Ako po ay si Catherine Pabora, Social Worker, na nakapagtrabaho sa DSWD- UNICEF (United Nations Children’s Education Fund) sa Maayon, Capiz sa nakaraang taon.
Sa aking trabaho, Natunghayan ko ang dalawang buhay na hindi ko malilimutan dahil ako mismo ay naging parte ng kanilang buhay. Kwento ito ng dalawang bata na naging biktima ng Bagyong “Yolanda” at survivor ng abuse.
Itago natin sila sa pangalang Tintin at Ikay. Si Tintin ay ulilang lubos na at sa kanyang murang edad ay kinupkop na lamang ng kanyang Tiya Norina. Siyam na taong gulang sya nang una syang nakaranas ng pangaabuso sa kamay ng kanyang step father. Siya ay ikinulong sa isang kubo ng mahigit dalawang linggo, sa awa ng Diyos siya ay nakatakas. Bunga ng hindi magandang kabanata ng kanyang buhay, si Tintin ay naligaw ng landas. Pinili niyang tumigil sa pag-aaral at sa impluwensya ng barkada ay nagumpisang mag-ayos lalaki.
Sa gitna ng lahat ng kanyang sinapit, kami ay nagkita ng landas. Sa mga tangka sa kanyang buhay at hindi maayos na kapaligiran na kanyang ginagalawan, siya ay aming kinausap patungkol sa aming plano na dalhin siya sa isang institusyon. Binigyan namin siya ng pagkakataon na makapagisip at hindi naman kami nabigo. Kusa siyang tumugon sa aming plano.
Sa kasalukayan, nakabalik na sa pag-aaral si Tintin at unti-unti na ring nagbabago ang kanyang mga asal at gawi bilang isang babae. Ito ay dahil na rin sa tulong ng Cameleon Association, temporary home for at-risk girls. Sa patuloy na pakikipaglaban para sa katarungan sa kasalukuyan ng umusad ang kaso at nahuli na ang suspek. Hinding hindi ko malilimutan ang kwento ng batang ito dahil siya ang kauna-unahang kaso na hinawakan ko at humasa sa akin bilang isang ganap na social worker.
Masalimuot din ang naging buhay ng batang si Ikay matapos ang bagyong “Yolanda”. Isa din siya sa mga biktima ng panggagahasa ng bayaw ng kanyang step-father. Nalagay din sa kapahamakan ang batang ito nang tinadtad ng suspek ang kanilang kubo na pinagtagpi tagping piraso ng kahoy lamang ang nagsisilbing pintuan gamit ang bolo. Sa pakikipagugnayan sa mga opisyal ng barangay at awtoridad, nagsilbing temporaryong tirahan ng pamilya nila Ikay ang day care center. Inilipat ng kustodiya si Ikay para na rin sa kanyang kaligtasan. Di lumaon ay napagpasyahan na ilagay din siya sa isang institusyon upang siya ay mailayo sa panganib at makapagpatuloy ng kanyang pag-aaral. Meron na siyang proposed sponsor at ito ay si Sabrina, isang Hollywood singer. Sa kabilang banda, patuloy pa ring nililitis ang kaso. Naranasan ko sa kaso ni Ikay na manlamig sa takot kapag ako ay bumibisita sa kanilang bahay. Wala kaming kaalam alam na ang suspek na tinutugis ng mga awtoridad ay amin na palang nasalubong at nadaanan. Sa awa naman ng Diyos ay nakauwi kami ng mapayapa at ligtas.
Kay sakit lang isipin na sa mga mura nilang edad ay nakaranas na sila ng mga sitwasyon na hindi kaaya-ayang maranasan ng sinumang musmos na bata. Ang mga kabataan ay dapat malayang namumuhay sa piling ng kani-kanilang pamilya. Ramdam ko ang kanilang pananabik sa kanilang mga mahal sa buhay nang ako ay dumalaw sa kanila. Temporaryo lamang ang kanilang pagkawalay sa kanilang pamilya. Ito ay para din sa kanilang proteksyon upang marating nila ang mas maayos na bukas na sya namang naghihintay sa kanila.
Ibang iba na ang kanilang aura ng muli akong dumalaw sa kanila. May mga ngiti na namumutawi sa kanilang mga labi at mata na kay aliwalas tingnan. Na wari bagang walang bakas ng masakit at mapait na nakaraan. Malungkot man ang mga karanasan na aking nakita, masaya naman ako na kahit papaano, naging parte ako ng kanilang buhay. Sa patuloy na pag-agos ng tubig sa ilog, nakita ko ang mga mukha ng aking mga naging kliyente nang mahigit ding isang taon.
Siyam na bata ang aking napaglingkuran sa mahigit isang taong pag seserbisyo sa ilalim ng child protection program. Dahil sa mga aktibong advocacies, napalaganap ang case management protocol, na naging dahilan ng pagtaas ng reported cases. Nagpapatunay lamang na aware na ang taong bayan ukol sa mga karapatang pambata at pagkakaisa ng bawat mamamayan sa pagbibigay proteksyon sa mga batang nalalagay sa kapahamakan.
Hindi ko ito pinangarap pero plinano ng Diyos na maging bahagi ako ng kanilang buhay. Ganito ang buhay social worker – masaya, makulay, at delikado. Iba ang pakiramdam na makatulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan. Sa dami ng nangyari, hindi lang buhay ng mga clients ko ang nagbago kundi pati rin ang buhay at mga paniniwala ko.
Sa pagtatapos ng proyektong aming kinabilangan sa mahigit isang taon, baon ko sa buhay ang aking mga natutunan. Kung ano mang dagok ng buhay ang dumaan, lahat ay may rason at parating may bagong umaga na naghihintay. Naranasan ko mang lumuha, baon ko naman ang aral ng buhay na dadalhin ko kahit saan man ako mapadpad. Ang mga saya’t ngiti na aking natunghayan at naranasan ay hinding hindi ko malilimutan sa tuwing aking naalala ang mga nakaraan na parang kahapon lamang nangyari./dswd6