DINGLE, Iloilo –
Ako po si Mary Ann Hornada, taga Dingle, Iloilo. Tulad ng mga karaniwang magulang ay isa lang din akong ordinanryong ina na ang tanging kagustuhan ay makapagtapos ang aking mga anak. Isa po akong tindera ng kakanin at gulay sa palengke ng halos 20 na taon na rin. Meron po akong walong anak na sa awa ng Diyos ay napag-aral ko lahat at lima na ang kasalukuyang nakapagtapos sa kolehiyo. Hayaan niyong ilahad ko sa inyo and aking kwento.
Dahil sa hirap ng buhay elementarya lang ang natapos ko. Nakapag-asawa ako sa murang edad na 17 taon. Sa murang edad alam kong hindi madaling magkaroon ng sariling pamilya. Ikinasal at bumukod kami ng aking asawa,. Nagkaanak at nagtayo kami ng barong-barong na gawa sa dahon ng niyog na siyang nagsilbi na rin naming tahanan. Nagtanim kami ng iba’t- ibang klase ng gulay upang may pantawid gutom. Kadalasang nilagang kamote ang kinakain namin sa tuwing nauubusan kami ng bigas. Nagsimula akong magbenta ng gulay sa palengke na siyang tinatanim ng aking asawa. Ito ang nagtugon sa pag-aaral ng aking mga anak at pangtustos sa mga kakailanganin sa loob ng bahay. Sa karampot na kita, hindi ko malubos maisip kong paano ko ito napagkakasya. Dahil sa pinagdaanan naming mag-asawa na elementarya lang ang natapos, hirap kaming makahanap ng trabaho para matustusan ang pangangailangan ng aming mga anak. Ipinangako ko sa sarili na ipagtapos ko sila ng pag-aaral para hindi nila maranasan ang buhay na meron kami ngayon.
Dumaan ang maraming taon at lumaki na ang aking mga anak. Dumami na rin ang mga bayarin sa eskwelahan at lumaki na rin ang gastusin sa aming tahanan. Naghanap kami ng iba pa na maaring ibenta. Sinubukan naming gumawa ng kakanin ( ibos ) at sa hindi inaasahan pumatok ito sa mga tao. Dumami ang mga nagiging suki ko at maging ang umoorder sa akin. Mula sa isang kilo kong nagawa ay umabot na ito sa 15-20 kilos kada araw. Bagamat ito ang nagging pangunahing pinagkukunan namin, hindi pa rin ito nagiging sapat sa pang araw-araw naming gastusin. Natatandaan ko pa na may pagkakataon na nagtatago na ako sa mga pinagkakautangan ko. Hindi dahil sa ayaw ko magbayad, kundi dahil sa wala talaga akong pambayad. Minsan, kahit sarili mong kaibigan, kapamilya at maging ang malalapit mong kamag-anak ay hindi kana kayang pautangin dahil na rin siguro sa sitwasyon ng buhay namin.
Sa kabila nito naging matatag ako para sa kinabukasan at pangarap ng mga anak ko. Nagsikap sila sa pag-aaral. Naging motibasyon ko ang mga awards na nakukuha nila sa eskwelahan. Bilang magulang, masakit isipin na madalas hindi mo mabili ang mga requirements nila sa paaralan at palaging late ang pambayad ng tuition fee, kailangan pa magpromissory. Kahit kelan hindi ko narinig na nagrereklamo ang aking mga anak dahil naiintindihan nila ang aming sitwasyon. Sa bawat pawis na namuo at pumatak sa aming noo sa pagkakayod sa pagtatanim ng gulay, sa paggawa ng kakanin at sa pagtayo sa ilalim ng matirik na araw sa palengke ay napapawi sa tuwing sinasabitan ko sila ng medalya tuwing Recognition at Graduation day. Bawat luha na pumatak sa aking mga mata sa pakikiusap na makautang at sa pinag-utangan ay tila sa isang saglit ay napalitan naman ang luha ng saya. Sabi nga ng iba, ang swerte ng mga anak namin at kami ang mga magulang nila. Pero sabi ko naman, ang swerte namin kasi nagkaroon kami ng mga anak na tulad nila. Sa awa ng Diyos napagraduate ko ang aking panganay na anak sa kursong BS Information Management. Kalaunan nagkaroon din ito ng sariling pamilya. Ang aking pangatlong anak nakapagtapos na rin sa kursong BS Information Technology. Siya ang nagiging katuwang ko sa pag-aaral ng mga kapatid niya sa kolehiyo. Ang pangalawa ay pansamantalang napatigil d sa eskwela dahil na din sa kahirapan kaya napasabay na ito sa pang-apat niyang kapatid.
Taong 2011, nakapasok kami sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Nakatanggap kami ng tulong pinansyal mula sa Gobyerno kada dalawang buwan. Naging malaking tulong ito sa pag-aaral ng aking mga anak. Nakakabili na ako ng kanilang uniporme na dati ay pinaglumaan ng kapatid ang gamit nila. Nakakabili na ako ng notebook na dati ay pinagtatagpi lang mula sa natirang notebook. Nadagdagan na rin ang pambili namin ng bigas at nakakabayad ng tuition fee na dati rati ay kailangan ko pang mangutang. Ang kita naming mag-asawa sa paglalako ng gulay at paggawa ng kakanin ay iniipon naming para pambayad sa matrikula ng kapatid na ng-aaral sa kolehiyo. Pinagkakasya naming ang nakuhang grant sa Pantawid sa gastusin ng mga bata na nag-aaral sa elementarya at high school. Tuwing may reles, nakakabili ako ng masarap na ulam na dati puro daing lang ang nabilbili naming mag-asawa. Laking pasalamat ko sa Pantawid dahil natugunan nito ang pangangailangan ng mga anak ko. Dahil na din dito, mas nagiging pursigido ang aking mga anak sa pag-aaral. Nakapagtapos na Valedictorian ang pang-apat kong anak na si July at kumuha ng kursong BS Accountancy at naging scholar . Kasabay din nito ang pagkolehiyo ng pangalawa kong anak na si Rouan na kumuha ng Kursong Marine Engineering. Noong una gusto kong patigilin muna si Rouan ng pag-aaral, dahil hindi ko kayang pagsabayin silang dalawa dahil my mga kapatid pa silang ng-aaral sa elementarya at high school . Pero pursigido si Rouan na makapag tapos at naging working student. Halos mababaliw ako sa kakaisip kung saan kukuha ng pangtustos ng kanilang pag-aaral. Yung natanggap ko sa 4Ps ay nagiging pambayad ko na lng sa pinagkakautangan ko. Sa pagkakataong iyon, si Lord na lang ang naging sandalan ko. Alam kong my plano siya para sa amin. Nagdaan ang mga araw, buwan at taon na hindi ko namalayan sa pagkakayod na mataguyod ko ang pag-aaral nila, nakapagtapos ang aking mga anak sa kolehiyo. Nag-review si July sa kanyang board exam at nakapasa noong July 2018 . Sa wakas! May anak na akong Certified Public Accountant (CPA). Si Rouan naman ay nakasakay na ng barko bilang isang kadete. Si Novy ang panglima kong anak ay nagkolehiyo na din at kumuha ng kursong BS Accountancy sa St. Vincent College – Pototan Campus sa tulong ng isang scholarship program. Siya ay nakapagtapos nitong Marso at kasalukuyan ngrereview para sa kanyang board exam. Ang pang anim kong anak na si Smart ay nakapag tapos na din ng high school at magkokolehiyo na naman. Ang tila walang katapusang gastusin ay naging magaan na sa pakiramdam dahil sa puntong ito, alam kong may karamay na ako.
Sa kabila ng lahat, isang pa rin akong tindera. Marahil isa nga lang akong tindera para sa iba, pero ito ay hindi naging hadlang para mabigyan ko ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. At kahit na maging propesyunal man ang aking mga anak, mananatili pa rin akong tindera. Sa pagiging tindera ko napagtapos ang aking mga anak at ikinararangal ko ito. Naway magsilbi ding inspirasyon ang aking kwento dahil ako’y naniniwalang “Habang nabubuhay, may PAG-ASA”.//dswd6/mgc (Ipinasa ni: Cristine T. Caro, Municipal Link-Dingle, Iloilo POO)