4Ps PL noon, SWA na ngayon!

Testimonya ni : MARIA LYN A. NARCISO
Social Welfare Assistant
Benepisyaryo ng 4Ps

HAMTIC, Antique – Ang buhay ay puno ng surpresa, kasama ng mabubuti at minsan ay kamalasan din. Ngunit, upang malampasan ang mga hindi kanais-nais na mga pangyayari dapat ay marunong tayo makibagay at maging “flexible” sa pagharap ng problema at paghanap ng mga paraan upang malampasan ang mga pagsubok sa buhay at maitaguyod ng maayos ang ating pamumuhay. Ito ang sabi ni Maria Lyn A. Narciso, 52, dating 4Ps Parent Leader pero ngayon isang Social Welfare Assistant (SWA) na ng bayang ito.

Si Maria Lyn at ang kanyang asawa na si Jon-Jon ay nakatira sa lugar na malapit sa baybayin ng Brgy. Jinalinan, Barbaza, Antique. Ang hanapbuhay ng asawa ay isang mangingisda at kung minsan konduktor ng jeep samantala si Maria Lyn ay nasa bahay lang kasi maliliit pa ang tatlong mga anak pero kung minsan naglalako rin siya ng isda para makatulong sa kanyang asawa.

Taong 2009 napabilang ang kanilang pamilya sa 4Ps, at dahil sa cash grants nakaya na nilang mag-asawa na matustusan ang pagsali ng kanilang mga anak sa mga aktibidad ng kanilang paaralan. Para kay Maria Lyn dahil sa programa natugunan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya lalo na ng mga bata, pumapasok sila sa paaralan na may baon at maibili na ang mga kailangan nila. Sa mga panahong ito, patuloy parin sila ng kanyang asawa sa mga paghahanapbuhay. Dagdag pa dito, bilang isang benepisyaryo ng 4Ps, nabigyan si Maria Lyn ng pagkakataon na maka training sa Sustainable Livelihood Program (SLP). Pagkatapos ng training siya ay nakapasa sa Individual Livelihood Assistance at nabigyan siya ng dagdag puhunan sa kanyang negosyong kakanin.

Dahil siya ay aktibong bilang miyembro ng 4Ps, siya ay napili na maging Parent Leader sa kanilang barangay. Bilang PL, nahasa ang kanyang galing at kakayahan sa pagserbisyo. Siya ay nakapag-attend ng ibat-ibang pagsasanay sa TESDA at PLs Trainings ng DSWD. Naging Presidente rin siya sa pangkalahatang “Parent Leaders Association ng Barbaza” taon 2012-2017. Noong 2015, ang Buttom Up Budgeting ay naipatupad kung saan naibaba ang budget sa lahat ng proyekto ng gobyerno at nabigyan ng pagkakataon ang 4Ps na makatanggap nito at bilang Presidente siya ang kumatawan sa pangkalahatan. Isa siya sa mga signatories upang maipa labas o ma aprobahan ang pondo ng lahat na mga proyekto ng Barbaza, isa na din doon ang kanyang naisulong na proyekto – ang “Salin Tubig” sa Brgy. Mayabay na nagkakahalaga ng Php1.2 Million at Dress Making Training para sa mga Parent Leaders ay naipatupad din.

Sa parehong taon, bilang Presidente ng Barbaza Unified PLs Association kung saan miyembro ang lahat na PLs ng Barbaza – ito ay naglalayon ng paggawa ng mga proyekto na makakatulong sa dagdag kita ng mga PLs at makatulong sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Taong 2016 ito ay nabigyan ng pondo galing sa SLP na nagkakahalaga ng Php 450,000.00. Nagbukas ito ng isang merchandize o tindahan na nagbibinta ng school supplies na pinapamahalaan ng mga miyembro ng asosasyon. Bukod dito, ang tindahan ay nakakuha ng lisensya galing sa National Food Authority (NFA) na maging isang authorized rice retailer.

Akala ni Maria Lyn simula na iyon ng kanilang magandang buhay pero taong 2017 nang siya ay tuluyang naging Solo Parent, dahil iniwan sila ng kanyang asawa. Masakit ang kapalaran ngunit wala siyang oras para magpadala sa kanyang damdamin. Lakas loob na itinaguyod niya ang apat na mga anak.

PAGTATAYA

Sa parehong taon, nagkaroon si Maria Lyn ng lakas ng loob na mag-apply sa LGU Barbaza bilang Job Order at siya ay mabilis na natanggap. Siya ay naging isang LGU Link ng DSWD-4Ps. Kahit maliit ang sahod ay kinakaya para lang makapag-aral ang mga anak kahit sa sitwasyon na salat sa pinansyal. Kahit nag-iisang nagtataguyod sa mga anak, ipinadama niya sa kanila ang pag mamahal ng isang magulang at pagiging matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Laking pasasalamat ni Maria Lyn na naging academic excellence awardees naman ang mga bata na naging inspirasyon niya para patuloy na lumaban.

Tuwing walang pasok, si Maria Lyn ay sumasideline rin sa Barbaza MPC bilang isang coordinator. Salamat dahil naka pag training din siya sa training of Trainers to conduct Pre-Membership Education Seminar (PMES) sa mga bagong miyembro ng kooperatiba, ito ay nagsilbing dagdag kita niya mula sa offsite PMES insentive at honorarium. Sa mga oras na sobrang siyang nahihirapan sa nga pangyayari sa kanyang buhay doon niya ibinuhos ang oras sa mga gawain sa opisina at responsibilidad sa mga anak. Tuwing mag sagawa siya ng Family Development Sessions sa iba’t-ibang barangays na ang topiko ay may kinalaman sa pamilya, ang kanyang sarili, sitwasyon at karanasan ang siyang ginawa niyang halimbawa sa kanila.

Taong 2023, nagkaroon ng hiring ang DSWD Field Office VI sa posisyon na Social Welfare Assistant (SWA). Nagka-interest siyang mag-apply sa tulong na rin ng mga staff ng departamento. Natanggap siya at na assigned sa Negros Occidental POO2 at hindi naglaon nailipat sa Negros Occidental POO1. Disyembre 2024 ng tila narinig ng Diyos ang matagal na niyang hinaing ng magkaroon ng opening sa Antique Provincial Operations Office at na aprobahan ang kanyang intent to transfer sa Hamtic. Labis labis ang tuwa at pasasalamat na naramdaman ni Maria Lyn dahil napalapit siya sa kanyang mga mahal sa buhay.

Sa ngayon, ang panganay na anak na si Rossenelyn ay naka pag tapos ng Bachelor of Elementary Education at nagtuturo na rin sa Golden Acre Elementary School ng Las Pinas, Manila habang ang pangalawa na si Jon Shia ay graduating ngayong taon sa kurso na Bachelor of Science in Information System sa University of Antique Tibiao Campus. Ang pangatlo na si Marijo ay 3rd college sa University of Antique, Sibalom-Main Campus sa kurso na Bachelor of Science in Criminology at ang pang apat ay si Liana Mae A. Narciso, Grade 12 student at kumukuha ng Humanities sa Saint Anthony’s High School Barbaza Inc. Ito ang bunga ng kanyang pagsisikap at pagmamahal. Naniniwala si Maria Lyn na ang edukasyon lamang ang tanging yaman na pwede niyang maipamana sa kanila.

Sa ngayon ang kanilang sambahayan ay napabilang na sa Level 3 – Improved Level of Well-being – at sila ay handa ng mag exit sa programa. (Ipinasa ng Hamtic MOO/MLE/mgc)

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD