BAGO City – Gusto ko ibahagi ang aking kwento dahil nais ko po sanang magbigay ito ng inspirasyon sa kapwa kong benepisyaryo ng 4Ps at sa iba. Para sa akin, ang pangarap ay maaaring makamit kahit ano mang estado ng buhay basta may tiyaga at nasa puso at isipan ang hindi pagsuko sa gustong marating. Katuwang ang tulong ng gobyerno, nakamit ko din ang makapagtapos sa kolehiyo. Sa mga susunod na taon, nais kong mag-apply at magtrabaho sa gobyerno para mas makaraos kami sa kahirapan.
Ako si Janice H. Mondia nakatira sa Purok P.B.R. Barangay Calumangan, Bago City, Negros Occidental.
Ang buhay namin ay napakahirap dahil sa nag-asawa ako noong 21 taong gulang pa lang ako. Nag-aaral ako sa kolehiyo kahit na buntis ako, at ang masaklap pa ay nagkasakit ang aking asawa. Kapos kami sa gastusin
 sa pagpapaopera at pagpagamot sa kanya. Sa kasamaang palad ay napilitan akong huminto sa pag-aaral, 2nd year Criminology na ako ng mga panahon na iyon.
Lumipas ang mga taon, nagkaroon kami ng anak na babae. Sobrang saya namin ng aking asawa ngunit sa likod ng kasiyahan na iyon kay may nakakubling takot at pangamba, takot dahil paano namin bubuhayin ang aming mga supling? Kapos kami sa pera at walang sariling tirahan. Napakahirap talaga at sa sobrang hirap namin ni hindi kami makapagpatayo ng sarili naming bahay. Palipat-lipat kami ng bahay. Minsan sa mga magulang ko at minsan naman sa biyenan ko. Ang hirap pagnakikitira ka lang kaya kahit mahirap ang buhay na naranasan naming ay nagsumikap kami para magkaroon ng sariling bahay. Taong 2008 ng nakatira na kami sa sariling kubo na kahit maliit, masaya at kontento naman dahil kompleto kami.
Taong 2009 sa hindi inaasahan nagkasakit ulit ang aking asawa pero sa awa ng Diyos hindi naman masyadong malala. Nagkaroon ng gasgas ang lalamunan niya dahil sa pagpapabaya niya sa kanyang ubo. Nagpapasalamat din ako sa mga panahon na iyon ay nandiyan pa ang biyanan kong lalaki na tumutulong at nagbibigay ng bigas sa amin dahil nga anim na buwan pa ang hihintayin bago makapagtrabaho ang aking asawa.
Magkalipas ang isang taon, nagsim
ula kaming magtrabaho ng aking asawa bilang casual employees sa Lungsod ng Bago. Nadestino ako sa Bago City College, samantala ang aking asawa ay sa City Engineer’s Office na ang pang araw-araw na sahod ay mahigit kumulang ng P168.00. Sobrang liit kung iisipin pero kinaya ko para may makain kami at makatulong sa pangangailan ng aming pamilya. Para makatipid, nilalakad ko ang mahigit tatlong kilometrong layo makauwi lamang sa aming munting tahanan.
Kahit anong tatag ng isang tao pero minsan sising-sisi ka sa sarili mo.May mga araw na nagalit ako sa sarili ko at iniiyak ko na lang. Pagod na ako pero hindi ko ipinapakita sa pamilya ko. May mga araw din na gusto kong sumuko pero habang pinagmamasdan ko ang mga anak ko, napaisip ako na mas sila ang mahihirapan kong pati ako ay susuko. Lahat ng pinapagawa sakin ay tinatapos ko bago
umuwi sa panahon na iyon. Kahit saan ako itapon ay “game” ako. Minsan sa registrar ng school, sa TechVoc Department at sa Library.
Pero dumating ang araw na mag-aaral na ang aking anak na lalaki kaya napilitan akong huminto muna sa pagtatrabaho upang bantayan siya. Ang isa kong anak na babae ay na sa poder ng mga magulang ko kaya sila ang nag-aalaga at nagpapaaral. Taong 2013 ng tinawagan ako ng Librarian ng paaaralan na dating pinapasukan ko at pinapabalik na ako sa trabaho. Grade 1 na ang anak kong lalaki at kasama niya na sa paaralan ang panganay kong anak kaya kampante na ako na bumalik sa trabaho.
Naging mabuti ang kalagayan namin ngunit isang problema ang dumating sa gitna ng maayos naming pamumuhay. Dinadala sa hospital ang panganay kong anak dahil sa namaga ang kanyang paa na hindi namin alam ang dahi
lan. Wala namang problema sa resulta ng kanyang X-ray ngunit ilang araw din kami sa ospital at nagkaproblema pa dahil kada-anim na oras ay dapat nakahanda na kami ng pera para sa gamot niya. Nakalipas ang isang linggo, lumabas kami sa hospital pero wala man lang findings ang doktor at nagpagamot kami sa iba kaya nakalakad na ulit ang panganay kong anak.
Binalewala namin noon ang naramdaman ng anak ko sapagkat bumuti naman ang kanyang karamdaman, subalit pagtungtong niya sa ika-anim na baitang, naramdaman niya muli ang sakit at hindi makalakad kaya pumunta na kami sa espesyalista sa buto. Dumaan ang anak ko sa maraming pagsusuri at laboratory kaya doon nalaman na maraming bakterya ang puso niya. Mayroon siyang “RHD o Rheumatic Heart
 Disease”.
Noong nalaman namin na may sakit siya, agad kaming nagpa “2d echo” at nagpaeskedyul ng injection kaya kada 21 araw ay pumupunta kami ng hospital upang mag painject at kada taon ay nakaeskedyul kami para sa 2d echo para ma monitor at mabawasan ang bakterya sa puso niya. Hindi nagtagal ang 21 araw namin ay naging 28 araw na.
Pero hindi pa dito natapos ang pasubok na dumating sa aming pamilya. Taong 2019 ay nalaman namin na may gallstone ako at kailangang operahan. Nagdesisyon agad kami na magpaopera dahil hindi ko na kaya ang nararamdaman kong sakit sa tiyan at tagiliran na parang ulcer dahil sa hapdi ng sikmura ko.
Laking pasalamat namin na naging miyembro kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil naging zero balance ako paglabas ko ng ospital katulad ng sa anak ko. Malaking tulong ang Philhealth na ibinigay sa amin para mapagaan ang mga gastusin. Habang kami ay nagsusumikap sa araw-araw na gastusin ay naging sandigan naming pamilya ang 4Ps sapagkat malaking tulong ang programa sa amin.
Pero hindi dito nagtatapos ang mga gusto kong mangyaring pag-unlad sa buhay. Napagtanto ko na mahirap ang walang pinag-aralan. Taong 2016 ay naisipan kong mag-aral muli, nag-shift ako sa kursong AB English mula sa Criminology. Naranasan kong umuwi ng hating gabi, muntik na rin akong bumagsak at mag-drop ng subjekt pero sa huli, kinaya ko. Gusto kong makapagtapos ng aking kurso kaya lahat ay gagawin para sa aking mga pangarap.
Sa wakas, nakapagtapos ako ng kursong Bachelor of Arts Major in English nito lang Mayo 30, 2020 sa edad na 37. Nagawa ko iyon dahil naging multitasking ako bilang asawa, ina, nagtatrabaho at bilang isang estudyante. Lahat ng iyon ay kinaya at nakaya ko.
Laking tuwa ng pamilya ko ng nalaman nilang nagtapos na ako sa college at doubleng saya pa dahil nalaman ko na buntis na pala ako noong panahon na iyon sa pangatlo naming anak. Sa ngayon ay may munting anghel na kami sa bahay at dahil pandemic, ang panganay kong anak ang siyang nag-aalaga sa kanya at ang pangalawa kong anak naman ang siyang naghahatid sa amin sa labasan kapag nagtatrabaho kaming mag-asawa dahil marunong na siyang magmaneho ng traysikol.
Patuloy lang ang buhay namin kahit na minsan gipit kami kasi imbes na pagkain ang bibilhin ay diaper at gatas na ni bunso. Kung araw na nasa trabaho ako, feeding bottle siya at kung gabi naman ay breastfeeding.
Sa tulong ng mga nakakatandang kapatid, naging magaan ang trabaho ko dahil alam kong hindi napapabayaan ang anak ko. Salamat sa Diyos na palaging nandiyan. Siya palagi ang gumagabay sa amin at siya rin ang sentro ng pagmamahalan naming magpamilya.
Ngayon, unti-unti na naming naipagpapatayo ang aming bahay. Malayo na din ang aming narating dahil sa lahat ng mga pagsubok na dumating sa aming buhay, ni minsan hindi kami bumitaw.
Sa ngayon, dumadalangin ako na makapasok bilang regular na empleyado sa gobyerno. //(Ipinasa ni ML Charity Perez, Bago City, Negros POO2)