π‘·π’‚π’ˆπ’ƒπ’‚π’ƒπ’‚π’ˆπ’π’π’ˆ π’‰π’‚π’•π’Šπ’… π’π’ˆ πŸ’π‘·π’” 𝒔𝒂 π’‘π’‚π’Žπ’Šπ’π’šπ’‚π’π’ˆ π’Žπ’‚π’š 𝟏𝟏 π’‚π’π’‚π’Œ
PRESIDENT ROXAS, Capiz (Pagbabago) – β€œAng 4Ps ay isang pag-asa ng mga maralita.” Ito ang mga katagang lumabas sa labi ni Erlinda Benosa, isang butihing maybahay at isa sa mga pamilyang pinagpalang mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa kabila ng maagang pakikipagsapalaran sa buhay may asawa sa edad na 19 at sunod-sunod na biyaya ng 11 anak, buong puso niya itong tinanggap bilang banal na kaloob ng Maykapal. Nagmula man sa hirap, nagdesisyon sina Erlinda at Rodrigo na harapin ang hamon ng pagbuo ng sariling pamilya. Isang karaniwang magsasaka sa tubuhan at maisan ang kanyang asawa na naging pangunahing ikinabubuhay ng mga mamayan sa Barangay Bayuyan, sa nasabing bayan.
Upang makatulong, nagtitinda naman si Erlinda ng mga meryenda para sa mga magsasaka tuwing panahon ng anihan. Nagsimula sila sa isang payak na tahanang gawa sa pawid at mga tagpi-tagping yero. Nang dumating ang kanilang unang anak, mas lalo pang pinagsumikapan ni Rodrigo ang paghahanapbuhay. Pumapasok siya bilang karpintero lalo na kapag walang trabaho sa bukid.
Dumating ang panahon na umabot sa walo ang kanilang mga anak. Dito dumanas ang mag-asawa ng matitinding pagsubok, ngunit nanatili silang matatag. Sa kabila ng kakapusan, iginapang nila ang pag-aaral ng mga bata. Ang kanilang panganay ay nakapagtapos ng high school at agad na nagtrabaho upang tumulong sa mga gastusin. Sumunod ang ikalawang anak na mapalad na nakatapos ng kolehiyo at nakakuha ng trabaho. Subalit para sa isang malaking pamilya na may mga anak na sabay-sabay na nag-aaral, laging kapos ang budget.
Ang malaking pagbabago ay dumating noong taong 2009 ng mapabilang ang kanilang pamilya sa programa ng 4Ps. Ang buwanang cash grants na kanilang natatanggap ay nagbigay ng malinaw na direksyon sa edukasyon ng mga bata. Laging ipinapaalala ni Erlinda sa kanyang mga anak na habang may tulong mula sa gobyerno, samantalahin nila na mag-aral nang mabuti, dahil ito lamang ang tanging daan upang makaahon sila sa kahirapan.
Naging masunurin ang mga bata at walang naligaw ng landas. Dahil sa kanyang dedikasyon, napili si Erlinda bilang isang Parent Leader sa Sitio Proper ng kanilang barangay. Ginamit niya ang posisyong ito upang maging inspirasyon at gabay sa mga kapwa benepisyaryo. Paulit-ulit niyang isinusulong ang tamang pag-gamit ng cash grants para sa edukasyon, ang regular na pagpapasuri ng kalusugan sa health center, at ang aktibong pagdalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS) upang mapalawak ang kaalaman ng bawat pamilya.
Ngayon, bitbit ang pasasalamat, kanyang inilalahad na,”unti-unti ng nakatawid ang kanilang pamilya sa kahirapan. Tunay na napakalaking tulong ng 4Ps sa tulad nilang mahihirap. Sa kasalukuyan, nakapagtapos na ang kanyang mga anak sa kanilang pag-aaral. May ilang nagtatrabaho na sa ibat-ibang larangan dito sa Pilipinas at sa ibang bansa samantala, ang iba naman ay may kanya-kanyang pamilya na at sariling mga negosyo.
Kung ano man ang may meron sila ngayon ito ay dahil sa sakrispisyo at pagsisikap ng kanilang pamilya sa tulong ng programa na naging kaagapay nila sa buhay. (Submitted by: President Roxas MOO, Capiz MOO) /mmld/lrc