CUARTERO, Capiz – Ito ang pinatunayan ng isang dakila at huwarang ina na si Ma. Lisette Fabrigar mula sa Barangay Angub ng bayan na ito.
Si Lisette ay may apat na anak at ang kanilang buhay ay mahahalintulad sa isang kahig, isang tuka lalo na ng iniwan sila ng kanyang asawa.
Bago pa man sila naghiwalay, nagka problema na ang mag-asawa kung paano bubuhayin ang apat nilang mga anak. Ito ang nagtulak sa asawa ni Lisette na makipag-sapalaran sa Maynila. Ngunit paglipas lamang ang mahigit-kumulang isang taon ay hindi na ito nagparamdam at hindi na rin nagpapadala ng perang pantustos para sa kanila.
Sa pagkakataong iyon, hindi lubos maisip ni Lisette kung paano niya bubuhayin ng mag-isa ang apat na mga anak. Wala siyang maayos na trabaho at hindi rin siya nakatapos ng pag-aaral kaya’t napilitan siyang tumanggap ng labada at magtrabaho sa sakahan nang sa ganun ay hindi magutom ang kanyang mga anak. Dagdag pa sa kanyang mga alalahanin kung paano maitatagayod ang pag-aaral ng mga ito.
Lubos ang pasasalamat ni Lisette nang napabilang ang kanilang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Naging malaking tulong ito upang patuloy niyang mapag-aral ang kanyang mga anak sa kabila ng kahirapan.
Hindi din inakala ni Lisette na may kasunod pa palang magandang oportunidad na dadating sa kanya nang nabigyan siya ng pagkakataon na makasali sa isa pang programa ng DSWD – ang Sustainable Livelihood Program (SLP).
Siya ay naging benepisyaryo ng Entrepreneurial Skills Training on Food Processing at nakatanggap ng Certificate of Achievement nang matapos niya ang training noong Nobyembre 7-10, 2016. Nabigyan din siya ng Mobile Food Cart, mga gamit panluto na pwede niyang gamitin sa pagtitinda, at panimulang puhunan na P1,000.00 pesos.
Dagdag pa rito ang kaalamang ibinahagi sa kanila sa tamang pagluluto ng mga pagkaing pwedeng ipag-negosyo. Simula noon itinigil na ni Lisette ang pagtanggap ng labada. Sa halip ay ginamit niya ang kanyang mga natutunan sa training para makapagsimula ng maliit na negosyo.
“Malaki ang tulong ng programa ng DSWD sa akin kasi naging magaan ang buhay naming. Ngayon, meron na akong sariling negosyo dahil sa SLP. Through sa SLP, nagkaroon ako ng libreng training, starter kit, at puhunan,” sabi ni Lisette.
Dagdag pa ni Listtele na noon kumikita siya ng P400.00 sa paglalabada araw-araw pero ngayon kumikita na siya ng P400 .00 sa negosyong doughnut at P500.00 naman sa barbeque.
Si Lisette ay isa sa mga maituturing na dakila at walang kapagurang ina. Maghapon siyang nagtitinda mapa-barangay man o paaralan ay nililibot niya para lamang mailako ang kanyang paninda at kumita. Kahit sa panahon ngayon na may pandemya ay hindi siya tumitigil na paghahanap-buhay at lalong naging mas maabilidad pa.
Dahil walang pasok sa mga paaralan, sinubukan niyang magluto ng empanada at nilalako niya rin ito sa mga barangay. Para hindi din magsawa ang kanyang mga customer ay sumubok din siya ng ibang luto katulad ng sopas, bihon, at arroz caldo. Tuwing hapon naman ay nagtitinda siya ng barbeque sa kanilang lugar. Lubos ngang kahangahanga si Lisette dahil sa kabila ng mga balakid at paghihirap sa buhay ay nagagawa niyang mairaos ang kanyang pamilya at maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
Ngayon ay may tatlo na ang high school ni Lisette. Pumasok rin siya bilang estudyante sa Alternative Learning System (ALS) para makatapos sa high school. Hindi naging hadlang ang kanyang pagiging solo parent para hindi masustentuhan ang pangangailangan ng mga bata. Labis-labis siyang nagpapasalamat sa mga programa ng DSWD na tumulong sa kanya at naging sandata niya upang labanan ang kahirapan ng buhay.
Nawalan man siya ng katuwang sa buhay pero naging daan naman ang DSWD upang maging kaagapay niya sa kanyang mga anak. Si Lisette na isang solo parent ay sobrang nagsumikap dahil Malaki ang pangarap niya para sa apat na anak.//dswd6
“WE MAKE CHANGE WORK FOR WOMEN”
“Juana Laban sa Pandemya: Kaya!”
#DSWDMayMalasakit
#SLPSibol
#WomenMakeChange
credits to gcastenales and SLP Capiz