng text message na “Luv, hope you are okay and safe” sa kanyang asawa baka sakaling mabasa niya.
Sumunod pa ang ilang araw, namuno si Belen bilang Action Officer sa Operations Center. Sinisiguro niya na ang mga FFPs na hiniling ng mga local na pamahalaan ay makakarating ng maayos at maibigay sa mga apektadong pamilya.
Kahit sa kalagitnaan ng kanyang trabaho, hindi maikaila ni Belen ang mag-alala sa kanyang asawa lalo na laging nagtatanong ang kanyang dalawang anak kung may balita sa kanilang ama. Kahit medyo magulo ang isip ni Belen, pinipilit niya pa rin na magpatuloy ang trabaho at ipina sa Diyos na lang ang lahat.
Sabado ng umaga ng nakatanggap siya ng text message galing sa kanyang asawa na maayos lang siya at kasalukuyang nagbabyahe pauwi ng Iloilo. Malaki ang pasasalamat ni Belen sa Poong Maykapal na hindi pinabayaan ang kanyang asawa lalo na ito ay magdidiwang ng kanyang ika 57 na taon ngayong araw.
Para kay Belen, ang makauwi ng ligtas ang kanyang asawa ay isang napakagandang regalo para sa buong pamilya na ipagdiwang ang kaarawan ng taong pinakamamahal nila.//